settings icon
share icon
Tanong

Katoliko laban sa Protestante - bakit laging may alitan sa pagitan ng dalawang grupo?

Sagot


Ito ay simpleng tanong na may kumplikadong sagot, dahil may iba't ibang antas ang tindi ng alitan sa pagitan ng dalawang grupo. Ang alitang ito ay nag-ugat sa kasaysayan. Ang antas ng reaksyon ay mula sa gaya ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng magkaibigan (na makikita sa maraming mga paguusap sa pagitan ng dalawang grupo ng relihiyon), hanggang sa tahasang paguusig at pagpatay sa mga Protestante sa mga kamay ng Roma. Ang mga doktrina ng Repormasyon na ang Papa diumano ang "halimaw" sa Aklat ng Pahayag at ang Roma ang misteryosong Babilonia ay karaniwan pa rin sa mga Protestante. Malinaw na ang sinumang may ganitong pananaw ay papapaginitin ang Roma sa malao’t madali.

Sa mas mataas na antas, sa kasalukuyan, ang alitan sa pagitan ng dalawang panig ay nagmumula sa kalikasan ng tao kung nahaharap sa mga hindi pagkakasundo sa mga eternal na katotohanan. Tiyak na magaalab ang puso ng sinuman kung malalaking usapin ang nakataya lalo na sa usapin ng pananampalataya. Iniisip ng mga Protestante na nagtuturo ang mga Romano Katoliko ng kaligtasan sa pamamagitan ng gawa. Iniisip naman ng mga Romano Katoliko na nagtuturo ang mga Protestante ng kaligtasan sa pamamagitan ng simpleng pananampalataya na walang gawa na bunga lamang ng bugso ng emosyon o damdamin dahil sa manipulasyon ng mga mangangaral. Pinararatangan ng mga Protestante ang mga Romano Katoliko ng pagsamba kay Maria, samantalang pinararatangan naman ng mga Romano Katoliko ang mga Protestante ng pagiging ignorante sa distinksyon ng Roma sa pagsamba at paggalang sa Diyos at kay Maria. Ang ganitong karikatura sa pagitan ng magkabilang panig ay mahirap pigilan.

Sa likod ng mga hindi pagkakaunawaan sa papel ng pananampalataya at gawa sa kaligtasan, mga sakramento, sa canon ng kasulatan, pagpapari, pananalangin sa mga santo at ang lahat ng isyu tungkol kay Maria, sa Papa at iba pa, ay ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng Romano Katoliko at mga Protestante: ang isyu ng awtoridad. Ang pinanggagalingan ng awtoridad ang dahilan ng lahat ng pagkakaiba pagdating sa isang isyu ng teolohiya. Tungkol sa isang dogma ng Romano Katoliko, wala ng tanong tanong para sa mga Katoliko Romano dahil kung ano ang sinabi ng Papa sa Roma, iyon na ang kanilang paniniwalaan. Ito ang problema kung makikipagtalakayan ka sa isang Romano Katoliko - hindi awtoridad para sa kanila ang Bibliya. Kung masusukol, lagi silang magtatago sa ligtas na lugar ng awtoridad ng mga Romano Katoliko, ang katuruan ng Papa.

Kaya, ang argumento sa pagitan ng isang Protestante at pagiging isang Romano Katoliko ay laging umiikot sa "pribadong interpretasyon" ng Kasulatan laban sa "opisyal na katuruan ng Simbahang Katoliko Romano." Inaangkin ng Romano Katoliko na matagumpay nilang naiwasan ang mga lehitimong problema sa interpretasyon sa pamamagitan ng kanilang pagtitiwala sa tradisyon. Ngunit itutulak lamang nito ang diskusyon paurong. Ang isang Romano Katoliko at isang Protestante sa huli, ay magtitiwala sa kanyang abilidad na mangatwiran (ayon sa kanyang awtoridad) at kakayahan sa pagpapaliwanag (ayon sa kanyang pangunawa sa itinuturo ng kanyang kinikilalang awtoridad) upang maunawaan kung ano ang kanilang pinaniniwalaan.

Ang parehong panig ay maaari ding maging tapat sa pananampalataya ng kanilang pamilya o ng kanilang simbahan na kinalakhan ng walang gaanong kaalaman sa kanilang mga doktrina. Napakaraming posibleng dahilan ng alitan sa pagitan ng dalawang relihiyong ito at habang hindi tayo dapat maghiwalay dahil sa mga hindi mahahalagang isyu, naniniwala ang parehong grupo na dapat na maghiwalay pagdating sa mga pangunahing isyu. Sa kabila nito, maaari tayong pumayag na hindi sumangayon at sumamba sa paraan kung saan tayo nagkakasundo. Pagdating sa Romano Katolisismo at Protestantismo, hindi madaling ipagwalang bahala ang napakalaking pagkakaiba. Gayunman, hindi nito binibigyang lisensya ang mga karikatura o ignoranteng mga argumento. Dapat na sikapin na huwag lumampas sa kung ano lamang ang ipinahayag ng Diyos sa Kanyang Salita.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Katoliko laban sa Protestante - bakit laging may alitan sa pagitan ng dalawang grupo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries