Tanong
Ano ang kapangyarihan ng panalangin?
Sagot
Ang pananaw na ang kapangyarihan ay likas sa panalangin ay isang popular na kaisipan. Ayon sa Bibliya, ang kapangyarihan ng panalangin ay ang kapangyarihan ng Diyos na dumidinig at sumasagot sa mga panalangin. Isaalang-alang ang mga sumusunod:
1) Kayang gawin ng makapangyarihang Panginoon ang lahat ng mga bagay; walang bagay na imposible para sa Kanya (Lukas 1:37).
2) Inaanyahahan ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang mga anak na dumalangin sa Kanya. Ang panalangin sa Diyos ay dapat gawin ng may katiyagaan (Lukas 18:1), ng may pasasalamat (Filipos 4:6), may pananampalataya (Santiago 1:5), may pagpapasakop sa kalooban ng Diyos (Mateo 6:10), para sa kaluwalhatian ng Diyos (Juan 14:13-14), at mula sa puso ng isang taong matuwid sa harapan ng Diyos (Santiago 5:16).
3) Tinutugon ng Makapangyarihang Diyos ang panalangin ng Kanyang mga anak. Inutusan Niya tayong manalangin at ipinangako Niya na pakikinggan Niya tayo kung gagawin natin iyon. “Kaya't si Yahweh ay tinawag ko; sa aking kahirapan, humingi ng saklolo. Mula sa templo n'ya, tinig ko'y narinig, umabot sa kanya ang aking paghibik" (Awit 18:6).
4) Sumasagot ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat sa mga panalangin. "Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig, aya ako'y dumudulog at sa iyo humihibik" (Awit 17:6). "Agad dinirinig daing ng matuwid inililigtas sila sa mga panganib" (Awit 34:17).
Ang isa pang popular na ideya ay ang katuruan na ang paraan ng pagsagot ng Diyos sa mga panalangin ay naaayon umano sa laki ng pananampalataya ng taong nananalangin. Ngunit ang totoo, kadalasan ay sinasagot ng Diyos ang ating mga dalangin sa kabila ng ating kakulangan ng pananampalataya. Sa Gawa 12, nanalangin ang iglesya para sa kalayaan ni Pedro mula sa bilangguan (t.5), at sinagot ng Diyos ang kanilang panalangin (t. 7-11). Kumatok si Pedro sa pintuan ng bahay kung saan sila nananalangin ngunit ayaw buksan ang pinto ng mga tao sa loob sa paniniwalang hindi iyon si Pedro. Nanalangin nga sila para sa kalayaan ni Pedro, ngunit hindi sila nanampalataya na sasagutin ng Diyos ang kanilang panalangin.
Hindi sa ating mga sarili nagmumula ang kapangyarihan ng panalangin; hindi ito sa pamamagitan ng mga espesyal na salita na ating sinasabi o espesyal na paraan kung paano natin sinasabi ang mga salita o kung gaano natin kadalas sinasambit ang mga salita. Ang kapangyarihan ng panalangin ay hindi base sa direksyon kung saan tayo nakaharap o kung ano ang posisyon ng ating katawan habang nananalangin. Ang kapangyarihan ng panalangin ay hindi nagmumula sa mga imahen, kandila o rosaryo. Ang kapangyarihan ng panalangin ay nagmumula sa makapangyarihang Diyos na nakikinig at sumasagot sa ating mga dalangin. Dinadala tayo ng panalangin sa isang pakikipagugnayan sa Makapangyarihang Diyos at makakaasa tayo ng makapangyarihang resulta, sagutin man Niya o hindi ang ating mga kahilingan. Anuman ang sagot ng Diyos sa ating mga panalangin, ang Diyos na ating dinadalanginan ang tanging pinagmumulan ng kapangyarihan ng panalangin at sinasagot Niya tayo ayon sa Kanyang perpektong panahon at kalooban.
English
Ano ang kapangyarihan ng panalangin?