Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang paniniwala at mga gawaing panrelihiyon ng mga Katoliko?
Sagot
Ang tamang pamantayan tungkol sa paniniwala at mga gawaing panrelihiyon ay kung ayon baa ng mga iyon sa Bibliya. Kung ang isang katuruan ay naaayon sa Bibliya, iyon ay dapat tanggapin. Ngunit kung hindi, iyon ay dapat tanggihan. Mas nasisiyahan ang Diyos kung ang isang iglesya ay gumagawa ng Kanyang kalooban at sumusunod sa Kanyang mga Salita kaysa kung ang isang iglesya ba ay totoong nagmula kay Hesus at sa mga apostol. Hindi ni Hesus nais na talikdan ng tao ang katotohanan ng Kanyang Salita at sundin ang tradisyon ng mga tao (Markos 7:7). Hindi likas na masama ang tradisyon. Mayroon din namang maganda sa tradisyon. Ngunit muli, ang isyu ay kung ang isa bang doktrina, gawain o tradisyon ay naaayon sa Salita ng Diyos. Ikumpara natin ang katuruan ng Simbahang Katoliko sa mga katuruan ng Salita ng Diyos.
Kaligtasan: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang kaligtasan ay sa pamamagitan ng binyag at napapangalagaan ng tao sa pamamagitan ng mga sakramento maliban na lamang kung ang isang tao ay nakagawa ng isang kasalanan na pumuputol sa kalagayan ng tao sa ilalim ng grasyang nagpapabanal. Itinuturo ng Bibliya na ang kaligtasan ay sa biyaya na tinatanggap ng tao sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9), at ang mabubuting gawa ay resulta lamang ng pagbabago ng puso na dala ng kaligtasan (Efeso 2:10; 2 Corinto 5:17) at bunga ng isang bagong buhay na na kay Kristo (Juan 15).
Katiyakan ng Kaligtasan: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na hindi magagarantiyahan o matitiyak ng tao ang kaligtasan. Ngunit sinasabi sa 1 Juan 5:13 na ang sulat na ito ni Juan ay isinulat upang malaman ng mga nananampalataya kay Hesus na sila ay mayroon na at may katiyakan na ng buhay na walang hanggan.
Mabubuting Gawa: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na maliligtas ang mga Kristiyano sa pamamagitan ng mabubuting gawa (na nagsimula sa binyag) at ang kaligtasan ay maiingatan sa pamamagitan ng mabubuting gawa (sa pagtanggap at pakikibahagi sa mga sakramento, pagkukumpisal sa pari at iba pa). Ngunit sinasabi ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay naligtas sa Biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi dahil sa mabubuting gawa (Tito 3:5; Efeso 2:8-9; Galacia 3:10-11; Roma 3:19-24).
Bawtismo: Ang bawtismo sa Bagong Tipan ay ginagawa lamang sa isang tao pagkatapos niyang manampalataya kay Kristo. Hindi makakapagligtas ang bawtismo; ang pananampalataya sa Ebanghelyo ang kasangkapan ng Diyos para sa kaligtasan ng tao (1 Corinto 1:14-18; Roma 10:13-17). Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang pagbibinyag sa bata ang nagliligtas, isang paniniwala na hindi matatagpuan sa buong Bibliya. Ang tanging posibleng pagbanggit sa binyag sa Bibliya na maaaring gamitin ng Simbahang Katoliko ay ang pagbawtismo sa buong sambahayan ng bantay bilanggo sa Filipos sa Aklat ng mga Gawa 16:33. Gayunman, hindi binabanggit sa teksto na may batang kasamang nabawtismuhan. Idineklara sa Aklat ng mga Gawa 16:31 na ang kaligtasan ay sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Nangaral si Pablo sa buong pamilya ng bantay bilanggo sa talata 32 at nanampalataya ang buong sambahayan (talata 34). Ang mga talatang ito ay sumusuporta lamang sa bawtismo para lamang doon sa sumampalataya, hindi sa pagbibinyag ng mga bata.
Panalangin: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na hindi lamang sa Diyos maaaring manalangin, kundi maaari ding manalangin kay Maria at sa mga santo. Hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ang katuruang ito. Tinuturuan tayo ng Kasulatan na manalangin tanging sa Diyos lamang (Mateo 6:9; Lukas 18:1-7).
Pagpapari: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na mas mataas ang kalagayan ng mga pari kaysa sa mga karaniwang lingkod sa simbahan, samantalang itinuturo naman ng Bibliya na ang lahat ng mananampalataya ay saserdote ng katas-taasang Diyos at pantay pantay sa paningin ng Diyos (1 Pedro 2:9).
Mga Sakramento: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang mga mananampalataya ay nahahawahan ng biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga sakramento gaya ng Huling Hapunan. Ang katuruang ito ay hindi matatagpuan saanman sa Kasulatan.
Pangungumpisal: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang tanging paraan upang mapatawad ang kasalanan ng tao ay sa pamamagitan ng pangungumpisal sa pari. Tinututulan ng Bibliya ang katuruang ito sa halip, itinuturo ng Bibliya na tanging sa Diyos lamang dapat na magsisi ang tao sa kanyang mga nagawang kasalanan (1 Juan 1:9).
Maria: Itinuturo ng Simbahang Katoliko na si Maria ang Reyna ng kalangitan, at nanatili siyang birhen habampanahon, naging tagapamagitan siya sa tao at kay Hesus at umakyat sa Langit. Sa Bibliya, inilalarawan si Maria bilang isang alipin ng Diyos, na naging ina ni Hesus sa laman. Wala sa Bibliya ang anuman sa paglalarawan ng Simbahang Katoliko patungkol kay Maria. Ang ideya na naging kapwa tagapamagitan siya ni Hesus sa Diyos at sa tao ay hindi lamang hindi matatagpuan sa Bibliya kundi salungat sa itinuturo ng Bibliya. Sinasabi sa Aklat ng mga Gawa 4:12 na si Hesus lamang ang tanging Tagapagligtas at Manunubos. Ipinroklama sa 1 Timoteo 2:5 na si Hesus lamang ang tanging Tagapamagitan sa Diyos at sa tao. Marami pang mga halimbawa ang maaaring banggitin. Ang mga katuruang nabanggit sa artikulong ito ay sapat na upang malaman na hindi ayon sa Bibliya ang marami sa katuruan ng Katolisismo.
May mga tradisyon at gawain ng bawat denominasyon na hindi ayon sa itinuturo ng Bibliya. Ito ang dahilan kung bakit nararapat na ang Bibliya lamang ang dapat na maging pamantayan sa pananampalataya at gawaing Kristiyano. Laging totoo at mapagkakatiwalaan ang Salita ng Diyos. Ngunit hindi masasabi ang ganito sa mga tradisyon ng Simbahang Katoliko. Ang ating pamantayan ay dapat na "Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?" (Roma 4:3; Galacia 4:30; Gawa 17:10). Idineklara ni Apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:16-17, "Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain."
English
Naaayon ba sa Bibliya ang paniniwala at mga gawaing panrelihiyon ng mga Katoliko?