settings icon
share icon
Tanong

Paanong ang Iglesya ay ang katawan ni Kristo?

Sagot


Ang pariralang “katawan ni Kristo” ay isang karaniwang pigura ng pananalita sa Bagong Tipan para sa Iglesya (kalipunan ng mga tunay na ligtas). Tinatawag ang Iglesya na “katawan ni Kristo” sa Roma 12:5, “isang katawan” sa 1 Corinto 10:17, “ang katawan ni Kristo” sa 1 Corinto 12:27 at Efeso 4:12, at “ang katawan” sa Hebreo 13:3. Malinaw na inihalintulad ang Iglesya sa “katawan ni Kristo” sa Efeso 5:23 at Colosas 1:24.

Nang dumating si Kristo sa mundo, kinuha Niya ang isang pisikal na katawan na inihanda para sa Kanya (Hebreo 10:5; Filipos 2:7). Sa pamamagitan ng Kanyang pisikal na katawan, ipinakilala ni Hesus ang pag-ibig ng Diyos ng malinaw, nadarama at ng buong tapang – sa pamamagitan ng Kanyang paghahandog ng buhay doon sa krus (Roma 5:8). Pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli, ipinagpatuloy ni Kristo ang Kanyang gawain sa mundo sa pamamagitan ng Kanyang mga tinubos – ang Iglesya na ipinapakilala sa mundo ang pag-ibig ng Diyos gaya ng ginawa ng Panginoong Hesu Kristo. Sa ganitong paraan, gumagawa ang Iglesya bilang “katawan ni Kristo.”

Tinatawag na katawan ni Kristo ang Iglesya dahil sa mga sumusunod na katotohanan:

1) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay may kaugnayan kay Kristo dahil sa kaligtasan (Efeso 4:15-16).

2) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay sumusunod kay Kristo bilang kanilang pangulo (Efeso 1:22-23).

3) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay mga pisikal na representasyon ni Kristo sa mundo. Ang Iglesya ay isang organismo na nagpapakita ng buhay ni Kristo sa mundo ngayon.

4) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay pinananahanan ng Banal na Espiritu ni Kristo (Roma 8:9).

5) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay nagtataglay ng iba’t ibang kaloob na naaangkop para sa iba’t ibang gawain (1 Corinto 12:4-31). “Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo” (talata 12).

6) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay kabahagi ng ibang Kristiyano anuman ang lahi, kulay, pinanggalingan o ministeryo. “Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa ” (1 Corinto 12:25).

7) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay hindi mawawala ang kaligtasan (Juan 10:28-30). Upang mawala ng isang Kristiyano ang kanyang kaligtasan, kailangang putulin ni Kristo ang bahagi ng Kanyang katawan.

8) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay may pakikibahagi sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo (Colosas 2:12).

9) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay kabahagi sa mana ni Kristo (Roma 8:17).

10) Ang mga miyembro ng katawan ni Kristo ay tumanggap ng katuwiran na kaloob ni Kristo (Roma 5:17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paanong ang Iglesya ay ang katawan ni Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries