settings icon
share icon
Tanong

Ano ang gagawin ko kung ang sagot ng Diyos ay hindi?

Sagot


Natutuwa tayo sa katotohanan na ang Diyos ay tumutugon sa panalangin (1 Juan 5:14-15). Ngunit mas gusto natin kapag ang Diyos ay sumasang-ayon sa ating hinihiling at sumasagot ng “oo.” Subalit madalas ang sagot ng Diyos ay “hindi” o “hindi pa ngayon.” Bilang mabuting Ama, hindi tayo pagkakalooban ng Diyos mga bagay na hindi makabubuti sa atin sa pangmatagalan, kahit pa tayo ay makiusap. Ang sagot na “oo” ng Panginoon ay nagpapatatag ng ating pananampalataya at pagtitiwala sa panalangin. Ngunit ano ang gagawin natin kung ang sagot ng Diyos sa ating hiling ay “hindi?”

Kadalasan, mahirap tanggapin kung ang sagot ng Dios ay “hindi.” May mga talata sa Bibliya na nagsasabi na kahit ano ang ating hingin ng may pananampalataya ay ating matatanggap (halimbawa sa Markos 11:24; Mateo 21:22). Kapag inihiwalay natin ang mga talatang ito at gumawa tayo ng pagaaral tungkol sa mga bagay ng Diyos, maaaring masira ang ating pananampalataya kung hindi mangyari ang ating inaasahan. Mas mainam na tayo ay mag nilay-nilay at isaalang alang ang “buong layunin ng Diyos” (Gawa 20:27). Kapag ang buong doktrina natin ay ayon lamang sa dalawang talatang ito, tayo ay maguguluhan.

Maraming beses na binanggit sa Bibliya na hindi tinugon ng Diyos ang hinihiling ng isang tao. Siya ay Diyos, at nakikita Niya ang hindi natin nakikita. Si Haring David ay nakiusap sa Diyos tungkol sa buhay ng kanyang anak kay Bathsheba. Si David ay nag ayuno at nanalangin ng ilang araw ngunit sa ika-pitong araw ang kanyang anak ay namatay (2 Samuel 12:16,18). Ang sagot ng Diyos ay “hindi.” Ang paraan ng pagtugon ni David sa sagot ng Diyos ay dapat nating tularan. Tinanggap niya na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at mabuti, “pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin” (2 Samuel 12: 20). Maaring umasa siya na sana ay iba ang tugon ng Panginoon. Subalit ang Diyos ay Diyos, mayroon Siyang karapatang magdesisyon sa buhay at kamatayan ng tao. Sa kanyang pagdadalamhati, si David ay hindi nagtanim ng sama ng loob sa Panginoon o lumayo sa Kanya. Ang tugon ni David sa sagot ng Diyos na “hindi” ay isang malalim na pagsamba at pagsuko, kahit na iyon ay napakasakit.

Ang Bagong Tipan ay nagbigay sa atin ng maraming halimbawa ng madalas na “hindi” na tugon ng Diyos sa kanyang mga lingkod. Si Apostol Pablo ay maglalakbay sana sa Asya Menor para mangaral, ngunit ang sagot ng Diyos ay “hindi” (Gawa 16:6-9). Akala ni Pablo, alam na niya ang plano ng Diyos. Naniniwala siya na dapat niyang ipagpatuloy ang pangangaral sa Asya. Ngunit ang Banal na Espiritu ay nagsabi ng “hindi.” Dahil nais ni Pablo ang makinig at sumunod sa Panginoon kahit anong mangyari, umalis sya sa Asya Menor at sa halip ay pumunta sa Macedonia. Sinimulan nya ang pagtatayo ng mga Iglesya na nakaimpluwensya sa buong mundo. Ang tugon ni Pablo sa sagot ng Diyos na “hindi” ay dagliang pagsunod at pagbabago ng direksyon.

Sa personal na buhay ni Pablo, siya ay may sakit na tinatawag niyang “tinik sa aking laman na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako” (2 Corinto 12:7). Nakiusap si Pablo sa Panginoon ng tatlong beses sa magkakaibang okasyon na alisin ang “tinik” na ito, ngunit “hindi” ang tugon ng Panginoon. Sa pagsubok na ito, natutunan ni Pablo na lalong magtiwala sa biyaya ng Diyos at mabuhay para sa Kanyang kaluwalhatian sa kabila ng kahirapan. Ang tugon niya sa sagot ng Panginoon na “hindi” ay ang maluwalhati ang Diyos sa kanyang kahinaan (2 Corinto 12:9). Sa halip na malungkot sa kanyang pagkabigo o isipin na walang pakialam ang Diyos sa kanya, pinili ni Pablo na sabihing, “Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas” (2 Corinto 12:10).

Natutunan natin sa mga halimbawa sa Bibliya na ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagiging Diyos. Ang Diyos ang may walang hanggang kapamalahaan: “Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, at maliban sa akin ay wala nang iba. Sa simula pa'y itinakda ko na, at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. May tinawag na akong mandirigma sa silangan, siya ay darating na parang ibong mandaragit, at isasagawa ang lahat kong balak. Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad” (Isaias 46:9-11).

May mga pagkakataon din na ang sagot sa ating mga panalangin ay “oo” dahil ito ay tugma sa plano ng Dios sa ating buhay (Roma 8:28). “Oo” ang sagot Niya kay Moises ng hilingin nito na makita ang Kanyang kaluwalhatian (Exodo 33:17). “Oo” din ng sagot ng Diyos kay Solomon ng humingi ito ng karunungan (1 Hari 3:11-13). At si Jesus ay sumagot ng “oo” sa lahat ng humingi sa Kanya ng kagalingan at tulong (Mateo 8:16). Ngunit ang ating panalanging puno ng pananampalataya ay hindi mahihigitan ang tuntunin ng Diyos na may walang hanggang kapamahalaan sa lahat ng bagay. Kung ang Diyos ay nakatali sa ating mga panalangin, gaya ng itinuturo ng iba, ang ibig sabihin ay hihinto ang Diyos sa pagiging Diyos. Tayo ay magiging panginoon sa pamamagitan ng pagdidikta sa kung ano ang gagawin ng Panginoon. Wala tayong makikita sa Bibliya na nagsasabi ng ganitong katuruan.

Madalas na “hindi” ang sagot ng Diyos sa mga bagay na nais nating mangyari. Ang mga bata pa sa pananampalataya ay gagamit ng mga dahilan para iwanan ang Diyos gaya ng, “ Hindi Niya pinagaling ang aking anak.” “Hindi iniligtas ng Diyos ang aking buhay may asawa.” “Hindi ako binigyan ng Diyos ng trabaho na aking kailangan.” Kung ang tingin natin sa Diyos ay parang isang genie na ibibigay agad ang ating hinihiling, madidismaya tayo kapag hindi ginawa na Diyos ang gusto natin. Kung ang sagot ng Diyos sa ating hiling ay “hindi,” kailangan nating magdesisyon kung ito ba ay bubuo o sisira sa ating pananampalataya. Ang sagot na “hindi” mula sa Diyos ay magtuturo sa atin para magtiis - kahit hindi natin nauunawaan (Santiago 1:3).

Madalas sa panahon na ang sagot ng Diyos ay “hindi”, doon tayo na nagsisikap na lalong hanapin ang Panginoon. Ang mga “hindi” ng Panginoon ang bumabasag sa maliliit na kahon na pinaglalagyan natin sa Kanya. Hinahayaan ng mga “hindi” ang Diyos na ipakita sa atin kung sino talaga Siya. Madalas na “hindi” ang sagot ng Panginoon kung may mas dakila Siyang plano para sa atin. Sumasagot ang Diyos ng “hindi” kung ang kawalan natin ng pananampalataya ay nagsasaad na hindi tayo naniniwala sa kung sino talaga Siya (Hebreo 11:6). Kung ang ating hinihiling ay ayon sa ating pagiging makasarili, “hindi” ang sagot ng Diyos (Santiago 4:3) o kung ang Kanyang “oo” ay makasisira sa ating buhay. “Hindi” rin ang Kanyang sagot, gaya ng sagot Niya kay Pablo para matutunan natin na ang biyaya ng Diyos ay sapat. Ang mga halimbawa sa Bibliya tungkol sa mga lingkod ng Diyos na nakaranas ng sagot na “hindi” sa kanilang panalangin ay magtuturo sa atin kung paano tayo tutugon sa Diyos kung ang sagot din Niya sa atin ay “hindi”.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang gagawin ko kung ang sagot ng Diyos ay hindi?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries