settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng kapamahalaan sa mga hayop?

Sagot


Ang ibig sabihin ng salitang ingles na dominion ay “mamahala o magkaroon ng kapangyarihan sa.” May ganap na kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng Kanyang nilikha at ipinagkatiwala Niya ang Kanyang awtoridad sa sangkatauhan upang magkaroon sila ng kapamahalaan sa mga hayop (Genesis 1:26). Pinagtibay ni David ang katotohanang ito: “Iyong pinapagtataglay siya (tao) ng kapangyarihan sa mga gawa ng iyong mga kamay; iyong inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa” (Awit 8:6). Pamamahalaan ng sangkatauhan ang mundo (Genesis 1:28) — sinabihan tayo na magkaroon ng kapamahalaan sa mundong ito; binigyan tayo ng Diyos ng isang napakalaking papel at dapat nating sanayin ang ating pamamahala at kontrol sa mundo at sa lahat ng hayop at halaman na naririto. Itinalaga ng Diyos ang tao bilang pinuno ng mundong ito. Ang lahat ng bagay ay nakapailalim sa kanyang kapamahalaan.

Ang utos ng Diyos na pamahalaan ang mundo at ang lahat ng may buhay dito ay isang utos na magkaroon ng kasanayan sa gawaing ito. Ang tunay na kasanayan (sa lahat ng bagay) ay hindi makakamtan kung walang pangunawa sa bagay na dapat sanayin. Upang maging isang magaling na manunugtog ng byolin, dapat na ganap na maunawan ng isang tao ang instrumentong ito. Upang magkaroon ng kasanayan ang tao sa pamamahala sa lahat ng hayop, dapat nating maunawaan ang mga hayop.

Kasama sa awtoridad ng pamumuno ay ang responsiblidad din naman. May likas na pananagutan ang tao sa Diyos sa Kanyang utos na pamahalaan ang mundo. May tungkulin ang tao na sanayin ang kanyang pamumuno sa ilalim ng awtoridad ng Diyos na nagbigay sa kanya ng tungkuling ito. Nanggaling sa Diyos ang lahat ng kapamahalaan (Roma 13:1-5), at ipinagkatiwala Niya ito sa sinumang Kanyang maibigan (Daniel 4:17). Ang salitang “pamahalaan” ay hindi nagpapahiwatig ng karahasan o pagmamaltrato. Maaari itong mangahulugan ng “sumailalim sa paglilinang.”

Dapat na maging katiwala ang tao sa mundo; dapat niyang dalhin ang materyal na mundo at ang iba’t ibang elemento nito sa paglilingkod sa Diyos at para sa ikabubuti ng sangkatauhan. Ang utos na pamahalaan ang mundo ay aktwal na bahagi ng pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan. Nilikha ayon sa wangis ng Diyos, gagamitin nina Adan at Eba ang napakaraming kayamanan ng mundo sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa tao. Tama lamang para sa tao ang utos na ito dahil tanging ang tao lamang ang nilikha ayon sa wangis ng Diyos.

Nang bigyan ng Diyos ang tao ng kapamahalaan sa mga hayop, ito ay upang pangalagaan, pagyamanin at gamitin ang mga hayop sa abot ng kanilang makakaya sa isang makatarungang pamamaraan. Noong ibinigay ng Diyos ang pamamahala sa mga hayop, hindi pa noon kumakain ng karne ng hayop ang mga tao (Genesis 1:29). Nagumpisa lamang ang pagkain ng tao ng karne ng mga hayop pagkatapos ng baha noong panahon ni Noe (Genesis 9:1-3), at ito rin ang panahon na nagsimulang matakot ang mga hayop sa mga tao. Gayunman, bagama’t binago ng Diyos ang paraan ng pakikitungo natin sa mga hayop, na makakakain na natin ang kanilang karne, may pananagutan pa rin tayo sa ating pagtrato sa mga hayop. Hindi nangangahulugan ang pamamahala natin sa hayop na binigyan na tayo ng karapatan na maltratuhin at pagmalupitan ang mga hayop.

Dapat na may kalakip na makataong pamamaraan ang pagkakaroon ng kapamahalaan sa mga hayop na pinakikinabangan ng tao gaya ng itinalaga ng Diyos para sa kanila. Dapat nating isaalang-alang na binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng tungkulin (at pagpapala) bilang kinatawan ng Diyos sa mundong ito. Tayo ang mga tagapamahala. Tayo ang mangangalaga sa buong mundo, at bilang mga nilikhang ayon sa wangis ng Diyos, nagtataglay tayo ng responsibilidad na gumawa ayon sa nais ng Diyos. Sinasalaula ba ng Diyos ang Kanyang mga nilikha? Hindi. Hindi ba matalino ang Diyos sa pamamahala sa Kanyang nilikha? Hindi. Malupit ba o makasarili at nagsasayang ang Diyos? Kaya hindi rin natin dapat na salaulain, sayangin, pagmalupitan at sayangin ang Kanyang mga nilikha. Ang maling paggamit o pagmaltrato sa mga nilikha ng Diyos ay bunga ng kasalanan, hindi resulta ng orihinal na utos ng Diyos. Dapat nating gampanan ang ating tungkulin ng pamahalaan sa mundo ng buong karunungan hanggang sa dumating ang panahon na ang asong gubat ay hihiga katabi ng tupa sa kaharian ni Kristo (Isaias 11:6). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng kapamahalaan sa mga hayop?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries