Tanong
Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kapansanan sa pagsilang?
Sagot
Ang pangunahing tugon sa mahirap na katanungang ito ay nang magkasala sina Eba at Adan (Genesis kabanata 3), dinala nila ang kasamaan, sakit, karamdaman, at kamatayan sa sanlibutan at naging mapaminsala ang kasalanan sa sangkatauhan. Nagkaroon ng kapansanan sa pagsilang dahil sa kasalanan. Hindi ito dahil ang magulang o ang anak ay nakagawa ng pagkakamali, kundi dahil sa minanang kasalanan. Ang mahirap na bahagi ng tanong ay kung bakit pinahintulutan ng Diyos na may isilang na may malubhang kapansanan o kapintasan. Bakit hindi na lang Niya ito hadlangan upang hindi mangyari ang kapansanan sa pagsilang?
Makikita sa aklat ni Job na siya ay naharap din sa isyu na hindi niya maunawaan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na maganap ang isang bagay. Pinahintulutan ng Diyos si Satanas na gawin nito ang lahat ng gusto niyang gawin kay Job ngunit wag lang niya itong papatayin. Ano ang tugon ni Job? "Bagaman ako'y patayin niya, akin ding hihintayin Siya" (Job 13:15). "Si Yahweh ang nagbibigay; si Yahweh rin ang babawi, purihin si Yahweh!" (Job1:21). Hindi ni Job nauunawaan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na maganap ang mga bagay na iyon, ngunit siya ay patuloy na nagtiwala sapagkat alam niya na ang Diyos ay mabuti. Ito rin ang nararapat na tugon natin. Ang Diyos ay mabuti, makatarungan, mapagmahal, at mahabagin. Madalas na hindi natin nauunawaan ang mga nangyayari sa atin. Ngunit sa halip na tayo ay magalinlangan sa kabutihan ng Diyos, ang ating nararapat na tugon ay magtiwala sa Kanya. "Kay Yahweh ka magtiwala buong puso at lubusan, at huwag kang manangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin upang ika' y patnubayan sa iyong mga tatahakin" (Kawikaan 3:5-6).
Sa huli ang sagot sa katanungang ito ay, "Hindi ko alam." Hindi natin lubos na mauunawaan ang Diyos at ang kanyang mga kaparaanan, ngunit isang pagkakamali na magtanong tayo sa Diyos kung bakit hinahayaan niyang maganap ang isang bagay. Ang tangi nating magagawa ay magtiwala na Siya ay Diyos na mapagmahal, mabuti, at mahabagin — katulad ng ginawa ni Job — kahit nakikita natin na salungat ang mga kaganapan. Ang mga sakit at karamdaman ay bunga ng kasalanan. Ngunit ang Diyos ay nagbigay ng lunas, isinugo niya si Jesu-Cristo upang mamatay para sa atin (Roma 5:8). Kapag tayo ay nasa langit na, tayo ay magigiging malaya na sa sakit, karamdaman, at kamatayan. Subalit habang hindi pa dumarating ang araw na iyon, kailangan nating harapin ang kasalanan, ang epekto at bunga nito. Maaari pa rin nating purihin ang Diyos sapagkat ang kapansanan sa pagsilang at iba pang mga sakuna ay maaari niyang gamitin para sa ikabubuti natin at para sa kanyang kaluwalhatian. Sinasabi sa Juan 9:3, 'Tinanong Siya ng kanyang mga alagad, "Rabi sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?" Sumagot si Jesus, "Ipinanganak siyang bulag hindi dahil sa nagkasala ang kanyang mga magulang kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya."
English
Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kapansanan sa pagsilang?