Tanong
Ano ba ang kabayaran ng kasalanan?
Sagot
Ang "kabayaran ng kasalanan" ay tumutukoy sa katotohanang si Hesus ay namatay bilang kahalili ng mga makasalanan. Itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng tao nangagkasala (basahin ang Roma 3: 9-18 at (Roma 3: 23) ang kaparusahan ng ating mga kasalanan ay kamatayan. Mababasa sa Roma 6: 23 "Ito ay sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Kristo Hesus na ating Panginoon."
Ang talatang ito ay nagtuturo sa atin na lahat tayo ay mamamatay at nakatakdang magdusa sa impiyerno ng walang hanggan bilang kabayaran ng ating mga kasalanan. Ang kamatayan sa Bibliya ay nagangahulugan ng "pagkahiwalay". Ang lahat ay mamamatay, subalit ang ilan ay mananahan sa langit kasama ang Panginoon, samantalang ang ilan naman ay mananahan sa impiyerno ng walang hanggan. Ang kamatayan na tinutukoy dito ay tungkol sa buhay sa impiyerno. Gayon man, itinuturo din sa atin ng talatang ito na ang buhay na walang hanggan ay makakamtan natin sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo. Ang Kanyang kamatayan ang "kabayaran ng kasalanan."
Si Hesu Kristo ay namatay bilang kahalili ng makasalanan noong ipako Siya sa krus. Tayo ang dapat ipako sa krus na iyon sapagkat tayo'y namumuhay sa kasalanan. Subalit inako ng Panginoon ang kaparusahan ng ating mga kasalanan. "Ito ay sapagkat Siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa Kaniya" (2 Corinto 5:21). Siya ang ating naging kapalit sa parusang karapatdapat sana na maranasan natin.
"Dinala Niya sa Kaniyang sariling katawan ang ating mga kasalanan sa ibabaw ng krus upang tayo na namatay sa kasalanan ay maging buhay sa katuwiran at dahil sa Kaniyang sugat kayo ay gumaling" (1 Pedro 2:24). Sa talatang ito ay sinasabi na inako ni Kristo ang mga kasalanang nagawa natin at binayaran ito upang tayo ay mangaligtas. Sa iba pang mga mga talata ay mababasa natin, "Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala Niya tayo sa Diyos. Pinatay Siya sa laman ngunit binuhay Siya sa pamamagitan ng Espiritu" (1 Pedro 3:18). Hindi lamang itinuturo sa atin ng mga talatang ito na si Hesus ang ating naging "kahalili" subalit Siya rin ang "katubusan", ibig sabihin sapat na ang Kanyang kamatayan bilang kabayaran sa kasalanan ng sangkatauhan.
Ang isa pang talata na tumatalakay sa "kabayaran ng kasalanan" ay ang Isaias 53:5. ang talatang ito ay tumatalakay tungkol sa pagdating ni Kristo upang mamatay sa krus para sa ating mga kasalanan, naka detalye ang lahat ng ito at ang pagpako sa krus ay totoong nangyari kagaya ng sinabi noong una pa man. Pansinin ang mga salita ni Isaias habang binabasa mo ito. "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo Niya at sa mga hampas na Kanyang tinaggap." Makikita sa talatang ito na si Hesus ang humalili sa makasalanan. Binayaran ni Kristo ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan!
Hindi natin kailanman mababayaran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng ating sariling mga gawa. Kahit mamatay pa tayo sa krus, parurusahan pa rin tayo at itatapon sa impiyerno at magdurusa magpakailan pa man dahil hindi natin mapapawalang sala ang ating sarili sapamamagitan ng ating sariling gawa. Subalit kusang naparito sa mundo si Hesu Kristo bilang Anak ng Diyos, para bayaran ang ating mga kasalanan. Dahil ginawa Niya ito para sa atin, mayroon na tayong oportunidad hindi lamang upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan, kundi upang makasama natin ang ating Panginoong Hesus sa walang hanggang kalangitan. Upang magawa natin ito kinakailangang ibigay natin ang ating buong pagtitiwala sa ginawa ni Kristo doon sa krus. Hindi natin maililigtas ang ating mga sarili; kailangan natin ang isang banal na kahalili upang gawin iyon para sa atin.
English
Ano ba ang kabayaran ng kasalanan?