Tanong
Ano ang doktrina ng kasapatan ng Kasulatan? Ano ang ibig sabihin na ang Bibliya ay sapat na?
Sagot
Ang doktrina ng kasapatan ng Bibliya ay isang mahalagang aspeto ng pananampalatayang Kristiyano. Ang sabihin na sapat ang Bibliya ay nangangahulugan na tanging ang Bibliya lamang ang ating kailangan upang dalhin tayo sa tamang pananampalataya at ihanda sa paglilingkod. Inihahayag nito ang malinaw na presentasyon ng Kanyang layunin na papanumbalikin ang nasirang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo. Itinuturo sa atin ng Bibliya ang tungkol sa tamang pananampalataya, sa pagpili ng Diyos sa atin at sa kaligtasan sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus at ng Kanyang pagkabuhay na muli. Walang ibang aklat ang kailangan para maunawan ang Mabuting Balitang ito ng kaligtasan at hindi rin kailangan ang iba pang kasulatan upang ihanda tayo para sa isang buhay ng pananampalataya.
Ang salitang “Kasulatan” para sa Kristiyano ay nangangahulugan ng Luma at Bagong Tipan. Idineklara ni Apostol Pablo na ang “Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.” (2 Timoteo 3:15-17). Kung ang Kasulatan ay “hiningahan ng Diyos,” hindi nga ito galing sa tao. Bagamat isinulat ito ng tao, “hindi nagbuhat sa kalooban ng tao ang hula ng mga propeta; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong kinasihan ng Espiritu Santo” (2 Pedro 1:21). Walang kasulatan na gawa ng tao ang maaaring maging sapat upang ihanda tayo sa bawat mabubuting gawa; tanging ang Salita lamang ng Diyos ang makagagawa niyon. Gayundin naman, kung ang Kasulatan ay sapat na upang ganap tayong ihanda sa pananampalataya at mabubuting gawa, wala na nga tayong ibang kinakailangan pa.
Tinalakay sa Colosas 2, ang mga panganib na kakaharapin ng Iglesya kung ang kasapatan ng kasulatan ay hahamunin o hahaluan ang Bibliya ng ibang mga aklat. Binabalaan ni Pablo ang Iglesya sa Colosas, “Mag-ingat kayo upang hindi mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at magdarayang aral at hindi nananalig kay Cristo kundi sa sabi-sabi ng matatanda at sa mga tuntunin ng sanlibutan” (Colosas 2:8). Mas direkta ang pagkakasabi ni Judas: “Mga minamahal, ang gustung-gusto kong isulat sa inyo'y tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat. Ngunit napilitan akong ang isulat sa inyo'y isang panawagan na ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal” (Judas 1:3). Pansinin ang pariralang “minsan at magpakailanman.” Nililinaw ng talatang ito na walang ibang aklat o sulat ng kahit sinong pastor o teologo saan mang denominasyon ng iglesya sila galing, ang maaaring ituring na kapantay o katulad ng Salita ng Diyos. Naglalaman ang Bibliya ng lahat ng kinakailangan ng isang mananampalataya upang maunawaan niya ang mga katangian ng Diyos, ang kalikasan ng tao, ang doktrina tungkol sa kasalanan, langit, impiyerno at ang doktrina ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo.
Maaaring ang pinakamagandang talata tungkol sa isyu ng kasapatan ng Bibliya ay makikita sa aklat ng mga Awit. Sa Awit 19:7:14, nagalak si David sa Salita ng Diyos, at idineklara ito na perpekto, walang kulang, ang dulot sa tao ay bagong buhay, nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan at mapagtitiwalaan. Dahil ang Bibliya ay perpekto at walang kulang, hindi na kinakailangan pa ang ibang mga aklat.
Ang doktrina ng kasapatan ng Kasulatan ay inaatake sa kasalukuyan, at ang nakalulungkot, ang mga pagatake ay nanggagaling pa mismo sa loob ng iglesya. Ang paggamit ng mga makamundong paraan sa pagganyak sa mga tao, ang pagbibigay aliw sa tao, ang mga bagong hula at rebelasyon o kapahayagan na wala sa Bibliya, ang mistisismo at ang paggamit ng saykolohiya sa pangangaral at pagpapayo ay pagdedeklara na hindi sapat ang Bibliya at ang mga itinuturo nito sa pananampalataya at pamumuhay Kristiyano. Ngunit sinabi ni Hesus, “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin” (Juan 10:27). Ang tinig lamang ni Hesus ang kailangan nating marinig, at ang Kasulatan ang Kanyang tinig, at ito ay walang kulang at tunay na sapat.
English
Ano ang doktrina ng kasapatan ng Kasulatan? Ano ang ibig sabihin na ang Bibliya ay sapat na?