Tanong
Makakapunta ba sa langit ang mga taong may kapansanan sa pagiisip? Nagpapakita ba ng kahabagan ang Diyos sa mga taong may sira, may kapansanan, kulang at may sakit sa pagiisip?
Sagot
Hindi partikular na tinalakay sa Bibliya kung pupunta sa langit ang mga taong may kapansanan sa pagiisip o hindi. Gayunman, may ilang ebidensya na ang sinuman na walang kakayahan na sumampalataya para sa kaligtasan ay kasama sa mga kinamatayan ni Kristo. Pareho ito sa karaniwang paniniwala na ang mga batang namatay bago magkaroon ng kakayahang makaunawa ng mabuti at masama at walang kakayahang sumampalataya kay Kristo ay awtomatikong dinadala sa langit. Namatay ang sanggol na anak si David at inaliw niya ang kanyang sarili, “Nguni't ngayo'y patay na siya; bakit pa ako magaayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y paroroon sa kaniya, nguni't siya'y hindi babalik sa akin” (2 Samuel 12:23). Alam ni David na makikita niyang muli ang kanyang anak sa langit isang araw. Sa pangungusap na ito, maipagpapalagay natin na ang mga sanggol at mga batang wala pa sa hustong gulang, sa biyaya ng Diyos, ay kabilang sa mga kinamatayan ni Kristo.
Maaari din nating ipagpalagay na ang mga taong may kapansanan sa pagiisip ay sakop ng prinsipyong ito. Hindi ito partikular na itinuturo sa Bibliya, gayunman, dahil alam natin na ang Diyos ay puno ng pag-ibig, biyaya at kahabagan, ang kaligtasan ng mga taong may kapansan sa pagiisip ay sangayon sa mga katangiang ito ng Diyos. Ang sinuman na may problema sa pagiisip na walang kakayahang malaman ang kanyang makasalanang kalagayan at walang kakayahang sumampalataya kay Kristo ay nasa parehong kategorya ng mga sanggol at maliliit na bata at makatwiran lamang na ipagpapalagay na ang ganitong uri ng mga tao ay ligtas sa biyaya at kahabagan ng parehong Diyos na nagliligtas sa mga sanggol at maliliit na bata.
Gayunman, gaya ng lahat ng katuruan, dapat tayong maging maingat na hindi maging dogmatiko sa mga isyu na hindi malinaw na tinatalakay sa Bibliya. Ang alam natin ay tinatanggap ni Hesus ang lahat ng inilalapit sa Kanya ng Ama at walang sinuman sa kanila ang mapapahamak (Juan 6:39). Sinabi ni Hesus, “At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay” (Juan 10:28). Maaari tayong makatagpo ng kaaliwan sa kaalaman na ang plano ng Diyos ay laging mabuti at ganap, ang Kanyang mga gawa ay laging makatwiran at makatarungan at ang Kanyang pag-ibig at kahabagan ay walang hanggan at hindi magwawakas. English
Makakapunta ba sa langit ang mga taong may kapansanan sa pagiisip? Nagpapakita ba ng kahabagan ang Diyos sa mga taong may sira, may kapansanan, kulang at may sakit sa pagiisip?