settings icon
share icon
Tanong

Ako ay isang Romano Katoliko, bakit ko nanaisin na maging isang Kristiyano?

Sagot


Una sa lahat, sana'y maunawaan ninyo na wala kaming masamang intensyon sa katanungang ito. Totoong nakakatanggap kami ng mga katanungan mula sa mga Romano Katoliko gaya ng mga tanong na: "Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng Katoliko at mga Biblikal na Kristiyano?" Sa mga harapang pakikipag usap sa mga Katoliko, literal naming naririnig ang mga pangungusap na gaya ng: "Hindi ako isang Romano Katoliko, isa akong Kristiyano" na tila walang pagkakaiba sa pagiging Romano Katoliko sa pagiging Biblikal na Kristiyano. Ang intensyon ng aming mga artikulo tungkol sa Simbahang Katoliko ay upang mapag-aralan ng mga Romano Katoliko kung ano ang sinasabi ng Bibliya sa pagiging isang Biblikal na Kristiyano, at maaaring maikunsidera nila na hindi ang Romano Katolisismo ang pinakamagandang representasyon ng mga katuruan ng Bibliya. Maaari ninyong basahin ang isang artikulo tungkol sa kahulugan ng Kristiyano sa aming artikulo na may pamagat na "Ano ang isang Kristiyano?"

Ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng Romano Katoliko at mga Biblikal na Kristiyano ay ang kanilang pananaw sa Bibliya. Ayon sa mga Katoliko, ang Bibliya at tradisyon ay may pantay na awtoridad. Ang mga Biblikal na Kristiyano naman ay naniniwala na ang Bibliya lamang ang tanging awtoridad sa pananampalataya at gawaing panrelihiyon, hindi ang tradisyon. Ang tanong ay, paano tinitingnan ng Bibliya ang kanyang sarili? Sinasabi sa atin ng 2 Timoteo 3:16-17, "Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain." Ang Kasulatan, sa ganang kanyang sarili, ay sapat upang ang Kristiyano ay maihanda para sa lahat ng mabubuting gawa. Sinasabi sa atin ng tekstong ito na hindi lamang "pasimula" ang Bibliya o nagtuturo lamang ng mga "panimulang aralin," o "pundasyon ng tradisyon ng simbahan." Sa kabaliktaran, ang Kasulatan ay perpekto at sapat para sa lahat ng katuruan sa pamumuhay Kristiyano. Ang Bibliya ay nagtuturo, nagtutuwid, nagpapabulaan sa maling aral, at nagsasanay. Hindi pinawawalang saysay ng Biblikal na Kristiyano ang kahalagahan ng tradisyon. Sa halip, sinusuri nila ang mga tradisyon kung iyon ay ayon sa malinaw na katuruan ng Bibliya. Kaibigang Katoliko, pagaralan mo ang Salita ng Diyos. Sa Salita ng Diyos, matatagpuan mo ang paglalarawan at intensyon ng Diyos para sa Kanyang Simbahan. Idineklara ng 2 Timoteo 2:15, "Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan."

Ang ikalawang pagkakaiba sa pagitan ng Romano Katoliko at mga Biblikal na Kristiyano ay ang pangunawa kung paano makalalapit ang tao sa Diyos. Lumalapit sa Diyos ang mga Romano Katoliko sa pamamagitan ng mga "padrino", gaya ni Maria at ng mga santo. Ang mga Biblikal na Kristiyano naman na Bibliya lamang ang pinaniniwalaan ay direktang lumalapit sa Diyos at nananalangin sa Diyos lamang at wala ng iba. Sinasabi sa Bibliya na maaari na tayong lumapit sa trono ng biyaya ng Diyos ng may katapangan (Hebreo 4:16). Malinaw na ipinakikita sa atin ng Bibliya na nais ng Diyos na dumalangin tayo sa Kanya, makipagugnayan sa Kanya, at humingi sa Kanya ng ating mga pangangailangan (Filipos 4:6; Mateo 7:7-8; 1 Juan 5:14-15). Hindi na kailangan ang sinumang padrino o tagapamagitan dahil si Kristo lamang ang nag-iisang tao na Tagapamagitan ng tao sa Diyos (1 Timoteo 2:5), at namamagitan din naman para sa atin ang Banal na Espiritu (Roma 8:26-27; Hebreo 7:25). Kaibigang Katoliko, minamahal ka ng Diyos at pinagkalooban ka Niya ng bukas na pinto upang magkaroon ka ng relasyon sa Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo.

Ang ikatlo at pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga Katoliko Romano at mga Biblikal na Kristiyano ay ang isyu ng kaligtasan. Para sa mga Katoliko Romano, ang kaligtasan ay isang proseso sa pamamagitan ng mabubuting gawa ng tao, samantalang pinaniniwalaan naman ng mga Biblikal na Kristiyano na ang kaligtasan ay isang natapos na gawain at isang proseso din naman. Kinikilala ng mga Romano Katoliko na sila ay "inililigtas" pa lamang ng Diyos samantalang pinaniniwalaan naman ng mga Biblikal na Kristiyano na sila ay "iniligtas" na ng Diyos. Sinasabi sa atin ng 1 Corinto 1:2, "Sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal." Ang salitang "pinapaging banal" at "banal" ay mula sa iisang salitang Griyego. Sinasabi ng talatang ito na ang Biblikal na Kristiyano ay pinapaging banal at tinawag upang maging Banal. Ipinapakita ng Bibliya na ang kaligtasan ay isang kaloob na walang bayad na tinatanggap sa sandaling ang isang tao ay maglagak ng kanyang pagtitiwala kay Hesus bilang kanyang Tagapagligtas (Juan 3:16). Nang tanggapin ng isang tao si Hesus bilang Tagapagligtas, siya ay pinawalang sala na (kinilalang walang sala - Roma 5:9), tinubos (iniligtas mula sa pagkaalipin sa kasalanan - 1 Pedro 1:18), ipinakipagkasundo sa Diyos (sa gayon ay nagtamo ng kapayapaan sa Diyos - Roma 5:1), pinapaging banal (ibinukod para sa mga layunin ng Diyos - 1 Corinto 6:11), at isinilang na muli bilang isang bagong nilalang (1 Pedro 1:23; 2 Corinto 5:17). Ang bawat isa sa mga katotohanang ito ay naganap na at tinanggap ng isang tunay na Kristiyano sa oras ng kaligtasan. Ang mga Biblikal na Kristiyano ay tinawag upang mamuhay sa kabanalan (tinawag upang maging banal), bilang pagsasapamuhay sa kabanalan na kanyang tinanggap bilang mananampalataya kay Kristo (pinapaging banal).

Pinaniniwalaan ng mga Romano Katoliko na ang kaligtasan ay tinatanggap sa pamamagitan ng pananampalataya ngunit kailangang panatilihin sa pamamagitan ng mabubuting gawa at pakikiisa mga sakramento ng simbahan. Kinikilala din ng mga Biblikal na Kristiyano ang mabubuting gawa at inaari na tinawag sila ni Kristo upang gumawa ng mabuti hindi upang maligtas. Kinikilala ng mga Kristiyano na ang mabubuting gawa ay resulta lamang ng kaligtasan, hindi kundisyon para sa kaligtasan o kasangkapan upang maingatan ang kaligtasan. Ang kaligtasan ay ginawa na ni Hesus, isang natapos ng gawain na nakakamtan dahil sa ginawang paghahandog ni Kristo ng Kanyang sariling buhay sa Krus (1 Juan 2:2). Iniaalok ng Diyos ang kaligtasan at katiyakan ng kaligtasan at sapat na ang kamatayan ni Hesus para sa ikaliligtas ng sinumang sasampalataya sa Kanya. Kung tinanggap natin ang kaligtasan na kaloob na walang bayad ng Diyos, matitiyak natin ang ating kaligtasan. Idineklara sa 1 Juan 5:13, "Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios."

Malalaman natin na mayroon na tayong buhay na walang hanggan at magkakaroon tayo ng katiyakan ng kaligtasan dahil sa kadakilaan at kasapatan ng handog ni Kristo. Hindi na kailangan pang ulit-ulitin ang paghahandog ni Kristo. Sinasabi sa Hebreo 7:27, "Na hindi nangangailangan araw-araw na maghandog ng hain, na gaya niyaong mga dakilang saserdote una-una'y patungkol sa kaniyang sariling mga kasalanan at saka patungkol sa mga kasalanan ng bayan: sapagka't ito'y ginawa niyang minsan magpakailan man, nang kaniyang ihandog ang kaniyang sarili." Sinabi naman sa Hebreo 10:10, "Sa kaloobang yaon tayo'y pinapaging-banal, sa pamamagitan ng pagkahandog ng katawan ni Cristo na minsan magpakailan man." Sinabi ni Pedro sa 1 Pedro 3:18, "Sapagka't si Cristo man ay nagbata ring minsan dahil sa mga kasalanan" Ang minsang paghahandog ni Hesus ay perpekto at sapat na sa kaligtasan ng sinumang sasampalataya. Sinabi ni Hesus sa krus, "Naganap na" (Juan 19:30). Ang pagtubos ni Hesus sa kasalanan ng tao sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan na sapat na pambayad sa ating mga kasalanan (1 Juan 2:2). Dahil sa Kanyang kamatayan, ang lahat ng ating mga kasalanan ay pinatawad na at pinangakuan tayo ng walang hanggang buhay sa langit sa oras na tanggapin natin ang walang bayad na kaloob na iniaalok sa atin ng Diyos - ang kaligtasan ng ating kaluluwa sa impiyerno sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesu Kristo (Juan 3:16).

Kaibigang Katoliko, nais mo ba ng "napakadakilang kaligtasang" ito (Hebreo 2:6)? Kung oo, ang dapat mong gawin ay tanggapin ito (Juan 1:12), sa pamamagitan ng pananampalataya (Roma 5:1). Mahal ka ng Diyos at iniaalok Niya ang kaligtasan bilang isang kaloob na walang bayad (Juan 3:16). Kung tatanggapin mo ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya, magkakaroon ka ng kaligtasan bilang iyong walang hanggang pag-aari (Efeso 2:8-9). Pagkatapos maligtas ng tao, wala ng anumang makapaghihiwalay sa kanya sa pag-ibig ng Diyos (Roma 8:38-39). Walang makakaagaw sa kanya sa mga kamay ng Diyos (Juan 10:28-29). Kung nagnanais ka ng kaligtasan, kapatawaran sa lahat ng iyong mga kasalanan, magkaroon ng katiyakan ng kaligtasan, at magkaroon ng relasyon sa Diyos na nagmamahal sa iyo — pagsisihan mo ang iyong mga kasalanan, tanggapin mo na wala kang magagawa upang iligtas ang iyong sarili at ang kaligtasan ay mapapasaiyo. Ito ang dahilan ng kamatayan ni Kristo at ipinagkakaloob ito ng Diyos ng walang bayad sa sinumang maglalagak ng tiwala kay Hesus at sa Kanyang ginawang paghahandog para sa kasalanan.

Kung tinanggap mo si Hesus bilang iyong Tagapagligtas sa pamamagitan ng pananampalataya dahil sa iyong nabasa ngayon, hayaan mong malaman namin ang tungkol dito sa pamamagitan ng pagklik sa "tinanggap ko si Kristo ngayon" sa ibaba. Maligayang pagdating sa pamilya ng Diyos. Maligayang pagdating, kaibigang Katoliko sa buhay Kristiyano!

Dahil sa iyong mga nabasa dito, ikaw ba ay nagsisisi na sa iyong mga kasalanan at gumawa ng desisyon upang tanggapin si Kristo? Kung Oo, I-Klick ang "Tinanggap ko si Kristo ngayon" sa kahon sa ibaba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ako ay isang Romano Katoliko, bakit ko nanaisin na maging isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries