settings icon
share icon
Tanong

Ano ang lakas at kahinaan ng argumento tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture sa katapusan ng 7 taon ng kapighatian (post-tribulationism)?

Sagot


Kung paguusapan ang mga mangyayari sa mga huling araw, mahalagang tandaan na halos lahat ng Kristiyano ay nagkakasundo sa tatlong bagay:

1) May isang panahon sa kasaysayan na tinatawag na Kapighatian o paghihirap na hindi pa nararanasan ng buong sanlibutan; 2) Muling paparito ang Panginoong Hesu Kristo at; 3) Magkakaroon ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay at papalitan ang katawang namamatay ng katawang hindi namamatay na kilala rin sa tawag na rapture o pagdagit sa mga mananampalataya (Juan 14:1-3; 1 Corinto 15:51-52; 1 Tesalonica 4:16-17).

Ang katanungan ay kailan ba mangyayari ang pagdagit o rapture? May tatlong pangunahing teorya tungkol sa kapanahunan ng rapture. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:

1) Pagdagit bago magumpisa ang 7 taon ng Kapighatian o pre-tribulationism;

2) Pagdagit sa kalagitnaan ng 7 taon ng Kapighatian o mid-tribulationism at;

3) Pagdagit pagkatapos ng 7 taon ng Kapighatian o post-tribulationism. Ang artikulong ito ay partikular na tumatalakay sa pagdagit sa mga mananampalataya sa pagtatapos ng 7 taon ng Kapighatian (post-tribulationism).

Itinuturo ng mga Post-tribulationists na magaganap ang pagdagit o rapture sa katapusan o malapit sa katapusan ng Kapighatian. Sa panahong iyon, kakatagpuin ng Iglesya si Kristo sa hangin at pagkatapos ay babalik sa lupa upang itatag ang kaharian ni Kristo sa lupa. Sa ibang salita, halos magkasabay na magaganap ang rapture at ang muling pagparito ni Hesu Kristo (upang itatag ang Kanyang kaharian). Ayon sa paniniwalang ito, dadaan ang Iglesya sa buong 7 taon ng Kapighatian. Ang mga grupo na may ganitong paniniwala ay ang mga Romano Katoliko, Greek Orthodox at maraming mga Protestanteng denominasyon.

Ang isang kalakasan ng post-tribulationism ay ang sinabi ni Hesus sa Kanyang mahabang diskurso tungkol sa mga huling araw na darating Siya pagkatapos ng isang ‘Dakilang Kapighatian’ (Mateo 24:21, 29). Gayundin, binabanggit sa Aklat ng Pahayag, kasama ng iba pang mga hula, na may isa lamang muling pagparito ng Panginoon - at magaganap iyon pagkatapos ng Kapighatian (Pahayag 19-20). Ang Pahayag 13:7 at 20:9 ay sumusuporta din sa post-tribulationism dahil sinasabi sa mga talatang ito na may mga mabubuhay na banal na tao sa panahon ng Kapighatian. Gayundin, ang pagkabuhay ng mga patay sa Pahayag 20:5 na tinatawag na ‘unang pagkabuhay na muli.’ Sinasabi ng mga Post-tribulationists na dahil ang ‘unang pagkabuhay na muli’ ay magaganap pagkatapos ng kapighatian, ang pagkabuhay na muli na kasabay ng rapture o pagdagit sa mga mananampalataya ay hindi maaaring maganap bago matapos ang 7 taon ng Kapighatian.

Ikinakatwiran din ng mga Post-tribulationists na sa kasaysayan, nakaranas ng matinding paghihirap at pagsubok ang bayan ng Diyos. Kaya, hindi kataka-taka na makaranas din ang Iglesya ng Dakilang Kapighatian sa mga huling araw. Kaugnay nito, pinagbubukod ng mga post-tribulationalists ang ‘galit ni Satanas’ (o ‘galit ng tao’) sa ‘galit ng Diyos’ sa Aklat ng Pahayag. Ang galit ni Satanas ay laban sa mga banal at hinayaan ito ng Diyos para sa ikalilinis ng mga tapat. Sa kabilang dako, ang ‘galit ng Diyos’ ay ibabagsak sa antikristo at sa kanyang kaharia ngunit iingatan ng Diyos ang Kanyang Iglesya mula sa mga kaparusahang iyon.

Ang isang kahinaan ng post-tribulationism ay ang malinaw na katuruan ng Bibliya na ang mga na kay Kristo ay wala na sa ilalim ng sumpa at hindi na makakaranas pa ng hatol ng Diyos (Roma 8:1). Habang ang mga hatol sa panahon ng Kapighatian ay nakalaan para sa mga hindi mananampalataya, marami pang ibang hatol gaya ng mga lindol, pagbagsak ng mga bituin mula sa langit at taggutom ang makakaapekto sa mga mananampalataya at hindi mananampalatayang naninirahan sa mundo sa panahong iyon. Kaya nga kung ang mga mananampalataya ay dadaan sa 7 taon ng kapighatian, mararanasan din nila ang hatol ng Diyos na sumasalungat sa Roma 8:1.

Ang isa pang kahinaan ng post-tribulationalism ay kailangan nilang gawing alegorikal o pigura ng pananalita ang salitang Kapighatian. Maraming post-tribulationists ang nagtuturo na ang Iglesya sa ngayon ay dumaraan na sa Kapighatian; sa katotohanan, may ilang nagsasabi na ang Kapighatian ay nagsimula na pagkatapos ng Pentecostes sa Aklat ng mga Gawa kabanata 2. Isinasantabi ng ganitong katuruan ang nagiisang kalikasan ng Kapighatian na gaya ng inilarawan sa Mateo 24:21, na ito ay panahon ng kaguluhan at matinding kahirapan na hindi pa nararanasan kailanman sa kasaysayan ng mundo. Gayundin, humaharap ang mga post-tribulationists sa kahirapan ng pagpapaliwanag sa kawalan ng salitang ‘Iglesya’ sa lahat ng mga talata sa Bibliya na may kaugnayan sa Kapighatian. Kahit sa Pahayag kabanata 2 hanggang 21, ang pinakamahabang paglalarawan sa Kapighatian sa buong Bibliya, ang salitang ‘Iglesya’ ay hindi nabanggit ni minsan. Ipinapalagay ng mga Post-tribulationists na ang salitang ‘mga banal’ sa Pahayag 4-21 ay nangangahulugan ng Iglesya bagamat ibang Griyegong salita ang ginamit.

Ang panghuling kahinaan ng post-tribulationalism ay katulad din ng kahinaan ng dalawa pang teorya tungkol sa panahon ng pagdagit sa mananampalataya: Una hindi sinabi sa Bibliya ang tiyak na panahon tungkol sa mangyayari sa hinaharap. Ikalawa, hindi pinapaboran ng Bibliya ang alinman sa mga pananaw tungkol sa eksaktong panahon ng pagdagit sa mga mananampalataya at ito ang dahilan kung bakit magkakaiba ang opinyon ng mga iskolar ng Bibliya at mga denominasyong Kristiyano patungkol sa mga mangyayari sa mg huling araw at kung paano nila pinaguugnay-ugnay ang mga hula patungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang lakas at kahinaan ng argumento tungkol sa pagdagit sa mga mananampalataya o rapture sa katapusan ng 7 taon ng kapighatian (post-tribulationism)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries