Tanong
Ano ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu?
Sagot
Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay kapangyarihan ng Diyos. Ipinakikita sa buong Kasulatan ang Espiritu, ang ikatlong persona ng Trinidad bilang isang Persona kung kanino at kung paano ginawa ng Diyos ang Kanyang mga dakila at makapangyarihang gawa. Ang Kanyang kapangyarihan ay unang nakita sa paglikha, dahil sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan nilikha ang buong sansinukob (Genesis 1:1–2; Job 26:13). Binigyan din ng Banal na Espiritu ng kalakasan ang mga piling tao sa Lumang Tipan upang ganapin ang kalooban ng Diyos: “Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon…” (1 Samuel 16:13; tingnan din ang Exodo 31:2–5; Bilang 27:18). Bagamat hindi permanenteng nanahan ang Banal na Espiritu sa mga piling tao sa Lumang Tipan, gumawa Siya sa pamamagitan nila at binigyan Niya sila ng kapangyarihan na gumawa ng mga bagay na hindi nila kayang gawin sa kanilang sariling kakayahan. Ang lahat na tagumpay ni Samson sa pamamagitan ng kanyang hindi pangkaraniwang lakas ay dahil sa Banal na Espiritu na nanahan sa kanya (Hukom 14:6, 19; 15:14).
Ipinangako ni Hesus ang pagdating ng Espiritu bilang permanenteng gabay, guro, tatak ng kaligtasan at mangaaliw ng mga mananampalataya (Juan 14:16-18). Ipinangako din Niya na Kanyang ipagkakaloob ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya upang maibahagi ang mensahe ng Ebanghelyo sa buong mundo: “Datapuwa't tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa ” (Gawa 1:8). Ang pagliligtas ng mga kaluluwa ay posible lamang sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na gumagawa sa mundo.
Noong bumaba ang Banal na Espiritu sa mga mananampalataya sa araw ng Pentecostes, hindi iyon isang tahimik kundi isang makapangyarihang pangyayari. “At nang dumating nga ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nangagkakatipon sa isang dako. At biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng sa isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno ang buong bahay na kanilang kinauupuan. At sa kanila'y may napakitang mga dilang kawangis ng apoy, na nagkabahabahagi; at dumapo sa bawa't isa sa kanila. At silang lahat ay nangapuspos ng Espiritu Santo, at nangagpasimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkakaloob ng Espiritu na kanilang salitain” (Gawa 2:1–4). Pagkatapos noon, nagsalita ang mga alagad sa mga tao na nagtipon-tipon sa Jerusalem para sa pista ng Pentecostes. Ang mga taong ito ay ipinanganak at lumaki sa iba’t ibang bansa at nagsasalita sila sa maraming iba’t ibang wika. Anong laking pagkamangha nila ng magsalita ang mga alagad sa kanilang mga sariling wika (talata 5-12). Malinaw na ang ginawang ito ng mga alagad ay hindi ayon sa kanilang sariling kakayahan at hindi nila kayang gawin iyon kahit pa mag-aral sila sa loob ng maraming buwan o taon. Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay nahayag sa maraming tao sa araw na iyon at ang bunga ay ang pagiging mananampalataya ng may tatlong libong katao (talata 41).
Sa panahon ng pagmiministeryo ni Hesus, napuspos Siya ng Banal na Espiritu (Lukas 4:1), pinangunahan (Lukas 4:14), at binigyan Siya ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang makagawa ng mga himala (Mateo 12:28). Pagkatapos Niyang umakyat sa langit, binigyan din ng Banal na Espiritu ng kakayahan ang mga alagad na gumawa ng mga himala (2 Corinto 2:12; Gawa 2:43; 3:1–7; 9:39–41). Ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay nahayag sa mga mananampalataya ng unang Iglesya sa buong dispensasyon ng espiritwal na mga kaloob gaya ng pagsasalita sa ibang wika, panghuhula, pagtuturo, karunungan at marami pang iba.
Ang lahat ng mga naglagak ng pananampalataya kay Hesus ay agad at permanenteng pinanahanan ng Banal na Espiritu (Roma 8:11). At bagama’t tumigil na ang ilan sa mga kaloob ng Espiritu (ang pagsasalita sa ibang wika at panghuhula ng mangyayari sa hinaharap), gumagawa pa rin ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mga mananampalataya upang isakatuparan ang Kanyang plano. Pinangungunahan tayo ng Kanyang kapangyarihan, inuusig Niya tayo tuwing tayo’y nagkakasala, at tinuturuan Niya tayo at binibigyan ng kakayahan na gampanan ang gawain ng pagpapahayag ng Ebanghelyo. Makapangyarihan ang Banal na Espiritu na nananahan sa atin at isa itong kahanga-hangang kaloob na hindi natin dapat maliitin.
English
Ano ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu?