Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa karapatang pantao?
Sagot
Dapat na kilalanin ng tapat na magaaral ng Bibliya na ang tao, bilang espesyal na nilikha ng Diyos ay pinagpala Niya ng "karapatang pantao." Ang sinumang tunay na magaaral ng Bibliya ay mahahamon ng mga ideyalismo gaya ng pagkakapantay-pantay, katarungan at pagkakawang-gawa. Sinasabi ng Bibliya na ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos (Genesis 1:27). Dahil dito, nagtataglay ang tao ng dignidad at binigyan ng kapamahalaan ng Diyos sa iba pang mga nilikha (Genesis 1:26).
Ang wangis ng Diyos sa tao ay nangangahulugan din na ang pagpatay ay kasuklam-suklam na kasalanan. "Sinumang pumatay ng kanyang kapwa, buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa, sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha" (Genesis 9:6). Ang bigat ng kaparusahan ay nagbibigay diin sa bigat ng kasalanan. Puno ng halimbawa ang kautusan ni Moises kung paano inaasahan ng DIyos na tratuhin ng mga tao ang bawat isa sa makataong paraan. Naglalaman ang Sampung Utos ng mga pagbabawal laban sa pagpatay, pagnanakaw, pagnanasa ng pagaari ng iba, pangangalunya at pagsaksi ng kasinungalingan laban sa kapwa tao. Kabilang sa ibang halimbawa sa Kautusan ang utos sa mabuting pagtrato sa mga dayuhan (Exodo 22:21; Levitico 19:33-34), sa pagbibigay ng pangangailangan ng mahihirap (Levitico 19:10; Deuteronomio 15:7-8), sa pagpapautang ng walang interes sa mahihirap (Exodo 22:25), at sa pagpapalaya sa mga alipin ayon sa kasunduan tuwing ika-50 taon (Levitico 25:39-41).
Itinuturo ng Bibliya na pantay-pantay ang pagtingin ng Diyos sa tao at wala Siyang kinikilingan (Gawa 10:34). Ang bawat tao ay natatanging likha ng Diyos at iniibig Niya ang bawat isa (Juan 3:16; 2 Pedro 3:9). "Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap, pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat" (Kawikaan 22:2). Gayundin naman, itinuturo ng Bibliya na hindi dapat na magtangi ang mga Kristiyano ayon sa lahi, kasarian, kultura, o katayuan sa sosyedad (Galacia 3:28; Colosas 3:11; Santiago 2:1-4). Dapat tayong maging mabuti sa lahat ng tao (Lukas 6:35-36). Ibinigay ng Bibliya ang istriktong babala laban sa pagsasamantala sa mahihirap at sa mga inaapi. "Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan" (Kawikaan 14:31).
Sa halip, dapat na tulungan ng mga anak ng Diyos ang sinumang nangangailangan (Kawikaan 14:21; Mateo 5:42; Lukas 10:30-37). Sa buong kasaysayan, nakararaming Kristiyano ang nauunawaan ang kanilang responsibilidad na tumulong sa kapwa tao. Hindi mabilang na mga ospital at ampunan sa buong mundo ang itinatag ng mga nagmamalasakit na Kristiyano. Marami sa mga pagbabago sa karapatang pantao sa kasaysayan, kabilang ang aborsyon ang pinangunahan ng mga lalaki at babaeng Kristiyano na nagsusulong ng hustisya.
Sa kasalukuyan, kumikilos pa rin ang mga Kristiyano para bantayan ang pang-aabuso sa karapatang pantao at para magsulong ng kapakanan ng mga tao. Habang ipinangangaral nila ang Ebanghelyo sa buong mundo, naghuhukay ng pinagkukunan ng tubig, nagtatanim ng mga pananim, namimigay ng mga damit, nagbibigay ng gamot, at nagkakaloob ng edukasyon para sa mahihirap. Ito ang dapat mangyari!
May isang kaisipan na ang Kristiyano ay "walang karapatan" sa kanyang sarili, dahil isinuko niya ang Kanyang buhay kay Kristo. Pagaari ni Jesus ang mga mananampalataya. "….Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili na kayo sa isang halaga…" (1 Corinto 6:19-20). Ngunit hindi sinasalungat ng awtoridad sa atin ng Diyos ang Kanyang wangis sa atin. Hindi pinawawalang-bisa ng ating pagpapasakop sa kalooban ng Diyos ang Kanyang utos na "ibigin ang kapwa gaya ng iyong sarili" (Mateo 22:39). Ang totoo, mas pinaglilingkuran natin ang Diyos kung naglilingkod tayo sa iba (Mateo 25:40).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa karapatang pantao?