Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasong legal o paghahabla?
Sagot
Tinuruan ni Apostol Pablo ang mga taga Corinto na hindi dapat maghabla sa korte ang mananampalataya laban sa isa't isa. (1 Corinto 6:1-8). Ang hindi pagpapatawad ng mga mananampalataya sa isa't isa ay nangangahulugan ng kabiguan ng iglesia. Bakit nanasain ng isang tao na maging Kristiyano kung ang mga Kristiyano mismo ay hindi kayang lutasin ang kanilang problema sa loob ng kanilang sariling iglesia? Gayun pa man, may mga pagkakataon na ang legal na aksyon ay isang nararapat na hakbang sa pagkakasundo. Kung sa kabila ng pagsunod sa mga hakbang tungo sa pagkakasundo sa Mateo 18:15-17, at hindi pa rin magsisi ang nagkasala, may mga pagkakataon na nangangailangan ng aksyong legal. Ngunit dapat itong gawin pagkatapos ng maraming panalangin at paghingi ng karunungan sa Diyos (Santiago 1:5) at paghingi ng payo sa pamunuan ng iglesia.
Ang buong konteksto ng 1 Corinto 6:1-6 ay tungkol sa usaping legal sa pagitan ng mga mananampalataya at inihayag ni Pablo ang kanyang saloobin sa paglutas ng mga legal na usapin sa iglesia. Ipinahayag ni Apsotol Pablo na ang mga hukuman sa mundo ay para lamang sa mga nasa labas ng iglesia. Ang mga problema sa iglesia ay hindi nararapat dalhin sa labas ng iglesia. Ang mga ito ay dapat lutasin sa loob ng iglesia.
Sa Mga Gawa kabanata 21 hanggang 22, inakusahan si Apostol Pablo ng isang krimen na hindi niya ginawa. Inaresto siya ng mga Romano at iniutos ng puno ng mga kawal Romano na pahirapan siya upang aminin ang kanyang krimen. Gusto ng pinuno na malaman kung bakit galit na galit ang mga tao kay Pablo. Habang nakatali si Pablo at nakahanda ang mga sundalo upang siya'y parusahan, sinabi niya sa pinuno na nakatayo roon, "Legal ba para sa inyo na parusahan ang isang mamamayang Romano ng hindi muna nililitis?" Ginamit ni Pablo ang sistemang legal at ang kanyang pagiging mamamayan ng Roma upang protektahan ang kanyang sarili. Hindi masama na gamitin ang legal na sistema hanggat ito'y ginagamit ng may tamang puso at dalisay na motibo.
Idinagdag pa ni Pablo, "ngayon nga, tunay na isang pagkukulang sa inyo ang kayo-kayo'y magkaroon ng mga usapin. Bakit hindi bagkus ninyong tiisin ang mga kalikuan? bakit hindi bagkus kayo'y padaya? (1 Corinto 6:7). Binibigyan diin dito ni Pablo ang kanyang pagmamalasakit sa patotoo ng mga mananampalataya. Mas mainam pa para sa isang Kristiyano na abusuhin ng hindi mananampalataya kaysa sa ilayo ang isang hindi mananampalataya kay Kristo sa pamamagitan ng masamang patotoo. Alin ba ang mahalaga - ang pagtatanggol sa sariling kapakanan o ang kaligtasan ng kaluluwa ng isang tao?
Dapat bang humantong ang usapin sa loob ng iglesia sa hukuman ng mga pagano? Hindi ito dapat mangyari! Paano naman ang mga kasong sibil laban sa kapwa mananampalataya? Hindi nararapat hanggat maiiwasan. Paano naman ang isang mananampalataya na inaapi ng isang hindi manampalataya? Maihahabla ba niya ang isang hindi mananampalataya upang ipaglaban ang kanyang karapatang sibil? Hindi rin nararapat hanggat maiiwasan. Gayunman, sa ibang mga pagkakataon, katulad ng pagtatanggol sa ating karapatan (gaya ng ginawa ni Pablo) maaari tayong humingi ng tulong sa batas ng tao upang ating makamit ang proteksyon ng batas at ang hustisya.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kasong legal o paghahabla?