Tanong
Ano ang ibig sabihin ng Kasama natin ang Diyos?
Sagot
Isang mabuting bagay ang malaman na ang Diyos ay sumasalahat ng dako (omnipresent)--ito ang isa sa kanyang mga katangian. Kasabay naman nito ay ang kanyang pagiging marunong sa lahat (omniscience) at pagiging makapangyarihan sa lahat (omnipotent). Ang konseptong ito ay hindi lubos na mauunawan ng tao, at alam din ito ng Diyos (Isaias 55:8). Pinupuspos ng Diyos ang kanyang nilikha at ang personal na presensya niya ay laganap sa buong kalawakan, sa lahat ng pang unawa at kapangyarihan sa lahat ng panahon. "Siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin" (Gawa 17:27).
Sa higit na personal na antas, ang Diyos ay sumasalahat ng mananampalataya noon at ngayon sapagkat ang kanyang Banal na Espiritu ay nananahan sa atin. Ang pananahang ito ay mararanasan lamang ng isang tao kung siya ay ipinanganak na muli (Juan 3:3). Makikita sa Mateo 28:20 na nangako si Jesus sa kanyang mga alagad, ang sabi Niya, "Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon." Sinabi rin Niya na ang Ama ay kasama natin: "Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking mga salita: iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya" (Juan 14:23).
Sa Galacia 2:20 ay sinabi ni Pablo na, "Si Cristo ay nabubuhay sa akin." Pagkatapos ay muli niyang binanggit sa Galacia 3:26-27 na ang mga mananampalataya ay "nabautismuhan kay Cristo" at "isinuot" si Cristo na parang damit (Ang Diyos ay malapit sa atin katulad ng ating kasuutan!). Tinalakay naman sa Galacia 5 ang mga bunga ng Banal na Espiritu at sa talatang 25 ay sinabi, "Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu." Ang Diyos na may tatlong persona ng Trinidad ay sumasalahat ng mananampalataya sa lahat ng oras.
Isa sa titulo ni Jesus ay "Immanuel," na ang ibig sabihin ay "kasama natin ang Diyos" (Mateo 1:23). Nang dumating si Jesus sa sanlibutan, tunay na "kasama natin ang Diyos." at dahil ang Diyos ay kasama natin, alam natin na hindi tayo mahihiwalay sa kanyang pag-ibig kailanman (Roma 8:38-39). Ang presensya ng Diyos ay nagbibigay ng katiyakan sa atin na magagawa natin ang kanyang kalooban (1 Cronica 22:17-19). Dinadaig ng presensya ng Diyos ang ating takot, pangamba, kabalisahan, at kawalan ng kasiyahan (Hebreo 13:5).
Ang Banal na Espiritu ay laging nananalangin para sa atin (Roma 8:26). Pinaaalalahanan tayo na palaging manalangin (1 Tesalonica 5:17), ito'y nangangahulugang panatilihin natin ang ugaling mapanalanginin at pakikinig upang masambit natin ang panalangin sa Diyos saan man niya tayo nais akayin. Siya ay malapit sa kanyang mga anak, at nakikinig sa kanilang mga daing (Mga Awit 34:15).
Kailangan nating patunayan na tayo ay totoong lumalakad kasama ang Panginoon na ating Diyos sa pamamagitan ng palagiang pagsangguni sa kanyang Salita, pakikisama sa ibang mga mananampalataya at paghingi ng maka-diyos na payo sa mga pastor at mga kaibigang Kristiyano. Dapat din nating ugaliin na tayo ay nasa gawain ng Diyos sa lahat ng pagkakataon. Ang Banal na Espiritu ang mangunguna sa atin at makikita nating gumagawa ang Diyos. Siya ay buhay, at malapit sa atin. Nais Niya laging makipag ugnayan at makisama sa atin. Iyan ang kagalakan ng buhay Kristiyano.
English
Ano ang ibig sabihin ng Kasama natin ang Diyos?