settings icon
share icon
Tanong

Paano nakakapagpalayas ng mga demonyo ang mga Katoliko kung marami sa kanilang mga paniniwala ang hindi naaayon sa Bibliya?

Sagot


Sa mga pelikulang gaya ng The Exorcist at The Exorcism of Emily Rose—na parehong hinalaw sa mga aktwal na mga pangyayari—ang mga demonyo ay pinalayas ng isang paring katoliko. Ito ang dahilan para itanong ng ilan, kung ang mga pagpapalayas na iyon ay totoo, paano iyon magagawa ng mga Katoliko samantalang ang mga Katoliko ay hindi tunay na Kristiyano.

Una sa lahat, ang pangungusap na “ang mga katoliko ay hindi tunay na Kristiyano” ay hindi para sa lahat ng Katoliko. Marami sa mga katuruan ng mga Romano Katoliko ang salungat sa Salita ng Diyos ngunit may mga mananampalataya pa rin sa loob ng Romano Katoliko at marami silang nagagawang mabuti sa mundo. Hindi ang pagiging Romano Katoliko ang dahilan ng pagiging Kristiyano ng isang tao, pero hindi nito nahahadlangan ang isang tao para maging tunay na Kristiyano. Pakibasahin ang mga sumusunod na artikulo: “Ang Romano Katoliko ba ay isang huwad na relihiyon? Ligtas ba ang mga Romano Katoliko? At “Ako ay isang Romano Katoliko, bakit ko nanaisin na maging isang Kristiyano?

Ikalawa, maaring pekein ang mga himala (2 Tesalonica 2:9). Sinabi ni Jesus na ilan sa mga hindi tunay na sa Kanya ang maaari ding makagawa ng mga mahimalang tanda—kabilang ang pagpapalayas ng mga demonyo—sa Kanyang pangalan. Sa Mateo7:22–23 nagbabala si Jesus, “Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, “‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!” Sa Huling Paghuhukom, may mga nagpalayas ng mga demonyo na nag-akala na sila ay ligtas dahil sa kanilang mabubuting gawa. Namuhay sila na parang Kristiyano at nakumbinsi sa ilang mga doktrina ng Kristiyanismo ngunit sa tawag lamang sila Kristiyano. Hindi nila isinuko ang kanilang mga buhay kay Cristo. Sa araw ng paghuhukom, malalaman ng mga nagpapatawag na Kristiyanong ito na hindi sapat ang kanilang panlabas na pagpapakita ng espiritwalidad para makapasok sa langit; gaano man kalaki at karami ang mga himalang kanilang ginawa na hindi gawa ng Banal na Espiritu. Sa kasamaang palad, maraming tao ngayon ang nagtataglay ng mapanganib na pilosopiya na ang mabubuting gawa ng tao ang makakapagligtas sa kanila.

Sa ilang antas, may kapangyarihan si Satanas para mandaya at manggulo. Nakayang gayahin ng mga salamangkero sa korte ng Faraon ang mga himalang ginawa ni Moises (Exodo 7:22; 8:7). Gayunman, may limitasyon sa kayang gawin ng kanilang mahika at nanaig ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang mga panlilinlang (Exodo 7:11–12). Ang pagpapalayas ng mga demonyo ng mga Romano Katoliko ay katulad ng mga “himalang” ito na ginagamit ng mga demonyo para maniwala ang mga tao sa mga doktrina ng Romano Katoliko at “patunayan” ang kapangyarihan ng mga ritwal at anting-anting.

Itinala sa Gawa 19:13–16 ang halimbawa ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo na hindi kilala ang Panginoong Jesus ngunit sinubukang gamitin ang Kanyang kapangyarihan para magpalayas ng mga demonyo: “May ilan sa mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng mga karumal-dumal na espiritu ay nagsimulang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila: Ipinag-uutos namin sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipina­ngangaral ni Pablo. Pitong anak na lalaki ni Esceva na isang Judio at pinunong-saserdote ang gumagawa nito. Sumagot ang masamang espiritu at sinabi sa kanila: Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo. Ngunit sinu-sino kayo? Ang lalaking may karumal-dumal espiritu ay lumundag sa kanila at nagapi sila dahil siya ay higit na malakas kaysa sa kanila. Kaya tumakas sila mula sa bahay na iyon na mga sugatan at mga walang anumang damit.” Ang tunay na kapangyarihan ay hindi sa paggamit ng pangalan ni Jesus, pagwiwisik ng banal na tubig, o paghipo sa kasuotan, kundi sa personal na pagkakilala kay Jesu Cristo.

Totoo ang mga demonyo. Totoo si Satanas. Gayunman, si Satanas ay isang dalubhasang mandaraya at ama ng kasinungalingan (Juan 8:44; 2 Corinto 11:14). Ang kapangyarihan ng demonyo na magpain ng bitag ay hindi kayang malaman ng mga taong walang malay (2 Corinto 2:11; 1 Pedro 5:8). Kung makakatulong sa kanyang layunin na magtago o sumapi sa katawan ng isang tao, maaari din itong gawin ng isang demonyo. Maaaring makisama si Satanas sa isang nagpapalayas ng mga demonyo na hindi Kristiyano para payabangin ang taong iyon at magtiwala sa kanyang kapangyarihan laban sa demonyo. Ang layunin ng ganitong “palabas” ng pagpapalayas ng demonyo ay para lalong lumalim ang paniniwala sa mga lider ng Romano Katoliko ng mga taong humihingi sa kanila ng tulong.

Ang tanging tiyak na kapangyarihan na makakatalo ay Satanas sa lahat ng oras ay ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nananahan sa isang mananampalataya na suot ang buong baluti ng Diyos (Efeso 6:11–17; 2 Corinto 10:4). Habang nagpapasakop tayo sa Diyos, kaya nating “labanan ang Diyablo at tatakasan niya tayo” (Santiago 4:7).


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano nakakapagpalayas ng mga demonyo ang mga Katoliko kung marami sa kanilang mga paniniwala ang hindi naaayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries