settings icon
share icon
Tanong

Bakit kinukunsinti ng Diyos ang matinding karahasan sa Lumang Tipan?

video
Sagot


Ang mga pangyayari sa Lumang Tipan kung saan iniutos ng Diyos ang pagpuksa sa isang bansa ay naging tampulan ng hindi magagandang kritisismo mula sa mga kalaban ng Kristiyanismo noon pa man. Ayon sa kanila, ang karahasan sa Lumang Tipan ay hindi maikakaila. Ang tanong ngayon ay, kung ang mga karahasan ba sa Lumang Tipan ay makatwiran at kinukunsinti ng Diyos. Sa kanyang pinaka mabentang aklat na "The God Delusion," tinukoy ng ateistang (hindi naniniwala sa Diyos) si Richard Dawkins na ang Diyos sa Lumang Tipan ay, "mapaghiganti, uhaw sa dugo na pumupuksa ng lahi." Ang manunulat naman na si Christopher Hitchens ay nagsabi na ang Lumang Tipan ay naglalaman ng mga kautusan upang "pumatay ng walang patumangga." at ang iba pang tumutuligsa sa Kristiyanismo ay may katulad na bintang na si Yahweh ay kanilang inaakusahan ng "krimen laban sa sangkatauhan." Ngunit may batayan kaya ang mga kritisismong ito? Tama bang isipin na ang Diyos ng Lumang Tipan ay isang "dambuhalang moral" na kapag kanyang naibigan ay ipaguutos niyang lipulin ang isang lahi ng mga inosenteng lalaki, babae, at mga bata? Masasabi ba natin na ang kanyang reaksyon sa kasalanan ng mga Cananeo at Amalekita ay isang masamang uri ng "pagpuksa ng lahi"? O posible kayang may sapat na moral na dahilan ang Diyos ng kanyang ipagutos ang pagwasak sa mga bansang ito?



Kung magkakaroon tayo ng kaalaman tungkol sa kultura ng mga Cananeo, matututunan natin na likas sa kanila ang kasamaang moral dahil ang mga Cananeong ito ay malulupit at mga agresibong tao na nahumaling sa pakikipagtalik sa mga hayop, pakikipagrelasyong sekswal sa kamag-anak, at maging sa pagpatay sa mga sanggol bilang handog sa kanilang diyus-diyusan na pangkaraniwang gawain lang para sa kanila. Ang lisyang gawaing sekswal ay naging kaugalian na nila. Ang kanilang kasamaan ay kasuklam-suklam kaya't sinabi ng Diyos ang ganito, "at ang lupain din ang magluluwa sa mga tumatahan diyan" (Levitico 18:25). Hindi lamang ito, ang paglipol sa mga Cananeo ay nakatuon sa kanilang hidwang relihiyon (Deuteronomio 7:3-5, 12:2-3) at hindi sa mga mamamayan nito. Ang totoo, hindi naman talaga dahil sa kanilang lahi kaya sila ay hinatulan sapagkat si Rahab nga na isang Cananeo mula sa Jerico ay nakasumpong din naman ng habag sa Diyos ng siya'y magsisi (Josue 2). Ang nais ng Diyos ay magsisi ang masama sa halip na mamatay (Ezekiel 18:31-32, 33:11).

Maliban sa pagkapoot sa kasalanan ng bansang Canaan, ginamit ng Diyos ang pagsakop sa Canaan upang lumikha ng pangrelihiyon/pangkasaysayang konteksto upang ipakilala ang Mesiyas sa sanlibutan. At ang Mesiyas na ito ang magdadala ng kaligtasan hindi lang sa Israel kundi pati na rin sa mga kaaway nila kabilang na ang Canaan (Awit 87:4-6; Marcos 7:25-30).

Alalahanin din natin na ang mga Cananeo ay binigyan ng Diyos ng sapat na panahon upang pagsisihan ang kanilang kasamaan--sa loob ng mahigit 400 taon! Sinasabi sa atin ng aklat ng Hebreo na ang mga Cananeo ay "masuwayin," at ito ang naging sanhi ng kanilang pagkakasalang moral (Hebreo 11:31). Alam rin nila ang kapangyarihan ng Diyos noon pa man (Josue 2:10-11; 9:9) at kung tutuusin ay maaari naman sana silang magsisi. Ngunit maliban sa ilang pagkakataon, sila ay nagpatuloy pa rin sa pagaaklas laban sa Diyos hanggang sa kanilang mapait na wakas.

Ngunit hindi ba't ipinag utos din ng Diyos na patayin maging ang mga hindi mandirigma? Maliwanag ang nakatala sa Biblia na ginawa nga iyon ng Diyos. Dito ay muli nating babalikan na kahit na hindi naman nakipaglaban ang mga babaeng Cananeo, hindi nangangahulugang sila ay inosente dahil makikita sa Bilang 25 na ang kanilang mga kilos at gawi ay mapang-akit (Bilang 25:1-3). Ganoon pa man, mayroon pa ring katanungan: Paano ang mga bata? bakit pati sila ay nadamay? Hindi ganoon kadaling sagutin ang tanong na ito, ngunit kailangan nating isaalang-alang ang ilang bagay. Una, walang taong isinilang na likas na walang kasalanan (kabilang ang mga sanggol). Itinuturo ng Banal na Kasulatan na lahat tayo ay ipinanganak na makasalanan (Awit 51:5; 58:3). Nangangahulugan lamang ito na ang lahat ng tao ay may kasalanang moral dahil kay Adan kaya't dahil sa kasalanan, kaya't kahit ang mga sanggol ay nakakaranas din ng galit ng Diyos kagaya ng matatanda. Pangalawa, ang Diyos ang may kapamahalaan sa lahat ng buhay at maaari niya itong kunin kung kailan niya maibigan. Ang Diyos lamang ang maaaring magbigay ng buhay, at Siya lamang ang may karapatang kumuha nito anumang oras na naisin niya. Ang totoo, Siya ang bumabawi ng buhay ng isang tao sa oras ng kamatayan. Hindi sa atin kundi sa Diyos nagmumula ang buhay at dahil isang kasalanan ang kumitil ng buhay, maliban sa mga parusang kamatayan, digmaan, at pagtatanggol sa sarili, hindi mali ang Diyos kapag Siya ang kumikitil ng buhay. Mapapansin na kapag inaakusahan natin ang ibang may kapangyarihan sa pagkitil ng buhay ay sinasabi natin na sila ay tila "umaaktong gaya ng Diyos." Ganoon pa man, hindi pananagutan ng Diyos na palawigin o dugtungan ng kahit isang araw ang buhay ng tao. Nasa kanyang kamay kung paano at kung kailan tayo mamamatay.

Pangatlo, maaaring may magsabi na isang kalupitan ang ipinapakita ng Diyos kung babawian niya ng buhay ang lahat ng Cananeo at hahayaan niya ang mga sanggol at bata dahil ang mga bata ay mawawalan ng tulong at proteksyon ng magulang at sila ay tiyak na mamamatay din dahil sa gutom. Sapagkat ang mabuhay noon sa sinaunang silangan ay hindi kaaya-aya para sa isang ulila.

At panghuli, maaaring ang mga bata sa Canaan ay lumaki sa panig ng masamang relihiyon ng kanilang mga magulang. Kaya't inibig na ng Diyos na wakasan na ang kultura ng pagsamba sa diyus-diyosan at kasamaan sa Canaan, at ang Israel ang ginamit niyang instrumento upang isakatuparan ito. Nilipol silang lahat kabilang ang mga sanggol at maliliit na bata dahil kung may matitirang ulila sa kanila, sila ay magsisilaking may galit sa mga Israelita na maaaring humantong sa paghihiganti dahil sa ginawa sa kanilang mga magulang at sa kalaunan ay maaaring ibalik nila ang Canaan sa paganismo.

Mahalaga ring isaalang-alang ang walang hanggang hantungan ng mga sanggol na namatay sa Canaan sa kabilang buhay. Kung sila ay kinuha ng Diyos bago pa sila magkaroon ng kamalayan tungkol sa mabuti at masama, sila ay mapupunta sa langit (gaya ng ating paniniwala). Ang mga batang iyon ay nasa higit na maayos na kalagayan kaysa sila ay mabuhay at lumaki bilang Cananeo at pagkatapos ay pumunta sa impiyerno.

Mahirap unawain ang isyu kung bakit ang Diyos ay nagutos ng karahasan sa Lumang Tipan. Ganoon pa man, tandaan natin na ang lahat ng bagay ay tinitingnan ng Diyos ayon sa walang hanggan at ang kanyang isipan ay di hamak na higit na mataas kaysa ating isipan (Isaias 55:8-9). Ayon kay Pablo, ang Diyos ay parehong mabuti at mabagsik (Roma 11:22). Ngunit kahit na totoong ang banal na katangian ng Diyos ay laging humihingi ng kaparusahan sa kasalanan, kaakibat naman nito ay ang kanyang kagandahang loob at habag na nananatiling nakahanda para sa mga taong nais magsisi at maligtas. At nawa, ang paglipol sa mga Cananeo ay magpaalala sa atin na kahit ang Diyos ay mabuti at mahabagin, Siya rin ay Diyos ng katarungan at poot.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit kinukunsinti ng Diyos ang matinding karahasan sa Lumang Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries