settings icon
share icon
Tanong

Paano dapat tumugon ang mananampalataya sa mga katangian ng Diyos?

Sagot


Inihayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga mananampalataya sa pamamagitan ng Kanyang Salita (ang Biblia) at sa pamamagitan ng Kanyang Anak (si Cristo Jesus). Kung patuloy nating pagaaralan ang Biblia, lalo nating mauunawaan ang mga katangian ng Diyos at ang mabubuting bagay na Kanyang taglay. Bilang mga mortal, nahihirapan tayong unawain ang kapangyarihan at karingalan ng Diyos na lumikha ng mga panahon, espasyo, mga bagay, at lahat ng buhay. "Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan" (Isaias 55:9).

Ang layunin ng artikulong ito ay pagtuunan ng pansin ang tatlong mahahalagang katangian ng Diyos at ang dapat na tugon ng mga mananampalataya sa mga katangiang ito.

Pinakamahalaga marahil sa katangian ng Diyos ay ang katangiang moral ng Kanyang kabanalan. Inilalarawan ng Isaias 6:3 at Pahayag 4:8 ang makaitlong lakas ng kabanalan ng Diyos: "Banal, banal, banal si Yahweh na makapangyarihan sa lahat na siyang nakaraan, kasalukuyan at darating." Nagkakaroon lamang ng pag asa at tunay na pagsisisi ang isang tao kapag nakita niya ang kabanalan ng Diyos at naihambing ito sa Kanyang pagiging makasalanan. Kapag napagtanto natin ang nakakatakot na kahihinatnan ng makasalanan at naisip na ang walang kasalanang Anak ng Diyos ang umako at naghirap para sa ating parusa, tayo ay maninikluhod sa Kanya. Hindi natin magagawang umimik sa harap ng kabanalan ng Diyos, tayo ay hamak at walang kabuluhang magpapatirapa dahil sa pagkatakot at paggalang na hinihingi ng Kanyang kabanalan. Kagaya ni Job, tayo ay magsasabing, "Narito ako'y hamak at walang kabuluhan, wala akong maisasagot, bibig ay tatakpan" (Job 40:4). Ang pagkaunawa sa Kanyang kabanalan ay nagiging dahilan upang purihin natin ang Kanyang pag-ibig (2 Corinto 1:3), kahabagan (Roma 9:15), kagandahang loob, at pagpapatawad sa atin (Roma 5:17). "Kung Ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan, lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan. Ngunit iyong pinatawad kasalanan ay nilimot, pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot" (Awit 130:3-4).

Marahil ang kaibig-ibig na katangian ng Diyos ay ang Kanyang pag-big. Ang pag-ibig ay nangangailangan ng ugnayan, kaya nga hanggang sa walang hanggan ang Ama, ang Anak, at Espiritu Santo ay magkakasamang umiiral na may pag-ibig ay ugnayan. Tayo ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis, nilikha Niya tayo upang magkaroon ng kaugnayan sa Kanya (Genesis 1:27; Roma 1:19-20). Malawak ang pag-ibig ng Diyos na sukat na isinugo Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tubusin tayo sa kasalanan. "Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang Kanyang buhay para sa atin.." (1Juan 3:16). Ang Diyos ay pag-ibig...Tayo ay umiibig sapagkat Siya ang unang umibig sa atin" (1Juan 4:16-19). Nagbigay ang Diyos ng solusyon sa kasalanan sa katauhan ni Cristo Jesus. Si Jesus ay dumating upang akuin ang parusa sa ating mga kasalanan at upang bigyang lugod ang katarungan ng Diyos (Juan 1:1-5, 14, 29). Ang dalisay na pag-ibig at perpektong katarungan ng Diyos ay nagtagpo sa kalbaryo. Kung nauunawaan na natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos, ang ating tugon ay pagpapakumbaba, pagsisisi, at pagbabalik ng pag-ibig. Kagaya ni haring David dumadalangin tayo sa Diyos na likhain Niya sa atin ang isang pusong dalisay at bagong damdamin (Mg Awit 34:18; 51:10, 17). Ang Diyos ay tumatahan sa mataas at banal, ngunit sinasamahan Niya ang mananampalatayang may mababang loob at nagsisisi (Isaias 57:15).

Panghuli, ating titingnan ang pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos sa lahat (Mga Awit 71:16; Isaias 40:19). Ang Diyos ay mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan (Mga Awit 90:2). Siya ang pinagmulan ng lahat ng buhay (Roma 12:33-36). Siya ay hindi umaasa o nakadepende sa Kanyang nilikha (Gawa 17:24-28). Sina Abraham, Samuel, Isaias, Daniel, at David ay kumikilala na ang Diyos ay ang Panginoong Makapangyarihan sa lahat: Ating basahin ang pagpupuri ni David sa Diyos sa 1 Cronica 29:10-13, "Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang makapangyarihang Diyos ni Israel na aming ama. Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, karangalan, at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian ay at kayo ang dakila sa lahat. Sa inyo nagmula ang kayamanan, at ang karangalan, at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan at kayo ang nagbibigay ng kapangyarihan sa lahat. Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan." Kaya't bilang mananampalataya tayo ay nagbibigay parangal sa Diyos na makapangyarihan sa lahat na tumubos sa atin at nagpapasakop tayo sa Kanya (Santiago 4:7; Juan 1:4).

Mahusay na binuod ni Haring David ang mga katangian ng Diyos: "Ang Diyos ay naghahari na ang suot sa katawan ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan; Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig, kahit anong gawin pa'y hindi ito mayayanig. Ang trono mo ay matatag simula pa noong una, bago pa ang kasaysayan ika'y likas na naro'n na....Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo, sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo" (Mga Awit 93:1-2, 4-5).

Ilan sa mga alagad ng Diyos ang binigyan Niya ng pagkakataong maranasan ang Kanyang presensya at ito ang kanilang tugon:

Si Moises ay humiling na makita ang kaluwalhatian ng Panginoon, at sumang-ayon naman ang Panginoon na masaksihan niyang lahat ito. "Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha," sagot ni Yahweh (Exodo 33:22-23). Ang tugon ni Moises ay pagpapatirapa at pagsamba (Exodo 34:6-8). Katulad ni Moises, ang isang mananampalataya ay magpapatirapa at sasamba rin sa Panginoon na puno ng pagkamangha habang binubulay ang kaluwalhatian ng Diyos.

Si Job naman ay hindi nawalan ng pananampalataya sa Diyos, sa kabila ng pinakamasaklap na pangyayaring sumubok sa Kanyang pagkatao. "Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin, maiharap ko lamang sa kanya itong aking usapin" (Job13:15). Siya ay natahimik nang magsalita sa kanya ang Diyos mula sa kulog. Inamin ni Job na nagsalita siya ng mga bagay na hindi niya nauunawaan, mga bagay na kamangha-mangha para malaman niya. "Kaya nga ngayon ay nagsisisi, ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo ako'y nakaupo" (Job 42:6; basahin ang Job 42:1-6). Katulad ni Job, ang ating nararapat na tugon sa Diyos ay pagsunod na may pagpapakumbaba, pagtitiwala, at pagpapasakop sa Kanyang kalooban nauunawaan man natin ito o hindi.

Si Isaias naman ay nagkaroon ng pangitain na ang ang Diyos ay nakaupo sa Kanyang trono na may mga serapin sa ulunan at sumisigaw ng, "Banal, banal, banal si Yahweh na makapangyarihan sa lahat! ang buong daigdig ay puspos ng Kanyang kaluwalhatian" (Isaias 6:3). Hindi niya makontrol ang reaksyon sa pangitaing ito na ang tanging nasambit na lang ni Isaias ay, "Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang makapangyarihan sa lahat" (Isaias 6:5; basahin mula talata 1). Nakita ni Isaias na siya ay makasalanan sa presensya ng Banal na Diyos, at ang Kanyang tugon ay pagsisisi. Ang pangitain ni Juan ng trono ng Diyos ay nagdulot sa kanya ng dakilang pagkamangha. Para siyang patay na bumagsak sa paanan ng Panginoon (Pahayag 1:17-18). Katulad nina Isaias at Juan, tayo ay mga aba kapag nasa presensya ng Diyos.

Marami pang mga katangian ng Diyos na nahayag sa Biblia. Ang katapatan ng Diyos ay umaakay sa atin upang magtiwala sa Kanya. Ang Kanyang kagandahang loob ang nagtuturo sa atin upang magpasalamat. Tayo'y namamangha sa Kanyang kapangyarihan. Ang Kanyang karunungan ay naguudyok sa atin upang sa Kanya lang tayo humingi ng payo (Santiago 1:5). Ang mga lubos na nakakakilala sa Diyos ay namumuhay ng may kabanalan at paggalang sa Kanya (1 Tesalonica 4:4-5)

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano dapat tumugon ang mananampalataya sa mga katangian ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries