Tanong
Saan sa Kasulatang Hebreo sinabi ang propesiya tungkol sa kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus?
Sagot
Sa buong kasulatang Hebreo, malinaw na makikita ang pangako tungkol sa isang Tagapagligtas. Ang mga propesiya tungkol sa isang Mesiyas ay ibinigay isandaan, minsa'y libu-libong taon pa bago pa isilang ang Panginoong Hesus, at malinaw na sinabi na si Hesu Kristo lamang ang nag-iisang tao na lumakad sa lupa na nagsakatuparan ng mga hulang ito. Ang totoo, mula sa Genesis hanggang sa Malakias, mayroong mahigit 300 na mga tiyak na propesiya na nagdetalye sa pagparito ng Tagapagligtas. Dagdag pa sa mga propesiyang nagdedetalye sa Kanyang kapanganakan sa pamamagitan ng isang birhen, ang Kanyang kapanganakan sa Bethlehem, mula sa lipi ni Judah, ang Kanyang pagmumula sa angkan ni Haring David, ang Kanyang buhay na walang kasalanan, ang Kanyang pagbabayad sa kasalanan ng Kanyang bayan, ang Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ay mahusay na naitala sa Lumang Tipan bago pa ang mga hulang ito naganap sa kasaysayan.
Sa mga kilalang propesiya tungkol sa kamatayan ng Mesiyas na mababasa sa Lumang Tipan, ang Awit 22 at Isaias 53 ang nangingibabaw. Ang Awit 22 ay kamangha-mangha sapagkat nagpahayag na ito ng napakaraming mga bagay tungkol sa pagkapako ni Hesus ilang libong taon bago pa ito maganap. Narito ang ilang mga halimbawa: “Bubutasin” ang mga paa't kamay ng Mesiyas (Awit 22:16; Juan 20:25). Hindi nabali ang mga buto ng Mesiyas (kadalasang binabali ang mga buto sa hita matapos na ipako ang isang tao sa krus upang mapabilis ang kamatayan) (Awit 22:17; Juan 19:33). Pinagsapalaranan ng mga kawal na lalaki ang damit ng Mesiyas (Awit 22:18; Mateo 27:35).
Ang Isaias 53, na kilala bilang isang klasikong propesiya tungkol sa Mesiyas o ang propesiya tungkol sa “naghihirap na lingkod,” ay nagbigay rin ng mga detalye tungkol sa kamatayan ng Mesiyas para sa kasalanan. Higit sa 700 taon bago ipanganak si Hesus, nagpahayag na si Isaias ng mga detalye tungkol sa Kanyang buhay at kamatayan. Itatakwil ang Mesiyas (Isaias 53:3; Lucas 13:34). Papatayin ang Mesiyas na tulad ng isang pamalit na handog para sa kasalanan ng mga tao (Isaias 53:5–9; 2 Corinto 5:21). Nanahimik ang Mesiyas sa harap ng mga nagparatang sa Kanya (Isaias 53:7; 1 Pedro 2:23). Inilibing ang Mesiyas kasama ng mayaman (Isaias 53:9; Mateo 27:57–60). Ililibing ang Mesiyas kasama ng mga kriminal (Isaias 53:12; Marcos 15:27).
Bilang karagdagan sa kamatayan ng Mesiyas, nauna ring naipahayag ang Kanyang muling pagkabuhay mula sa mga patay. Isinulat ni Haring David ang Awit 16:10, ang isa sa pinakamalinaw at pinakakilalang propesiya tungkol sa Kanyang muling pagkabuhay. Ito ay naisulat isanlibong taon bago ipanganak si Hesus: “Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol; ni hindi mo man titiisin ang iyong banal ay makakita ng kabulukan.”
Sa Araw ng Pentecostes kung kailan si Pedro unang nangaral ng Ebanghelyo, matapang niyang ipinahayag na binuhay na muli ng Diyos si Hesus, ang Mesiyas (Gawa 2:24). Ipinaliwanag niya na ang kahanga-hangang pangyayari ay ginawa ng Diyos bilang katuparan sa propesiya ni David sa Awit 16. Sa katunayan, binanggit ni Pedro ng tumpak ang nasusulat sa Awit 16:8-11. Makalipas ang ilang taon, ganito din ang ginawa ni Pablo nang mangaral siya sa Antioquia. Tulad ni Pedro, nagpahayag rin si Pablo na binuhay na muli ng Diyos ang Mesiyas na si Hesus bilang katuparan ng Awit 16:10 (Gawa 13:33–35).
Matibay na ipinahiwatig ng isa pang Awit ni David ang muling pagkabuhay ng Mesiyas. Muli, ito ang Awit 22. Sa mga talatang 19 hanggang 21, nanalangin ang nagdurusang Tagapagligtas ng kaligtasan mula sa “bibig ng leon” (pigura ng pananalita na ginagamit para kay Satanas). Sinundan agad ang naghihinagpis na panalanging ito ng awit ng pasasalamat sa mga talatang 22 hanggang 24 kung saan nagpapasalamat ang Mesiyas sa Diyos sa pagdinig sa Kanyang panalangin at sa pagliligtas sa Kanya. Malinaw na ipinahiwatig ang muling pagkabuhay ng Mesiyas sa pagitan ng katapusan ng panalangin sa talatang 21 at sa umpisa ng papuring awit sa talatang 22.
At sa pagbabalik muli sa Isaias 53: matapos ihula na maghihirap ang nagdurusang Lingkod ng Diyos para sa mga kasalanan ng tao, sinabi ng propeta na ang Mesiyas ay “nahiwalay sa lupain ng mga buhay.” Ngunit sinabi ni Isaias na pagkatapos niyon, “makikita Niya (Mesiyas) ang Kanyang lahi” at “pahahabain ng Diyos Ama ang Kanyang mga araw” (Isaias 53:5, 8, 10). Nagpatuloy si Isaias sa paninindigan na magaganap ang pangako tungkol sa muling pagkabuhay sa pagsasabing: “Siya'y makakakita ng pagdaramdam ng Kanyang kaluluwa at masisiyahan: sa pamamagitan ng Kanyang kaalaman ay aariing ganap ng aking matuwid na lingkod ang marami; at dadalhin niya ang kanilang mga kasamaan” (Isaias 53:11).
Una ng naipahayag sa Kasulatang Hebreo ang bawat aspeto ng kapanganakan, buhay, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesus na Siyang Mesiyas bago pa ang mga iyon maganap sa kasaysayan. Kaya, hindi nakapagtataka kung sabihin ng Mesiyas na si Hesus sa mga pinunong Hudyo ng Kanyang kapanahunan: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39).
English
Saan sa Kasulatang Hebreo sinabi ang propesiya tungkol sa kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoong Hesus?