settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katiyagaan?

Sagot


Kung maayos ang lahat sa ating buhay, madaling ipakita ang katiyagaan. Ang tunay na pagsubok sa katiyagaan ay kung nilalabag ng iba ang ating mga karapatan - kung inunahan tayo ng kasunod nating sasakyan sa masikip na trapiko; kung pinagtatawanan ng isa sa ating kaopisina o kaibigan ang ating pananampalataya at kung tinatrato tayo sa maling pamamaraan. May mga tao na nagaakala na may karapatan silang magreklamo sa harap ng pagsubok at kahirapan. Para sa kanila, ang kawalan ng pagtitimpi ay tulad sa banal na pagkagalit. Gayunman, pinupuri ng Bibliya ang katiyagaan bilang bunga ng Espiritu (Galatia 5:22) na dapat na makita sa lahat ng mga tagasunod ni Kristo (1 Tesalonica 5:14). Ipinakikita ng katiyagaan ang ating pananampalataya sa tamang panahon ng Diyos para sa atin, sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang pag-ibig.

Bagamat itinuturing ng mga tao na ang katiyagaan ay isang estado ng pag-iisip na handang maghintay ng may kahinahunan, karamihan sa salitang Griyego na isinalin sa salitang "katiyagaan" sa Bagong Tipan ay aktibong mga pananalita. Halimbawa ay ang Hebreo 12:1, "Yamang naliligid tayo ng makapal na saksi, iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo'y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan" Hebreo 12:1. Mayroon bang tumatakbo na naghihintay lamang o mahinahon na pinababayaan ang pandaraya ng kanyang mga katunggali? Siguradong hindi! Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang "tiyaga" sa talatang ito ay nangangahulugan ng "pagpapatuloy ng may pagtitiis." Ang isang Kristiyano ay matiyagang lumalaban sa paligsahan sa pamamagitan ng pagititis ng mga kahirapan. Sa Bibliya, ang pagtitiyaga ay pagpapatuloy upang makamit ang layunin, pagtitiis sa mga kahirapan o pagtitiyaga sa paghihintay na matupad ang isang pangako.

Ang pagkakaroon ng tiyaga ay hindi nakakamit sa madaling panahon. Ang kapangyarihan at biyaya ng Diyos ay mahalaga upang mahubog ang katiyagaan. Sinabi sa atin ng Colosas 1:1 na tayo ay hinuhubog ng Diyos sa "dakilang pagtitiis at katiyagaan," habang pinalalakas ni Santiago ang ating loob sa kaalaman na ang mga pagsubok ang pamamaraan ng Diyos upang maperpekto ang ating katiyagaan. Ang ating pagtitiyaga ay magiging ganap at mapalalakas sa pamamagitan ng pagtitiwala sa perpektong kalooban at panahon ng Diyos kahit na sa harap ng masasamang tao na "gumiginhawa sa likong paraan" (Awit 37:7). Ang ating pagtitiyaga ay gagantimpalaan sa huli "dahil malapit na ang pagdating ng Panginoon" (Santiago 5:7-8). "Si Yahweh ay mabuti sa mga nagtitiwala sa Kanya" (Panaghoy 3:25).

Makikita natin sa Bibliya ang maraming halimbawa ng mga tao na nagtiyaga sa kanilang paglakad na kasama ng Diyos. Sinabi ni Santiago na ang mga propeta ay "mga halimbawa ng pagtitiyaga sa harap ng mga pagdurusa (Santiago 5:10). Tinukoy din niya si Job na ginantimpalaan ang katiyagaan sa pamamagitan ng mga ginawa ng Diyos (Santiago 5:11). Nagtiis din si Abraham at naghintay ng buong katiyagaan at "tinanggap ang ipinangako sa Kanya ng Diyos" (Hebreo 6:15). Si Hesus ang ating perpekttong modelo sa lahat ng bagay at ipinakita Niya ang perpektong katiyagaan: "Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos (Hebreo 12:2).

Paano natin maipakikita ang katiyagaan na isa sa mga katangian ni Kristo? Una, pasalamatan natin ang Diyos. Ang karaniwang unang reaksyon ng tao sa mga pagsubok ay "Bakit ako". Ngunit sinasabi ng Bibliya na dapat tayong magalak anuman ang kalooban ng Diyos para sa atin (Filipos 4:4; 1 Pedro 1:6). Ikalawa, hanapin natin ang Kanyang kalooban. Minsan, inilalagay tayo ng Diyos sa mahihirap na sitwasyon upang makapagpatotoo tayo sa Kanyang biyaya. May mga panahon naman na ipinahihintulot Niya ang isang pagsubok upang hubugin ang ating karakter. Kung alam natin na ang Kanyang layunin ay para sa ating ikalalago, maluluwalhati natin Siya sa panahon ng mga pagsubok. Ikatlo, alalahanin natin ang kanyang mga pangako sa Roma 8:28, kung saan sinasabi sa atin na, "Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti" (Roma 8:28). Kasama sa "lahat ng bagay" sa talatang ito ang mga bagay na sumusubok sa ating pasensya.

Sa susunod na maipit ka sa trapiko, ipagkanulo ng isang kaibigan o pagtawanan dahil sa iyong pagiging Kristiyano, paano ka kikilos? Ang normal na reaksyon ay kawalan ng tiyaga na nagdudulot ng stress, galit at kabiguan. Salamat sa Diyos, dahil bilang mga Kristiyano, wala na tayo sa pagkaalipin natin sa "natural na pagtugon" dahil ginawa na tayo ni Hesus na mga bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Mayroon na tayo ng lakas na galing sa Panginoon upang tumugon ng mahinahon at ng may ganap na pagtitiwala sa kapangyarihan at layunin ng ating Ama sa langit. "Ang mga nagpapatuloy ng paggawa ng mabuti sa paghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan" (Roma 2:7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa katiyagaan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries