settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos?

Sagot


Bago natin maunawaan kung ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos, kinakailangang mapagtanto natin na sa ating likas na kalagayan bilang tao ay kaaway tayo ng Diyos. Tayo ay may minanang likas na kasalanan mula sa ating ninunong si Adan at Eba (Genesis 3, Roma 5:12). Tayo ay ipinanganak na ang mga pagpapasya o kagustuhan ay mabigyang lugod at gawing diyos ang ating mga sarili. Ang mapaghimagsik na kalikasang iyan ang dahilan kung bakit tayo ay sumusuway sa Diyos (Roma 3:23; 6:23). Nangangahulugan ito na hindi natin kayang gumawa ng paraan upang magkaroon ng kapayapaan sa Diyos dahil kahit ang ating mga pagsisikap ay mistulang basahan lamang kung ihahambing sa Kanyang kabanalan (Isaias 64:6). Dahil sa ating makasalanang kalagayan kaya't hindi natin magiging kasundo ang Diyos at hindi tayo magkakaroon ng kapayapaan sa Kanya kahit anong pagsisikap pa ang ating gawin. Gayunman, gumawa ng paraan ang Diyos upang tayo ay magkaroon ng kapayapaan sa Kanya nang isugo Niya ang kanyang Anak dito sa sanlibutan. Si Jesus ay namuhay ng ganap at walang dungis, ang kanyang kamatayan sa krus ang naging kabayaran ng kasalanan ng lahat ng nagtitiwala sa Kanya (Hebreo 2:15; 2 Corinto 5:21), at ang kanyang muling pagkabuhay ang katibayan ng pagpapawalang-sala ng Diyos sa atin (Roma 4:25). Si Jesus ang prinsipe ng kapayapaan (Isaias 9:6). Siya lamang ang makapagbibigay sa atin ng kapayapaan sa Diyos. Kaya nga ang mensahe ng kaligtasan kay Cristo ay tinatawag ding "ebanghelyo ng kapayapaan" (Efeso 6:15). Maging ang mga anghel ay ganito ang pahayag sa mga pastol nang gabing isilang ang Mesiyas, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya" (Lucas 2:14). Sa mga taong kinalulugdan ng Diyos? Oo, ang Diyos ay nalulugod at ang kanyang kapayapaan ay ipinagkakaloob sa taong tumatanggap sa Kanyang Anak sa pamamagitan ng pananampalataya (Juan 1:12). "Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo" (Roma 5:1). Ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos ay nangangahulugang nabayaran na ang ating mga kasalanan at tayo ay itinuring na niyang matuwid (Colosas 2:14; Roma 3:22). Tayo ay hindi na kaaway sa halip ay mga minamahal nang anak ng Diyos (Juan 3:2). Ang Kanyang banal na kalikasan ay mayroon nang kaugnayan sa atin dahil nakikita na niya ang ating pakikipag isa kay Jesus.

Kaugnay nito, ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos ay nangangahulugang malinis na ang ating budhi (Hebreo 10:22; Tito 3:5). At ang labis na bigat ng kasalanang nagpahirap sa atin ay naglaho na, sapagkat ito ay iniatang ng Diyos kay Cristo doon sa krus ng kalbaryo (Colosas 2:14; 1Pedro 2:24). Ang kahihiyang ating naranasan dahil sa ating kasamaan ay dinalang lahat ni Jesus. Kaya't dahil diyan, tayo ay tinanggap ng Diyos Ama bilang sarili niyang mga anak at inanyayahan tayong "lumapit nang may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan" (Hebreo 4:16). Kaya nga bilang kristiyano, ang pagpapanatili ng kapayapaan sa Diyos ay nangangahulugang patuloy na paghingi ng tawad sa Diyos dahil sa ating mga nagagawang mali (1 Juan 1:9). Bagaman hindi na natin kinakailangang laging humingi ng tawad upang magkaroon ng kapayapaan sa Diyos; dahil ginawa na iyan ni Jesus sa krus noong tayo ay sumampalataya. Ang taong tunay na ipinanganak na muli ay namumuhay na may ugali ng pagsisisi at pagpapakumbaba upang hindi na muling mag-ugat ang kasalanan na maaaring magpasamang muli sa kanya (Juan 3:3; Roma 6:1-4). Dahil ang kasalanang hindi ihinihingi ng tawad ay nakasisira sa masayang ugnayan sa pagitan ng Diyos Ama at kanyang mga anak.

Ang pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos ang magbibigay daan upang ang isang kristiyano ay mamuhay nang walang takot at pangamba sa kamatayan man o walang hanggan. Tiyak ang ating pag asa dahil alam nating nagawa na ni Jesus ang lahat nang kailangan upang tayo ay maging matuwid sa paningin ng Diyos (Mateo 5:17; Juan 3:16-18). Dahil diyan, ang huling paghinga natin sa mundong ito ay siyang magiging unang paghinga natin sa langit (2 Corinto 1:22; 5:5). Sa ngayon, ang Espiritu Santo ay nananahan sa atin upang tayo ay gabayan, pagkalooban ng pananalig, aliwin, at ipaalala sa atin ang tungkol sa natapos na paghihirap ni Jesus alang alang sa atin (Juan 14:6-17; 16:8-11; 1 Corinto 3:16; 6:19; Efeso 1:13-14).

Ang tao ay nilikha ng Diyos upang mamuhay ng may mapayapang kaugnayan sa Kanya subalit winasak ito ng kasalanan at patuloy na nasisira dahil sa mga taong ayaw tanggapin ang kaligtasang ibinibigay ni Jesus. Gayunpaman, ang sinumang tumatawag sa pangalan ng Panginoon, sumampalataya ng buong puso na si Jesus ang tanging daan papunta sa Diyos, magsuko ng kanyang buhay, at kilalanin si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ng kanyang buhay, ang taong iyon ay magkakaroon ng kapayapaan sa Diyos (Roma 10:9-10, 13; Juan 3:16, 36; Gawa 2:21, 28).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kapayapaan sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries