Tanong
Ano ang magiging pagkakaiba ng ating katawang muling binuhay sa ating kasalukuyang katawan?
Sagot
Sa unang sulat ni Pablo sa iglesya sa Corinto, tinalakay niya ang napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng ating panlupang katawan at ng ating katawang binuhay na mag-uli (tingnan ang 1 Corinto 15:35-57). Sa paghahambing sa ating katawang panlupa at sa kagandahan ng ating katawang panlangit (katawang binuhay na mag-uli) sinabi ni Pablo, "Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay. Itinatanim na may kasiraan; binubuhay na maguli na walang kasiraan; Itinatanim na may pagkasiphayo; binubuhay na maguli na may kaluwalhatian: itinatanim na may kahinaan; binubuhay na maguli na may kapangyarihan: Itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na maguli na katawang ukol sa espiritu. Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu naman" (1 Corinto 15:42-44, idinagdag ang diin). Sa maiksing salita, ang ating katawang binuhay na mag-uli ay espiritwal, hindi namamatay, maluwalhati at may kapangyarihan.
Sa pamamagitan ng unang Adan, natanggap natin ang ating likas na katawan na perpektong tugma sa ating panlupang kapaligiran. Nagkaroon ito ng kamatayan dahil sa sumpa ng Diyos sa kasalanan. Dahilan sa pagsuway, nagkaroon ang tao ng kamatayan. Ang pagtanda, panghihina ng katawan at kamatayan ay mararanasan ng lahat ng tao. Sa alabok tayo nagmula, kaya't sa alabok din tayo babalik (Genesis 3:19; Ecclesiastes 3:20). Sa kabilang dako, ang ating katawang binuhay na mag-uli ay bubuhayin na hindi magwawakas, hindi manghihina, mabubulok o mamamatay at "pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, Nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan" (1 Corinto 15:54).
Dahil sa kasalanan, ang ating katawan ay itinanim na walang karangalan. Orihinal tayong ginawa ng Diyos na perpekto at ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:27), ngunit dahil sa kasalanan nawala ang karangalang iyon. Ngunit ipinangako ng Diyos sa ating mga mananampalataya na isang araw, muli tayong bubuhayin at papalitan ang ating nabubulok at walang karangalang katawan ng isang maluwalhating katawan. Pinalaya na mula sa limitasyon na ipinataw ng kasalanan, ang ating katawang binuhay na mag-uli ay bibigyan ng karangalan at perpektong tugma para sa kapurihan at karangalan ng ating Manlilikha magpasawalang hanggan.
Ang ating kasalukuyang katawan ay mahina at nagkakasakit. Hindi matatanggihan na ang ating panlupang katawan ay marupok at madaling igupo ng mga karamdaman na sumasalahat ng tao. Pinahina din tayo ng kasalanan at ng mga tukso. Ngunit isang araw, muli tayong bubuhayin sa kapangyarihan at kaluwalhatian at hindi na natin mararanasan ang lahat ng kahinaan at karamdaman na nararanasan natin sa ating buhay sa kasalukuyan.
Panghuli, ang ating katawang muling binuhay ay espiritwal. Ang ating mga likas na katawan ay angkop sa mundong ito, ngunit sa mundong ito lamang ito mabubuhay. "Ang laman at ang dugo ay hindi makapagmamana ng kaharian ng Dios; ni ang kasiraan ay magmamana ng walang kasiraan" (1 Corinto 15:50). Pagkatapos ng muling pagkabuhay, magkakaroon tayo ng espiritwal na katawan na perpektong angkop sa pamumuhay sa langit. Hindi ito nangangahulugan na tayo ay magiging mga espiritu lamang—walang katawan ang mga espiritu—sa halip, ang ating mga katawang muling binuhay ay hindi na mangangailangan ng pisikal na pagkain o mga pisikal na bagay upang mabuhay.
Binigyan tayo ng ilang sulyap sa kung ano ang ating magiging katawan sa muling pagkabuhay ng magpakita ang Panginoong Hesu Kristo pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli. Nanatili pa rin sa Kanyang katawan ang Kanyang mga sugat at nahihipo Siya ng Kanyang mga alagad ngunit walang hirap Siyang nakakapaglakbay at nagpapakita at naglalaho kung kailan Niya maibigan. Nakakalusot Siya sa pader at pintuan ngunit nakakakain pa rin Siya, nakakainom, umuupo at tumatayo. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang ating "panlupang katawan" ay magiging gaya ng "maluwalhating katawan ni Hesu Kristo" (Filipos 3:21). Tunay nga na ang pisikal na limitasyon na resulta ng kasalanan na siyang naging hadlang upang hindi natin Siya mapaglingkuran ng ganap dito sa mundo ay mawawala ng ganap sa buong walang hanggan, at palalayain tayo sa mga limitasyon ng ating panlupang katawan upang magpuri, maglingkod at sumamba sa Kanya magpakailanman.
English
Ano ang magiging pagkakaiba ng ating katawang muling binuhay sa ating kasalukuyang katawan?