settings icon
share icon
Tanong

May kapangyarihan ba sa pangalan ni Jesus?

Sagot


Anumang kapangyarihan na iniuugnay sa pangalan ni Jesus ay nanggaling sa persona ni Jesus. Kung sumasampalataya tayo sa pangalan ni Jesu Cristo, nagtitiwala tayo sa natapos Niyang gawain sa krus (1 Juan 5:13). Walang mahika sa pangalang Jesus. Walang espesyal na bagay sa pagkakaayos ng mga letra sa Kanyang pangalan. Kung hindi si Jesus Diyos na nagkatawang tao na namuhay ng isang perpektong buhay, namatay para sa mga kasalanan ng sinumang sumasampalataya, at nabuhay na mag-uli, hindi natin paguusapan man lamang ang tungkol sa Kanyang pangalan. Anumang kapangyarihan na ginagamit ng mga Kristiyano na nagmumula sa pangalan ni Jesus ay nagmula sa tunay na pananampalataya sa kung sino si Jesus at kung ano ang Kanyang ginawa para sa mga makasalanan.

Walang madyik sa pangalan ni Jesus—mayroon lamang kapangyarihan sa kay Jesu Cristo mismo. Sa pamamagitan ng simpleng pagsambit sa pangalang "Jesus," hindi tayo makakaasa ng espesyal na kapangyarihan o resulta o mas magandang katayuan sa Diyos. Gayunman, mahalaga ang pangalan ni Jesus at punong-puno ng kahulugan. Makikita natin ang katotohanang ito sa Mateo 1:20–21 ng sabihin ng isang anghel kay Jose, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."

Ang nagliligtas, nagiingat, nagpapaging ganap, at kapangyarihan na tumutubos ay nananahan sa persona ni Cristo at Jesus ang Kanyang pangalan. At paanong pinili ng Diyos na walang hanggan ang kaalaman, sumasalahat ng dako, at makapangyarihan sa lahat na lumikha ng sangkalawakan na gamitin ang Kanyang kapangyarihan? Sa pamamagitan ng Kanyang Anak na isinilang sa isang napakaabang kalagayan—isang sanggol na may lahat na kapangyarihan ng isang Hari (Lukas 2:11–12). Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para iligtas ang mga makasalanan, at ginamit Niya ang Kanyang awtoridad upang buhaying muli ang Kanyang sarili (Juan 10:18) upang ang lahat ng tumatawag sa kanyang pangalan ay tumanggap ng kapatawaran at walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 10:13). Iyan ang kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ng Tagapagligtas—Siya lamang ang kapangyarihan sa likod ng Kanyang pangalan.

Tinatagubilinan tayo ng Diyos na manalangin sa pangalan ni Jesus (Juan 16:23–24). Inaanyayahan tayong mga mananampalataya na manalangin sa pangalan ni Jesus na umaasa na sasagutin ng Diyos ang ating mga panalangin (Juan 14:13–14). Ang pananalangin sa pangalan ni Jesus ay nangangahulugan ng pananalangin sa Kanyang awtoridad (Lukas 10:19) at pagdulog sa Diyos Ama na gumawa ayon sa ating panalangin dahil lumalapit tayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesus. Ang pananalangin sa pangalan ni Jesus ay nagpapakita ng ating pananampalataya sa karakter ni Jesus at sa Kanyang kalooban. Ang pananalangin sa pangalan ni Jesus ay nagpapakita ng ating pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos upang Siya'y kumilos kung sumasampalataya tayo na ang pangalan ni Jesus ay hindi lamang isang grupo ng mga letra kundi representasyon ng kung sino talaga si Jesus.

Ang pangalang Jesus ay isang pangkaraniwang pangalan sa Israel noong unang siglo. Ang tanging dahilan kung bakit ito namumukod-tangi ay ang may-ari ng pangalang ito at kung ano ang Kanyang ginawa para sa atin. "Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao" (Colosas 2:9; Hebreo 1:3). Ngunit kung walang pananampalataya, walang relasyon, walang pagpapasakop sa Kanya bilang Panginoon, ang pangalang Jesus ay isa lamang pangkaraniwang salita.

Dapat tayong maging matalino at magbantay laban sa tukso ng paggamit sa pangalan ni Jesus sa maling paraan. Isinalaysay sa Biblia ang nakakaintrigang kuwento tungkol sa isang grupo ng pitong Judio sa Efeso na tinangkang magpalayas ng mga demonyo gamit ang pangalan ni Jesus. Hindi kilala ng mga lalaking ito si Jesus. Hindi rin sila mananampalataya. Sa halip naghangad sila ng paghanga ng mga tao at ng oportunidad para gumawa ng pangalan para sa kanilang sarili. Hindi sila nagpasakop sa Diyos at nabigong palayasin ang masasamang espiritu (Santiago 4:7). Isang araw, nilait ng demonyo ang pitong lalaki na ang totoo ay gumagamit ng mahika at ng pangalan ni Jesus sa kanilang orasyon: "Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, "Kilala ko si Jesus at kilala ko rin si Pablo, ngunit sino kayo?" At sila'y nilundag ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu, tinalo silang lahat at malubhang sinaktan, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon" (Gawa 19:13–16). Sinubukan ng pitong lalaking ito na gamitin ang pangalan ni Jesus sa maling paraan para sa kanilang pansariling interes, ngunit naglilingkod tayo sa isang Diyos na hindi kayang manipulahin at linlangin (Job 12:16).

Ang pangalan ni Jesus ang nagliligtas sa Kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan at nagpapahiwatig ng lahat ng kapangyarihan ng mismong makapangyarihang Manlilikha. Binibigyan ni Jesus ang mga mananampalataya ng karapatan para maglingkod, gumawa, at manalangin sa Kanyang pangalan kung sasampalataya tayo sa Kanyang kapangyarihang magligtas at magnanais na sumunod sa kalooban ng Diyos. Isinakatuparan ni Jesus na taglay ang awtoridad ng Ama, ang pagliligtas sa mga makasalanan at ang Kanyang pangalan lamang ang ating matatawagan para sa ating kaligtasan (Gawa 4:12). Bilang mga inampong mga anak sa pamilya ng Diyos, naranasan ng mga Kristiyano ang grasyang nagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa persona ni Jesus. Kung tatawag tayo sa Kanya at nakikibahagi sa Kanyang kapangyarihan, matatagpuan natin na ang "Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan" (Kawikaan 18:10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May kapangyarihan ba sa pangalan ni Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries