Tanong
Ano ang pananaw ng Bibliya sa karahasan sa tahanan?
Sagot
Ang karahasan sa tahanan ay nangyayari kung ang isang miyembro ng pamilya ay may paguugali ng pagiging bayolente. Ang terminolohiyang ito ay nagdadala ng ideya ng “pambubugbog sa asawa” o kaya naman ay ang pagpapalitan ng mura o masasakit na salita sa pagitan ng magasawa na humahantong sa sakitang pisikal. Ang karahasan sa pamilya ay karaniwang iniuugnay sa pangaabuso sa mga bata. Kahit na hindi sinasaktan sa pisikal ang mga bata, ang panonood sa pambubugbog o pakikinig sa pagmumura ng isang ama o ina ay maaaring makaapekto sa kanilang murang pagiisip.
Ang karahasan sa tahanan ay tungkol sa pagaagawan ng kapangyarihan at kontrol. Bagamat may pisikal na konotasyon ang salitang “karahasan,” ang karahasan sa tahanan o pangaabuso ay maaaring maganap sa hindi pisikal na kaparaanan. Halimbawa, maaaring manipulahin ng nangaabuso ang kanyang biktima sa pamamagitan ng emosyon o pera. Ang iba pang anyo ng pangaabuso ay sa salita at sa pakikipagtalik. Ang sinuman, anuman ang edad, edukasyon, antas ng pamumuhay o relihiyon ay maaaring maging biktima ng karahasan sa tahanan.
Ang pangaabuso sa tahanan ay isang “paulit ulit na karahasan.” Nabubuo ang tensyon; tatangkain na patigilin ng biktima ang nangaabuso; ngunit sa huli, isang insidente ng karahasan ang mangyayari. Hihingi ng tawad ang nangabuso at gagawa ng paraan upang ibalik ang tiwala ng biktima at ipapadama na hindi na muling uulitin ang ginawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng regalo o pabor sa biktima. Pagkatapos ng ilang panahon, muling mabubuo ang tensyon. Ang paikot ikot na pangyayaring ito ay maaaring maganap sa loob ng ilang minuto o maaaring sa loob ng maraming taon. Maaari namang mawala ng kusa ang mga sintomas na ito, ngunit maaari ding lumala ang sitwasyon at humantong sa mas malalang pangyayari.
Ang karahasan sa tahanan ay salungat sa plano ng Diyos para sa pamilya. Inilarawan ang pagaasawa sa Genesis 1 at 2 na “pagiging isang laman” at pagtutulungan sa pagitan ng dalawang tao. Binabanggit sa Efeso 5:21 ang pagpapasakop ng magasawa sa isa’t isa. Ipinaliwanag sa Efeso 5:22-24 ang pagpapasakop ng babae sa kanyang asawa habang binabanggit naman sa mga talatang 25-33 ang pagsasakripisyo ng lalaki para sa kanyang asawa. Ibinigay din sa 1 Pedro 3:1-7 ang parehong katuruan. Sinasabi sa 1 Corinto 7:4, “Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa.” Ang magasawa ay para sa isa’t isa at tinawag upang ibigin ang isa’t isa gaya ng pag-ibig sa atin ni Kristo. Ang relasyon sa pagitan ng magasawa ay ang paglalarawan sa relasyon ni Kristo at ng Iglesya. Ang karahasan sa pamilya ay napakalayo sa karakter ni Hesus.
Ang pagiging marahas sa mga anak ay kinokondena ng Diyos. Sinasabi sa Awit 127:3, “Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak, ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak.” Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga magulang ang kanilang mga anak at dapat nilang mahalin, alagaan at palakihin sila ng ayon sa Kanyang kalooban. Sinasabi sa Efeso 6:4, “Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon” (tingnan din ang Colosas 3:21). Dapat na sumunod ang mga anak sa kanilang mga magulang (Efeso 6:1–3), at mahalaga ang pagdidisiplina sa kanila. Ngunit ang paraan ng pagdidisiplina ay iba kaysa sa karahasan at pangaabuso.
Ang pagsunod sa Diyos ay paglilingkod sa iba, hindi pagmamanipula at pagkontrol sa ibang tao. Sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad, “Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” (Mateo 20:26–28). Iniutos Niya na magibigan tayo sa isa’t isa (Juan 13:34). Sinasabi sa Efeso 5:1–2, “Dahil kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos.” Tinawag ang mga Kristiyano upang umibig ng may pagsasakripisyo sa iba, lalo na sa mga miyembro ng kanilang sariling pamilya.
Ang mga nakakaranas ng karahasan sa pamilya ay dapat na gawin ang lahat ng posibleng paraan upang makaalis sa kanilang kinasasadlakang sitwasyon. Sa tuwina, ang pinakamapanganib na panahon para sa biktima ay ang pagalis sa poder ng mapangabusong asawa. Maaaring humingi ng tulong sa pulis o maaaring tumawag sa telepono ng mga organisasyon na tumutulong sa mga inaabuso. (Mahalaga: Maaaring mamonitor ng asaw ang iyong aktibidad sa kompyuter kaya’t bumisita lamang sa mga websites na walang paraan ang nangaabuso na malaman ang tungkol sa iyong ginagawa). Kung may nagaganap na pangaabuso sa tahanan, nararapat na maging maingat sa lahat ng aksyon.
Kahit na naghilom na ang sugat na likha ng pangaabuso, nananatili pa rin ang sugat sa isip at emosyon ng biktima. Ang pangaabuso ay maaari ding makaapekto sa espiritwal na buhay ng biktima. Maaaring mawalan ng tiwala sa Diyos ang inaabuso. Maaaring kanyang maitanong: “Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito?” “Maaari ko ba Siyang pagtiwalaan?” “Nasaan Siya sa mga oras na ako ay inaabuso?” Kailangan ang panahon upang gumaling. Makabubuti na ipahayag ng biktima ang kanyang galit sa pangaabuso sa kanya. Kung hindi natin kikilalanin ang pagkakaroon natin ng galit, pagkalito, sakit, kahihiyan at iba pa, hindi tayo makakalaya sa mga iyon. Malimit na agad agad na nagpapatawad ang mga inabuso. Totoo na makakapagpalaya ang pagpapatawad. Ngunit hindi magagawa ang tunay na pagpapatawad kung hindi kinilala ang mga sugat na naidulot ng nangabuso sa biktima at hindi iyon nasosolusyunan. Hanggat kaya, kinakailangan para sa mga biktima ng karahasan sa tahanan ang tulong ng mga nagsanay na tagapayo upang tulungan sila sa kanilang paglalakabay sa proseso ng paggaling.
Hindi natin dapat ipagpalagay na ang mga nangaabuso ay walang pangangailangan maliban sa pagtigil sa pangaabuso. Maaaring may mga isyu sa kanyang buhay na hindi naresolba. Kung handang tumanggap ng pagkakamali at humingi ng tulong ang nangaabuso, may pag-asa na siya ay gagaling. Muli, ang Kristiyanong pagpapayo ay napakahalaga sa mga ganitong sitwasyon.
Ang bawat karahasan sa pamilya ay magkakaiba ang kalikasan. Magkakaiba ang mga sitwasyon at ang mga taong sangkot kaya’t hindi sapat ang isang artikulo upang talakayin ang isyung ito. Gayunman, sa pangkalahatan, hindi tamang solusyon ang pagpapayo sa magasawa – hanggat hindi tumitigil ang pangaabuso at ang bawat isa sa kanila ay naghahangad na makipagkasundo sa isa’t isa. Totoo rin ito para sa pagpapayo sa pamilya. Hindi dapat na panatilihin ang mga bata sa sitwasyon na may nangaabuso o manatili sa isang pamilya na may nangaabuso. Kailangan silang ilayo sa mapangabusong ama o ina at hindi dapat ibalik sa kanila hanggat hindi natututunan ng nangaabuso ang makadiyos na pagpapamilya.
Ang karahasan sa pamilya ay kinamumuhian ng Diyos. Hindi Niya iniiwanan ang mga biktima ng pangaabuso at alam Niya ang kanilang pinagdadaanan. Ang Kanyang plano para sa relasyon – partikular para sa mga pamilya – ay ang paglalarawan ng Kanyang sarili. Ang pamilya ay ginawa upang maging repleksyon ng pag-ibig ng Diyos. Nalulungkot Siya kung ang isang pamilya ay maging isang lugar ng pagdurusa. Ang nais ng Diyos para sa mga sangkot sa karahasan sa pamilya – sa biktima at sa nangaabuso – ay kagalingan at kabuuan ayon sa plano ng Diyos.
English
Ano ang pananaw ng Bibliya sa karahasan sa tahanan?