Tanong
Si Cristo ba ay namatay para sa lahat ng kasalanan, maliban sa kasalanan ng hindi pagsampalataya?
Sagot
"Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ng ating mga kasalanan, kundi maging ng kasalanan ng lahat ng tao" (1Juan 2:2). Bagama’t sinasabi ng Biblia na si Cristo ay handog para sa lahat ng kasalanan, ito ay hindi nangangahulugan na ang lahat ng kasalanan ay awtomatikong pinatawad na. Kundi ang simpleng kahulugan nito ay ang paghahandog upang matiyak ang kapatawaran ng buong mundo ay naganap na; ngunit kung paano magdudulot ng kapatawaran ng kasalanan ng isang tao ang handog na ito ay bukod na usapin, dahil kinakailangang tanggapin ito nang may pananampalataya. Ibig sabihin, naihanda na ni Cristo ang daan patungo sa Diyos; ngunit ang tanong ay, nais ba nating magkaroon ng pagkakataong tanggapin ito?
Totoong namatay si Cristo para sa lahat ng kasalanan; ibig sabihin, ang kanyang paghahandog ay sapat bilang kabayaran ng lahat ng kasalanan ng sanlibutan. Subalit magkakaroon lamang ng kapatawaran ang isang tao sa sandaling siya ay magsisi at sumampalataya (tingnan ang Marcos 1:15). Tayo ay nananatili pa rin sa ating kasalanan malibang tanggapin natin nang may pananampalataya ang paraang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kaya't ang mga namatay dahil sa hindi pagsampalataya ay namatay na taglay ang lahat ng kasalanan. Walang kapatawaran ang mga sinungaling, mamamatay-tao, nakikiapid, atbp. (Pahayag 21:8) dahil ang mga gawang ito ay patunay ng kanilang kawalan ng pananampalataya kay Jesus. Subalit yaong mga nagtiwala kay Cristo upang maligtas ay hindi mamamatay sa kasalanan, sila ay mamamatay na na kay Cristo, at lahat ng kanilang kasalanan ay pinatawad na. Sinasabi sa Roma 5:1 na tayo ay pinawalang-sala dahil sa pananampalataya sapagkat kung walang pananampalataya ay nasa ilalim pa rin tayo ng hatol ng Diyos (Juan 3:18). Ang kapatawaran ay matatamo sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo at kalakip nito ang pangakong buhay na walang hanggan sa langit; subalit dahil sa kawalan ng pananampalataya, hindi natin matatamo ang kapatawaran at dahil diyan ay nakatakda tayong mapunta sa impiyerno.
Kaugnay nito, mababasa natin sa Biblia na ang paniniwala o pananampalataya ay hindi lamang nangangahulugan na pinaniniwalaan mo ang isang katotohanan. Kundi ito ay pagtitiwala, personal na pagtanggap, at sinasadyang hakbang ayon sa'yong pasya. Kung ganoon, batay sa Banal na Kasulatan, ang hindi pananampalataya ay hindi lamang kamangmangan; kundi ito ay sinasadyang pagtanggi sa walang bayad na regalo ng Diyos na kapatawaran ng kasalanan -kabilang na ang kasalanan ng hindi pananampalataya.
Kapag sinabi ng Diyos sa isang tao na patatawarin ang kanyang kasalanan kung siya ay sasampalataya, ang inaasahan nating tugon ay, "Hindi, ayaw kong sumampalataya sa 'yo, pero patawarin mo ang aking mga kasalanan." Subalit kailangan nating tanggapin na ang kapatawarang iniaalok sa atin ay may kundisyon: kung tutugon tayo sa hinihinging kundisyon (pananampalataya) ay tiyak na makakamit natin ang ipinangakong kapatawaran. Maipapakita ang pananampalataya kay Cristo kung tumutugon ng tama ang isang tao sa kaligtasang alok ng Diyos. Sapagkat maraming ulit na tinatalakay sa Biblia ang kahalagahan ng pananampalataya kay Cristo at ang bunga ng hindi pagsampalataya sa Kanya. Sa katunayan, si Cristo ay nananabik at sinikap niyang kupkupin at ilapit sa Kanya ang mga makasalanang taga Jerusalem, subalit, pinili nila ang manatili sa kanilang masamang gawa; kaya't ang hatol ni Cristo ay tuwirang sinambit na ito ay pananagutan na nila: "ngunit ayaw mo" (Lucas 13:34). Nangangahulugan ito na ang kanilang hindi pagsampalataya ang naglalayo sa kanila kay Cristo, na s’yang tangi nilang kaligtasan.
Patungkol naman sa lohika na kailangan ang pananampalataya: "At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya" (Hebreo 11:6a). Ang hindi pagsampalataya ay mula sa isip, ito ay sinadyang pagpapasya: "Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya" (Juan 12:37). Walang maidadahilan ang kawalan ng pananampalataya sapagkat: "Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa" (Roma 1:18-20).
Tungkol naman sa pinsalang dulot ng hindi pagsampalataya ay ganito ang sinabi ni Pablo: "Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon" (Roma 6:21) sa halip, "Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain..." [Ngunit] "Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos" (2Corinto 4:2, 4).
Makatarungan ang parusa sa hindi pagsampalataya: "Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama" (Juan 3:19).
Bilang pangwakas, narito ang buod upang matiyak na alam mo kung ano ang dapat paniwalaan ng isang tunay na sumasampalataya upang siya ay magkaroon ng kapatawaran. Maliwanag na itinuturo ng Biblia na ang tanging daan upang mapunta sa perpektong langit ng Diyos ay sa pamamagitan ng pagiging ganap (dalisay at walang kasalanan), katulad ng Diyos (Mateo 5:20; Lucas 18:18-22). Kung ganoon, kahit isang beses ka lamang nagkasala sa buong buhay mo, nangangahulugan pa rin iyon na sinuway at nilabag mo ang buong kautusan ng Diyos, isang halimbawa nito ay kung paanong nasisira ang buong kadena kahit isang bahagi lamang nito ang maputol (Santiago 2:10). Kaya't ipinapahiwatig nito sa atin na dahil sa perpektong katarungan ng Diyos ay dapat lamang na ang bawat kasalanan ay maparusahan at ang parusang iyon ay kamatayan sa pamamagitan ng walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos patungo sa impiyerno (Exodo 32:33).
Alam natin na walang sinuman ang makakatugon sa perpekrong pamantayan ng Diyos, dahil diyan, tayong lahat ay nananatiling makasalanan at mapapahamak (Gawa 15:10; Roma 3:9-23). Gayunman ay mahal ka ng Diyos at nais niyang iligtas ka mula sa impiyerno (Juan 3:16; 2 Pedro 3:9). Kaya't isinugo Niya ang kaniyang perpektong Bugtong na Anak upang Siya ang umako ng parusang dapat ay para sa 'yo - ang kanyang buhay para sa buhay mo - binayaran niya ng buo ang utang mo sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus at pinalaya ka magpakailanman mula sa makatarungang hatol ng Diyos. Ibig sabihin, lahat ng kasalanan mo, noon, ngayon, at sa hinaharap ay pinapatawad ng Diyos kung ikaw ay magpapasyang tanggapin ang kapatawarang iniaalok niya sa pamamagitan ng pananampalataya (pagtitiwala na tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako) kapag ikaw ay nagsisi (tumalikod) sa iyong kasalanan (Lucas 24:47; Gawa 11:18; 2 Corinto 7:10), at manalangin na ikaw ay Kanyang iligtas (Joel 2:32; Gawa 2:21). Tinakpan at nilinis na ng dugo ni Jesus ang iyong mga kasalanan kaya't ikaw ay nakikita na ng Diyos bilang ganap kagaya ng Kanyang sariling Anak (Isaias 53:4-6; 2 Corinto 5:21).
Ikaw ay isa nang bagong nilalang sa sandaling tanggapin mo ang alok ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya: "Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago" (2Corinto 5:17). Ikaw ngayon ay isa ng minamahal na anak ng Diyos (1Juan 3:1), ito ay walang hanggang kaugnayan na kailanman ay hindi masisira (Roma 8:38-39; Efeso 1:13-14). At ang Diyos bilang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay mananahan sa iyo at igagawa ka ng tahanan sa langit kasama Niya (Juan 14:17, 23). Makikita mo ngayon kung bakit tinawag na mabuting balita ang ebanghelyo ni Cristo (Lucas 2:10; Gawa 5:42, 14: 15)! Buhat nang tanggapin mo ang regalong ito, ay sumasang-ayon kang ikaw ay nauukol na sa Diyos (1 Corinto 6:18-20). Hindi ka na kagaya ng dati sapagkat binili (tinubos) ka na ng mahalagang dugo ng Anak ng Diyos (1 Pedro 1:18-19).
Dahil dito, masasabi natin na ang kamangha-manghang reagalong ito ng kaligtasan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng anumang mabuting bagay na iyong ginagawa (Juan 3:16; Roma 3:21-25; Efeso 2:8-9). Sa katunayan ay mababasa sa Biblia ang matapang na paghatol ng Diyos dahil sa pagsisikap na matamo ang Kanyang pagtanggap sa pamamagitan ng sarili nating kakayahan (Galacia 1:6-9). Iyan ang kaibahan ng Kristiyanismo sa halos lahat ng uri ng relihiyon o pananampalataya sa buong mundo na sa pamamagitan ng kanilang panuntunan ukol sa mga dapat at hindi dapat gawin ay nagtatangkang makuha ang pabor ng Diyos upang magkamit ng buhay na walang hanggan para sa kanilang kaluluwa.
Ang iyong kaligtasan ay walang bayad, ngunit ito'y regalong walang katumbas ang halaga mula sa Diyos, higit na mahalaga kaysa buong sanlibutan (Mateo13:44; 16:26). Kaya nga ang sumulat ng Hebreo ay nagtanong ng ganito "Paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito?" (Hebreo 2:3). "Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo, “Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, iyang inyong puso'y huwag patigasin.." (Hebreo 3:7-8). "Sinabi rin ni Pablo na, "Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas" (2 Corinto 6:2).
English
Si Cristo ba ay namatay para sa lahat ng kasalanan, maliban sa kasalanan ng hindi pagsampalataya?