Tanong
Ano ang pagkakaiba ng kasalang Kristiyano sa isang kasalang hindi Kistiyano?
Sagot
Ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng kasalang Kristiyano at kasalang hindi Kistiyano ay si Kristo. Ang mga Kristiyanong nagpapakasal sa isa’t isa ay nagtatalaga ng sarili kay Kristo, gayundin sa bawat isa at ang pagtatalagang ito ay nakikita ng mga saksi sa kanilang kasal. Sa isang hindi Kristiyanong kasalan, ang magasawa, partikular ang babaing ikakasal ang laging sentro ng kasalan. Sa isang kasalang Kristiyano, si Kristo ang sentro ng seremonya.
Ang magkasintahang Kristiyano na tunay na nagnanais na luwalhatiin si Kristo sa pamamagitan ng kanilang kasal ay maaaring magsimula sa maagang preparasyon na naguumpisa sa pagpapapayo sa kanilang pastor. Ang pagpapayo sa mga ikakasal ay nakabase sa mga prinsipyo ng Bibliya at itinuturo ang papel ng ginagampanan ng babae at lalaki sa kanilang pagsasama at maging sa kanilang magiging mga anak (Efeso 5:22–6:4; Colosas 3:18-21). Ang seremonya ng kasal ang nagpapatibay sa harap ng Diyos at ng kanilang mga kaibigan at mga mahal sa buhay na kanilang ninanais na mamuhay ayon sa plano ng Diyos sa kanilang magiging pamilya.
Ang seremonya ng kasal ay nararapat na maging isang paglalarawan ng pagtatalaga ng ikinakasal sa kaluwalhatian ni Hesu Kristo. Ang bawat bahagi ng seremonya, mula sa musika hanggang sa sumpaan at mensahe ng nagkakasal ay dapat na sumasalamin sa pagtatalaga ng magasawa sa Panginoon. Dapat na kagalang galang at hindi makamundo o sobrang ingay ang musika. Ang sumpaan sa isa’t isa ay dapat na sabihin ng ikakasal ng may buong pangunawa sa kahulugan ng bawat salitang inuusal sa isa’t isa at dapat na nagpapahayag ng kanilang habambuhay na pagtatalaga ng may buong kaalaman ng kanilang pangako sa isa’t isa gaya ng kanilang pangako sa Diyos. Ang mensahe na ipapahayag ng pastor ay dapat na sumasalamin din sa mga katotohanang ito at sa pagtatalaga ng magkasintahan sa isa’t isa.
Ang Kristiyanong magkasintahan ay dapat na pumiling mabuti ng mga abay at mga ninong at ninang na katulad nilang nagtatalaga din ng sarili sa Diyos. Ang mga abay ay hindi dapat na naroon lamang dahil sa damit at seremonya. Ang kanilang presensya sa kasalan ay nangangahulugan ng kanilang pagsang-ayon at pangako na susuportahan nila ang pagtatalaga ng ikakasal sa pagbibigay luwalhati kay Kristo sa kanilang pagsasama bilang magasawa. Sa diwang ito, ang damit pangkasal at ang damit ng mga abay ay dapat na disente at nararapat sa kanilang pagharap sa Panginoon. Walang lugar sa isang Kristiyanong kasalan para sa mga maiiksing kasuotan na hindi nakakapagbigay karangalan sa Panginoong Hesu Kristo.
Ang salu-salo ay nararapat na nagbibigay din ng karangalan kay Kristo. Bagama’t may mga hindi Kristiyanong pamilya ang maaaring dumalo sa kasalan at sa salu-salo, ang pagkakaroon ng alak ay lumilikha ng masamang patotoo sa isipan ng mga hindi mananampalataya. Nagbibigay ito ng mensahe na may kakaunting pagkakaiba lamang sa pagitan ng mga Kristiyano at hindi Kristiyano. Kahit na walang nakikitang masama ang mga nagpaplano ng kasal sa pagkakaroon ng alak sa salu-salo at umiinom sila ng alak ng may malinis na konsensya, maaaring matisod ang ibang mga bagong Kristiyano sa pagkakaroon ng inuming nakalalasing sa handaan at hindi natin dapat gamitin ang ating kalayaan upang makatisod sa iba.
Matatandaan ng magkasintahan na ang kasal ay nagbigay karangalan kay Kristo ang kagandahan at kasagraduhan ng kanilang kasal sa kanilang buong buhay at iyon ay isang kahanga-hangang paraan upang umpisahan ang kanilang buhay na magkasama bilang magasawa.
English
Ano ang pagkakaiba ng kasalang Kristiyano sa isang kasalang hindi Kistiyano?