settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Karma?

Sagot


Ang karma ay isang konseptong teolohikal na itinuturo ng mga relihiyong Budismo at Hinduismo. Ito ay ang ideya na kung paano mo ipinamumuhay ang iyong buhay sa kasalukuyan ang magtatakda kung ano ang iyong magiging buhay sa iyong re-inkarnasyon (pagkabuhay na muli sa ibang katawan at katauhan). Kung ang isang tao ay mapagbigay, mabait, at mabuti sa buhay na ito, gagantimpalaan siya ng isang magandang buhay kung maipanganak na siya sa ibang katauhan sa bagong katawan. Gayunman, kung ang isang tao ay nabuhay na makasarili at masama, siya ay mabubuhay sa isang mas mababang uri ng buhay. sa ibang salita, aanihin mo sa susunod mong buhay ang iyong itinanim sa iyong kasalukuyang buhay. Ang karma ay batay sa paniniwala sa re-inkarnasyon. Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang ideyang ito ng karma at re-inkarnasyon.

Sinasabi sa Hebreo 9:27, "Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom" Malinaw na itinuturo ng talatang ito ng Bibliya ang dalawang mahalagang punto na siyang magpapabulaan sa posibilidad ng karma at re-inkarnasyon. Una, sinasabi ng talata na tayo ay nakatakdang mamatay ng isang beses lamang, na nagangahulugan na ang lahat ng tao ay isinisilang at namamatay ng isang beses lamang. Hindi totoo ang walang katapusan at paulit ulit na kamatayan at muling pagsilang na gaya ng itinuturo ng re-inkarnasyon. Ikalawa, sinasabi ng talata na haharap ang tao sa paghuhukom pagkatapos ng kamatayan na nangangahulugan na wala ng pangalawang pagkakataon para sa isang mas magandang buhay sa mundo gaya ng itinuturo ng karma at re-inkarnasyon. Binibigyan ka ng isa lamang pagkakataong mabuhay sa mundo ayon sa plano ng Diyos at wala ng pangalawang pagkakataon.

Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa pagtatanim at pagaani. Sinasabi sa Job 4:8, "Ang nalalaman ko, yaong gumawa ng kalikuan, at naghasik ng kasamaan, ang ani ay kasawian." Sinsabi naman sa Awit 126:5, "Silang mga nagbubukid na nagtanim na may luha, bayaan mo na mag-aning masasaya't natutuwa." Binanggit naman ng Panginoong Hesus sa Lukas 12:24, "Isipin na lang ninyo ang mga uwak: hindi sila naghahasik ni nag-aani man; wala silang bangan ni kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Gaano pa kayo---higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!" Sa konteksto ng bawat talatang nabanggit, gaya ng iba pang mga reperensya sa Bibliya tungkol sa pagtatanim at pagaani, ang pagtanggap ng gantimpala sa lahat ng ating mga gawa ay nangyayari sa buhay na ito sa lupa, hindi sa buhay sa hinaharap pagkatapos ng buhay na ito. Ang pagtatanim at pagaani ay mga aktibidad sa kasalukuyang panahon at ang malinaw sa mga talata na ang bunga na iyong aanihin ay katapat ng gawa na iyong isinakatuparan. Bilang karagdagan, ang pagtatanim sa buhay na ito ay makakaapekto sa gantimpala o parusa sa kabilang buhay sa langit o sa impiyerno, hindi sa buhay dito sa lupa.

Ang buhay na ito pagkatapos ng kamatayan ay hindi pagsilang na muli o re-inkarnasyon sa panibagong katawan dito sa mundo. Ito ay buhay sa kabilang buhay kung hindi man sa walang hanggang pagdurusa sa impiyerno (Mateo 25:46) o sa walang hanggang buhay sa langit kasama ni Hesus na namatay upang magkaroon tayo ng buhay na walang hanggan. Ito ang dapat na pagtuunan ng pansin sa buhay sa lupa. Isinulat ni Apostol Pablo sa Galatia 6:7-9, "Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; ang Diyos ay di madadaya ninuman. Kung ano ang inihasik ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa laman ay aani ng kamatayan. Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon, tayo'y mag-aani kung hindi tayo magsasawa."

Sa huli, dapat nating tandaan sa tuwina na ang kamatayan ni Hesus sa krus at ang pananampalataya sa Kanyang ginawa ang naging dahilan ng ating pagaani ng buhay na walang hanggan. Sinasabi sa atin ng Efeso 2:8-9, "Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Cristo. At ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman." Kaya nga, makikita natin na ang konsepto ng re-inkarnasyon at karma ay hindi sangayon sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa buhay, kamatayan at sa pagtatanim at pagaani ng buhay na walang hanggan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Karma?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries