Tanong
May kapangyarihan ba ang positibong pag-iisip?
Sagot
Ang isang kahulugan ng “positibong pag-iisip” ay “ang pagsasaliksik sa proseso ng pag-iisip at sa mga bagay na naidudulot nila, para makita ang kailangang ayusin, at sa pamamagitan ng paggamit ng mga akmang hakbang sa positibo at may layuning paraan, ay mabago ang pag-iisip o gawain na kailangang palitan.” Kahit mukhang hindi naman masama, pumapasok ang problema sa paniniwalang may hindi pangkaraniwang kapangyarihan sa positibong pag-iisip. Sa panahong ito ng prosperity gospel, maraming mga doktrina ang nagdudulot ng kalituhan sa mga mananampalataya at hindi mananampalataya. Pare-pareho lang itong mga maling doktrina—mga haka-haka ng tao na may iba't-ibang titulo at nagpapanggap na katotohanan. Isa sa mga ito ang kapangyarihan ng positibong pag-iisip.
Sa mga nakaraang mga dekada, pinasikat ni Dr. Norman Peale ang kapangyarihan ng positibong pag-iisip sa pamamagitan ng kanyang librong The Power of Positive Thinking (1952). Ayon sa kanyang teorya, pwedeng baguhin ng mga tao ang mga pangyayari sa hinaharap sa pamamagitan ng “pag-iisip” na mangyayari ang mga ito. Gumamit si Dr. Peale ng mga maling ideya ng relihiyon at mga teoryang saykolohikal para maitaguyod ang maling bersiyon ng pananampalataya at pag-asa. Ang teorya ay bahagi ng kilusang “self-help” kung saan sinusubukan ng tao na gawin ang sarili niyang realidad sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Pero ang realidad ay katotohanan, at makikita sa Bibliya ang katotohanan. Hindi kayang gawin ng tao ang kanyang sariling realidad sa pamamagitan ng pangangarap o pag-iisip na mangyayari ito. Depektibo ang teorya ni Dr. Peale dahil hindi niya ibinase sa katotohanan ang kanyang teorya.
Ayon sa mga tagapagtaguyod ng positibong pag-iisip, sinusuportahan diumano ng kanilang pagsasaliksik ang bisa ng kanilang teorya. Ngunit maraming katanungan sa kanilang mga datos. Sinasabi ng ilan sa mga aktwal na pagtutuklas na may positibong kaugnayan sa pagitan ng positibong pananaw at paggawa, ngunit malayo ito sa positibong pag-iisip na lumilikha ng resulta. Iminumungkahi ng pagsasaliksik na ito na pangkaraniwan sa mga taong may positibong pag-uugali ang mas mataas na tiwala sa sarili at mas magandang karanasan kumpara sa mga taong may negatibong pananaw. Sa ibang dako, walang maliwanag na katibayan sa libro ni Dr. Peale ang sumusuporta na kontrolado ng pag-iisip ang hantungan ng tao.
Kayang sagutin at sinasagot ng Bibliya ang mga bagay na hindi masagot ng agham. Sa kasamaang palad, sinabi sa Bibliya na sa sariling kakayahan, hindi kaya ng tao ang maging “mabuti” (Isaias 64:6). Si Hesus lamang ang tanging “mabuti” na nasa atin, at tanging ang tumanggap sa kay Hesus bilang Tagapagligtas ang tao na mayroong Hesus (Efeso 2:1-5). Hindi maaaring bigyang kasiyahan ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng gawa ng wala sa kanya si Kristo dahil kung wala si Kristo wala rin tayong matuwid na magagawa (Juan 15:5; Roma 8:7-8). Kapag pumasok ang Banal na Espiritu sa puso ng isang mananampalataya, uumpisahan na Niya ang proseso ng pagpapabanal. Ang pagpapabanal ay ang gawain ng Banal na Espiritu na gawin tayong kagaya ni Hesus. Sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu maaaring tanggihan ng tao ang kanyang makasalanang kalikasan. Hindi tayo ang may kakayahang gumawa ng mabuti, kundi ang Espiritu ni Kristo na nasa atin. Kagaya tayo ng isang guwantes, at Siya ang kamay. Gumagawa si Hesus sa atin at sa pamamagitan natin para magawa Niya ang Kanyang kalooban sa ating buhay.
Kaya kung gusto nating bumuti at magkaroon ng mga positibong pagbabago, huwag natin tangkaing na umasa ng pagbabago sa pamamagitan ng pagiisip ng mga bagay na positibo. Ang tunay na espiritwalidad ay laging nag-uumpisa at nagtatapos sa relasyon natin kay Kristo. Bilang karagdagan, ang pagsisikap ay isang susi rin sa pagbabago ng buhay ng isang tao, hindi lamang ang pag-iisip. Ang desisyong magkaroon ng ugaling kagaya ni Kristo at magkaroon ng masunuring espiritu ang pinakapositibong maaaring gawin ng tao.
English
May kapangyarihan ba ang positibong pag-iisip?