settings icon
share icon
Tanong

Posible ba na magkasala pa tayo sa langit?

Sagot


Inilalawan sa Bibliya ang langit o ang walang hanggang hantungan ng mga mananampalataya ng buong linaw at detalye sa Pahayag kabanata 21–22. Wala sa alinman sa mga talatang nabanggit ang nagpapahiwatig na posibleng magkasala pa ang tao sa langit. Sa katunayan, pinangakuan tayong mga mananampalataya na sa walang hanggang kalagayan natin sa langit, hindi na tayo makakaranas pa ng kamatayan, kalungkutan, o karamdaman (Pahayag 21:4)—ang kawalan ng mga bagay na ito ay isang matibay na ebidensya na wala din doon ang kasalanan, dahil ang mga nabanggit ay resulta ng kasalanan (tingnan din ang Roma 6:23).

Hindi makakapunta sa langit ang mga makasalanan, sa halip pupunta sila sa dagatdagatang apoy (Pahayag 21:8). Walang anumang marumi ang makakapasok sa langit (Pahayag 21:27). Sa labas ng langit, naroroon ang mga makasalanan (Pahayag 22:15). Isang hula sa Lumang Tipan ang ang nagbibigay sa atin ng katiyakan na wala ng kasalanan sa langit: "At magkakaroon doon ng isang lansangan, at ng isang daan, at tatawagin Ang daan ng kabanalan; ang marumi ay hindi daraan doon; kundi magiging sa kaniyang bayan: ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang, ay hindi mangaliligaw roon. Hindi magkakaroon ng leon doon, o sasampa man doon ang anomang mabangis na hayop, hindi mangasusumpungan doon; kundi ang nangatubos ay lalakad doon…" (Isaias 35:8–9). Kaya ang sagot sa tanong ay hindi, hindi posible para sa atin na magkasala sa langit.

Kalooban ng Diyos na tayo'y mapaging banal (1 Tesalonica 4:3); nais Niya na maging banal tayo at maging malaya sa pagkakasala. May tatlong yugto ang Kanyang pagpapaging banal sa atin: una, pinaging banal tayo dahil sa ating katayuan kay Kristo, na siyang dahilan ng ating kaligtasan mula sa kabayaran ng kasalanan noong sandaling sumampalataya tayo kay Kristo; ikawala, patuloy Niya tayong pinababanal, na siyang nagliligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kasalanan habang lumalago tayo sa ating pagkakilala kay Kristo; at ikatlo, ang kumpletong kabanalan, na magliligtas sa atin mula sa presensya ng kasalanan sa ating pagpasok sa presensya ni Kristo. "Sa pagdating ni Kristo, magiging katulad Niya tayo, at makikita natin Siya sa Kanyang kaluwalhatian" (1 Juan 3:2). Sa ibang salita, ang proseso kung paanong pinapaging banal tayo ng Diyos ay kinapapalooban ng pagpapawalang sala, paglago sa pananampalataya, at pagluwalhati sa ating panlupang katawan.

Ipinangako ng Diyos na Kanyang luluwalhatiin ang Kanyang mga anak (Roma 8:30) na kinapapalooban ng kawalan ng kasalanan, dahil hindi maluwalhati ang mga makasalanang nilalang. Ang langit ay ang lugar kung saan naroon ang kaluwalhatian ng Diyos, at wala doong kasalanan. Nanalangin si Pablo sa 1 Tesalonica 5:23, "At pakabanalin kayong lubos ng Dios din ng kapayapaan; at ang inyong espiritu, at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagparito ng ating Panginoong Hesu Kristo" at iniugnay Niya ang maluwalhating pagpapakita ni Kristo sa pagluwalhati sa ating pisikal na katawan, "Pagka si Kristo na ating buhay ay mahayag, ay mangangahayag nga rin kayo na kasama Niya sa kaluwalhatian"(Colosas 3:4). Ang maluwalhating kalagayang ito ang ganap na pagkahiwalay sa kasalanan at ang kumpletong kabanalan sa lahat ng aspeto. Kaya nga, hindi posible para sa atin na magkasala sa langit.

Ibinigay sa Santiago 1:14 ang isa pang katiyakan na hindi na tayo magkakasala pa sa langit: "Kundi ang bawa't tao ay natutukso, pagka nahihila ng sariling masamang pita at nahihikayat. Kung magkagayo'y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan." Sa makasalanang mundong ito, araw-araw tayong humaharap sa mga tukso at tinukoy ni Santiago ang dalawang puwersa na nagtutulak sa atin upang magkasala: ang ating makasalanang pagnanasa (ang ating makasalanang kalikasan) at ang mga tukso (mga gawa ng diyablo). Wala na ang dalawang puwersang ito sa langit. Ganap ng aalisin ang ating makasalanang kalikasan sa oras na luwalhatiin ang ating katawan, ang diyablo ay ibubulid na sa lawang apoy magpakailanman at hindi na muli pang makagagawa ng anuman sa atin (Pahayag 20:10).

Itinuturo ng Bibliya na ang langit ay isang lugar na ganap ang kabanalan. Wala doong posibilidad ng pagkakasala, at mabibihisan tayo ng katuwiran (Pahayag 19:8), at mamamalagi tayo roon magpakailanman na may walang hanggang kasiyahan. Ang gawang inumpisahan sa atin ng Diyos ay Kanyang tiyak na tatapusin (Filipos 1:6). Ganap na ang Kanyang pagliligtas sa atin sa ating katawan, kaluluwa at isip bilang Kanyang mga hinirang—sa ikaluluwalhati ng Kordero, ang Panginoong Jesu Cristo (Pahayag 5:6–10).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Posible ba na magkasala pa tayo sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries