Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa katapusan ng mundo?
Sagot
Ang pangyayaring ito na karaniwan ding tinutukoy na ‘katapusan ng sanlibutan’ ay inilarawan sa 2 Pedro 3:10: "Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog." Ang hangganan ng mga pangyayari sa kasaysayan na tinatawag na "Araw ng Panginoon," ay ang panahon kung kailan tatapusin ng Diyos ang kasaysayan ng tao upang hukuman ang lahat. Sa panahong ito, ang lahat ng nilikha ng Diyos maging ang ‘mga langit at lupa’ (Genesis 1:1) ay Kanyang gugunawin.
Ang panahon kung kailan ito magaganap, ayon sa nakararaming iskolar ng Bibliya, ay sa katapusan ng isang libong taon ng paghahari ni Hesus sa lupa na tinatawag na millennium. Sa loob ng isang libong taon, maghahari si Hesus sa lupa sa Jerusalem at uupo sa trono ni David (Lukas 1:32-33) at maghahari ng may kapayapaan sa pamamagitan ng kanyang ‘kamay na bakal’ (Pahayag 19:15). Pagkatapos ng isang libong taon, palalayain si Satanas at muling tatalunin, at itatapon sa lawang apoy (Pahayag 20:7-10). At pagkatapos ng huling paghuhukom ng Diyos, mangyayari ang katapusan ng mundo na inilarawan sa 2 Pedro 3:10. May ilang sinasabi sa atin ang Bibliya tungkol sa pangyayaring ito.
Una, ito ay pandaigdigan ang lawak. Ang ‘mga langit’ ay tumutukoy sa pisikal na kalawakan, na gugunawin sa pamamagitan ng isang napakalaking pagsabog, posibleng sa pamamagitan ng isang atomic o nukleyar na reaksyon na tutunaw sa lahat ng nalalaman nating materyal sa buong kalawakan. Ang lahat ng bagay sa kalawakan ay matutunaw sa ‘matinding init’ (2 Pedro 3:12). Ito ay isa ring napakaingay na pangyayari na inilarawan sa iba't ibang salin ng Bibliya bilang ‘atungal’ (NIV), ‘malakas na ugong’ (KJV) ‘malakas na ingay’ (CEV), at isang ‘nakabibinging pagsabog’ (AMP). Walang duda kung ano ang mangyayari: Makikita at maririnig ng mga tao ang pangyayaring ito kung kailan, "ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog."
Pagkatapos, muling gagawa ang Diyos ng isang ‘bagong langit at bagong lupa’ (Pahayag 21:2), kung saan naroon ang ‘Bagong Jerusalem’ (vs. 2), ang sentrong siyudad ng langit, isang lugar ng perpektong kabanalan na bababa mula sa langit patungo sa bagong lupa. Ito ang siyudad kung saan titira ang mga hinirang magpakailanman, ang mga taong nakasulat ang pangalan sa ‘Aklat ng buhay ng Kordero’ (Pahayag 13:8). Tinukoy ni Pedro ang bagong langit at lupang ito na “bagong langit at bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran" (2 Peter 3:13).
Maaaring ang pinakamahalagang aspeto sa paglalarawan ni Pedro sa araw na iyon ay ang kanyang pangungusap sa mga talatang 11-12: "Yamang ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, italaga na ninyo sa kanya ang inyong sarili at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban samantalang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madali ang pagdating ng Araw na iyon---araw ng pagkatupok ng kalangitan at pagkatunaw sa matinding init ng mga bagay na naroon." Alam ng mga Krristiyano ang mangyayari sa hinaharap at dapat tayong mamuhay sa isang paraan na nasasalamin sa ating buhay ang ating pangunawa tungkol sa bagay na ito. Ang buhay na ito ay lilipas at ang dapat nating higit na pagtuunan ng pansin ay ang paparating na bagong langit at bagong lupa. Ang ating banal at makadiyos na pamumuhay ay dapat na magsilbing patotoo sa mga taong hindi pa nakakakilala sa ating Tagapagligtas at dapat nating ibahagi sa iba ang tungkol sa Panginoong Hesu Kristo upang makatakas sila sa nakapangingilabot na hantungan ng mga taong tumatanggi sa katotohanan. Naghihintay tayo ng may buong pananabik para sa "kanyang Anak na si Jesus. Siya ang muling binuhay na magbabalik mula sa langit at magliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos" (1 Tesalonica 1:10).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa katapusan ng mundo?