Tanong
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsusugal? Kasalanan ba ang pagsusugal?
Sagot
Maaaring ilarawan ang pagsusugal sa “pagbabaka-sakali na paramihin ang pera sa hindi pangkaraniwang paraan.” Hindi direktang hinahatulan ng Bibliya ang pagsusugal, pagpusta at iba pa. Gayunman, binibigyang babala tayo ng Bibliya na umiwas sa pag-ibig sa salapi (1 Timoteo 6:10; Hebreo 13:5). Hinihikayat rin tayo ng Kasulatan na iwasan ang mga pagtatangkang yumaman sa “madaling paraan” (Kawikaan 13:11; 23:5; Mangangaral 5:10). Ang pagsusugal ay kadalasang nakaugnay sa pag-ibig sa salapi at hindi maipagkakailang maraming tao ang natutukso nito dahil sa pangako ng madali at mabilis na pagyaman o pagkakamal ng salapi.
Ano ba ang mali sa pagsusugal? Ang pagsusugal ay isang mahirap na isyu. Kung ginagawa ito ng paminsan-minsan, hindi regular o kung may okasyon lamang, masasabing ito'y pagsasayang ng pera, subalit hindi nangangahulugang ito'y isang ‘kasamaan.’ Ang mga tao ay nagsasayang ng pera sa anumang uri ng aktibidad. Ang pagsususugal ay hindi maituturing na mas matinding pagsasayang ng pera kumpara sa palagiang panonood ng sine, pagkain ng mga hindi naman kinakailangang pagkain, o pagbili ng wala namang silbing bagay. Ang katotohanang naaaksaya naman ang pera sa anumang bagay ay hindi nagbibigay katuwiran sa pagsusugal. Ang pera ay hindi dapat aksayahin. Ang sobrang pera ay dapat iniimpok para sa mga darating na mga pangangailangan o di kaya ibigay dapat sa gawain ng Panginoon - at hindi dapat sayangin sa pagsusugal.
Pagsusugal sa Bibliya: Habang hindi naman lubusang binanggit ng Bibliya ang pagsusugal, binanggit naman nito ang laro ng ‘suwerte’ o ‘kapalaran.’ Bilang halimbawa, ginagamit sa aklat ng Levitico ang larong ‘palabunutan’ sa pagpili ng hayop na panghandog (kambing). Gumamit rin si Josue ng ‘palabunutan’ para malaman ang pagtatalaga ng lupa sa ilang mga tribo. Gumamit rin ng palabunutan si Nehemias para malaman kung sino ang titira sa loob ng bakod ng Jerusalem at sino ang hindi. Ang mga Apostol ay gumamit rin ng palabunutan para malaman kung sino ang ipapalit kay Hudas. Sinasabi sa Kawikaan 16:33, “Isinagawa ng tao ang palabunutan ngunit buhat kay Yahweh ang kapasiyahan.” Hindi makikita sa Bibliya ang pagsusugal o laro ng kapalaran na ginagamit bilang pang-aliw o ipinakilalang katanggap-tanggap na gawain ng mga sumusunod sa Diyos.
Bahay pasugalan at laro ng sugal: Ginagamit lahat ng mga bahay pasugalan ang mga estratehiya upang mahikayat ang isang taong mahilig magsugal na ipagbaka-sakali o itaya ang lahat ng kanyang pera. Madalas, nag-aalok pa sila ng hindi masyadong mahal na inumin at kung minsan libre pa ito, na nagreresulta naman sa pagkalasing at dahil ditto, hindi na nakakapag-isip ng matuwid ang taong sangkot at hindi na rin ito nakagagawa ng matinong desisyon. Ang lahat ng mga bagay sa bahay pasugalan ay ginawa para humakot ng maraming pera at hindi para magbigay, maliban na lang sa panandalian at walang kabuluhang kasiyahan. Ipinakikita naman ng mga laro ng sugal na paraan ito para suportahan ang mga programang pangsosyal at edukasyon. Gayunman, ayon sa mga pag-aaral, nakikitang ang kadalasang nakikibahagi sa larong ito ay mga taong may kakayahang bumili ng tiket para sa larong sugal. Ang pang-akit na “yumaman sa mabilis at sa madaling paraan” ay isang tukso na napakahirap mahindian para sa mga taong desperado na. Napakaliit ng pagkakataong manalo, na nagiging resulta naman sa pagkasira ng buhay ng maraming tao. Bakit ang pera mula sa sugal ay hindi nakalulugod sa Diyos? Maraming tao ang nagsasabing tumataya sila sa sugal o sumusugal lamang sila upang maibigay nila ang pera sa simbahan, o gugulin ang pera sa isang bagay na may magandang hangarin. Maaaring ito ay magandang motibo, pero ang katotohanan, kakaunti lamang ang gumagamit ng perang napanalunan sa sugal para sa makadiyos na layunin.
Ipinakikita ng pagaaral na karamihan sa mga nanalo sa larong sugal ay nasa mas mahirap pa na sitwasyon ilang taon matapos nilang mapanalunan ang malaking halaga mula sa sugal. Kakaunti, kung mayroon man, ang tapat na ibinigay ang pera para sa magandang hangarin. Hindi kailangan ng Diyos ang ating pera para tustusan ang Kanyang misyon sa mundo. Sinasabi sa Kawikaan 13:11, “Ang yamang tinamo sa daya ay madaling nawawala, ngunit ang yamang pinaghirapan ay pinagpala.” Ang Diyos ay makapangyarihan at Siya ang magbibigay at tutugon sa mga pangangailangan ng simbahan sa pamamagitan ng tapat na paraan. Malulugod ba ang Diyos sa perang ibinigay na mula sa droga? O perang ninakaw mula sa bangko? Hindi! Hindi rin nangangailangan o nagnanais ang Diyos sa perang ‘ninakaw’ mula sa mga mahihirap sa pamamagitan ng sugal. Sinasabi sa atin sa 1 Timoteo 6:10, “Ang pagmamahal sa salapi ay ang ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na magkamal ng salapi, may mga nalayo sa pananampalataya at nasadlak sa paghihirap ng kalooban.” Idinedeklara rin sa Hebreo 13:5, “huwag kayong magmukhang salapi; masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Sinasabi rin sa Mateo 6:24, “Walang makapag-lilingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran ng tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa, Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.”
English
Ano ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagsusugal? Kasalanan ba ang pagsusugal?