settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katamaran?

Sagot


Ang "unang batas ng mosyon" ni Newton ay nagsasabi na ang isang bagay na laging gumagalaw ay mas mananatiling gumagalaw habang ang isang bagay na hindi gumagalaw ay mas malamang na manatiling hindi gumagalaw. Ang batas na ito ay maiilapat din sa tao. Habang ang iba ay normal na nagnanais na tapusin ang nasimulang mga proyekto, ang iba naman ay walang pagkukusa at kinakailangan pang paalalahanan upang ipagpatuloy ang nasimulan. Ang katamaran ay likas para sa iba at tukso para sa lahat. Ngunit malinaw ang turo ng Bibliya na dahil itinakda ng Diyos para sa mga tao ang magtrabaho, ang katamaran ay isang kasalanan. "Tingnan mo yaong langgam, ikaw taong ubod tamad, Pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat" (Kawikaan 6:6).

Maraming sinasabi ang Bibliya patungkol sa katamaran. Ang aklat ng Kawikaan ay puno ng karunungan tungkol sa katamaran at mga babala sa mga taong tamad. Sinasabi sa atin ng Kawikaan na namumuhi sa trabaho ang taong tamad: "Kagutuman ang papatay sa taong batugan pagkat ayaw niyang igawa ang kanyang mga kamay" (Kawikaan 21:25); nais niya na laging matulog: "Kung lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama (26:14); lagi siyang may dahilan: "Ano ang idinadahilan ng taong batugan?"May leon sa daan, may leon sa lansangan" (26:13); nagsasayang siya ng oras at lakas: "Ang taong batugan ay sinsama ng taong mapanira" (18:9); pinaniniwalaan niya na siya ay matalino ngunit ang totoo siya ang hangal: "Ang palagay ng tamad siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon" (26:16).

Sinasabi sa atin ng Kawikaan ang hantungan ng isang taong tamad: ang isang taong tamad ay magiging isang alipin o mangungutang: "Balang araw ang masikap ang mamamahala, ngunit ang tamad ay mananatiling alila (12:24); madilim ang kanyang hinaharap: "Ang magsasakang tamad magbungkal ay walang maaani pagdating ng anihan" (20:4); at siya ay maaaring maghirap: "Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap." (13:4).

Walang lugar ang katamaran sa buhay ng isang Kristiyano. Ang bagong mananampalataya ay buong katotohanang tinuturuan na "dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay naligtas kayo sa pamamagitan ng inyong pananalig kay Cristo. At ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos, hindi mula sa inyo. Hindi ito dahil sa inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman" (Efeso 2:8-9). Ngunit ang isang mananampalataya ay maaaring maging tamad kung maniniwala siya sa kasinungalingan na hindi umaaasa ang Diyos ng bunga mula sa isang binagong buhay. "Tayo'y kanyang nilalang, nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti, na itinalaga na ng Diyos para sa atin noon pa mang una" (Efeso 2:10). Hindi tayo naligtas dahil sa gawa, ngunit ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating mga gawa (Santiago 2:28, 26). Ang katamaran ay pagsalangsang sa layunin ng Diyos para sa atin na mga Kristiyano - ang mabubuting gawa. Gayundin naman, binibigyang kalakasan tayo ng Diyos upang mapaglabanan ang kalikasan na maging tamad sa pamamagitan ng bagong pagkatao na ipinagkaloob Niya sa atin (2 Corinto 5:17).

Sa ating bagong kalikasan, tayo ay inuudyukan na maging masipag at produktibo dahil sa ating pag-ibig sa ating Tagapagligtas na tumubos sa atin. Ang ating lumang kalikasan na may pagkahilig sa katamaran - at iba pang kasalanan - ay pinalitan ng pagnanais na mamuhay para sa Diyos. "Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya at gamitin ang kanyang kamay sa anumang gawaing marangal upang may maitulong sa mga nangangailangan" (Efeso 4:28). Tayo ay inuudyukan na ibigay ang pangangailangan ng ating pamilya sa pamamagitan ng paghahanapbuhay: "Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kasambahay, ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga walang pananampalataya" (1 Timoteo 5:8); at maglingkod din para sa iba na kabilang sa pamilya ng Diyos: "Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagpapagal ay dapat ninyong tulungan ang mahihirap. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus: 'Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap" (Mga Gawa20:34-35).

Bilang mga Kristiyano, alam natin na gagantimpalaan tayo ng Diyos dahil sa ating mga pagpapagal kung hindi tayo magsasawa: "Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon, tayo'y mag-aani kung hindi tayo magsasawa. Samantalahin natin ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa, lalo na sa mga kapatid sa pananampalataya" (Galatia 6:9-10); "Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang magaan sa kalooban na waring hindi sa tao kayo naglilingkod kundi sa Panginoon. Alam naman ninyong gagantimpalaan kayo ng Panginoon; tatanggapin ninyo ang inilaan niya sa kanyang mga anak. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo. (Colosas 3:23-24); "Makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong mga kapwa Cristiano" (Hebreo 6:10).

Nararapat na magsikap ang mga Kristiyano na magebanghelyo at gumawa ng mga alagad. Si apostol Pablo ang ating halimbawa: "Iyan ang dahilan kung bakit namin ipinangangaral si Cristo. Pinaaalalahanan namin ang lahat, at buong linaw na tinuturuan ayon sa aming makakaya upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa, sakdal at walang kapintasan dahil sa pakikipag-isa kay Cristo. Dahil dito, ako'y nagpupunyagi sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob sa akin ni Cristo" (Colosas 1:28-29). Maging sa langit, ang mga Kristiyano ay patuloy na maglilingkod sa Diyos, kahit malaya na sila sa mga sumpa (Pahayag 22:3). Malaya mula sa sakit, pagdadalamhati, at kasalanan - at maging sa katamaran - luluwalhatiin ng mga banal ang Diyos magpasawalang hanggan. "Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at huwag matitinag. Magpakasipag kayo sa gawain para sa Panginoon yamang alam ninyong di nasasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya" (1 Corinto 15:58).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katamaran?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries