settings icon
share icon
Tanong

Ang Romano Katolisismo ba ay isang huwad na relihiyon? Ang mga Romano Katoliko ba ay ligtas?

Sagot


Ang pinakamalaking problema sa Romano Katolisismo ay ang katuruan na hindi sapat ang pananampalataya kay Hesu Kristo para maligtas ang tao. Malinaw at paulit ulit na itinuturo sa Bibliya na ang pagtanggap kay Hesus bilang Tagapagligtas, sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya, ang susi sa kaligtasan. (Juan 1:12; 3:16, 18, 36; Gawa 16:31; Roma 10:9-10, 13; Efeso 2:8-9). Tinututulan ito ng simbahang Katoliko. Ang opisyal na posisyon ng Simbahang Katoliko ay kailangang maniwala ang tao kay Kristo AT magpabinyag AT tumanggap ng kumunyon at ng iba pang sakramento AT sundin ang mga katuruan ng simbahan AT gumawa ng mabubuting gawa AT kailangang hindi sila makagawa ng kasalanang mortal AT marami pang iba. Ang pagtanggi ng Simbahang Katoliko sa katuruan ng Bibliya sa isyu ng kaligtasan ay nagangahulugan na ang Romano Katolisismo ay isang huwad na relihiyon. Kung naniniwala ang isang tao sa lahat ng itinuturo ng Simbahang Katoliko, hindi siya maliligtas. Anumang doktrina na nag-aangkin na kailangang idagdag ang mga gawa at mga ritwal sa pananampalataya upang maligtas ay tahasang pagtanggi sa kasapatan ng kamatayan ni Hesus para sa kaligtasan ng sinumang sumasampalataya.

Habang isang pangunahing isyu ang katuruan ng kaligtasan, kung ikukumpara ang iba pang katuruan ng Simbahang Katoliko sa Salita ng Diyos, napakarami pang mga pagkakaiba at pagkakasalungatan. Itinuturo ng Simbahang Katoliko ang maraming doktrina na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Kabilang sa mga ito ang pagsasalin ng pagkaapostol ng mga Papa mula kay Pedro, ang pagsamba kay Maria at mga santo, pananalangin kay Maria at sa mga santo, ang pagkakaroon ng Papa, ang pagbibinyag o "pagpapaging Kristiyano" sa bata, ang pagiging tunay na laman at dugo ng tinapay at ng alak tuwing kumunyon, ang pagbibigay sa simbahan para sa ikatutubos ng kaluluwa sa purgatoryo, at ang mga sakramento. Habang sinasabi ng Simbahang Katoliko na may batayan ang mga turong ito sa Bibliya, wala isa man sa mga katuruang ito ang malinaw na makikita sa Kasulatan. Ang mga konseptong ito ay base lamang sa tradisyon, hindi ayon sa Salita ng Diyos. Ang totoo, ang lahat ng mga katuruang ito ay sumasalungat sa mga katuruan at prinsipyo ng Bibliya.

Tungkol, sa katanungan kung "ligtas" ba ang mga Katoliko?, isa itong tanong na mas mahirap sagutin. Imposible na makagpagbigay ng isang pangkalahatang pahayag tungkol sa kaligtasan ng lahat ng miyembro ng Simbahang Katoliko o ng kahit anong denominasyon ng Kristiyanismo. Hindi LAHAT ng mga Baptists ay ligtas. Hindi LAHAT ng mga Presbyterians ay ligtas. Hindi lahat ng mga Lutherans ay ligtas. Ang kaligtasan ay nakakamit sa pamamagitan ng personal na pananampalataya kay Hesus LAMANG hindi sa pamamagitan ng titulo o ng denominasyong kinaaniban. Naniniwala kami na maaaring may mga tunay na mananampalataya na dumadalo sa mga Simbahang Katoliko. Maraming mga Romano Katoliko ang tunay na naglagak ng kanilang pananampalataya kay Hesus para sa kanilang kaligtasan. Gayunman, ang mga Katolikong Kristiyanong ito ay mga tunay na mananampalataya sa kabila ng mga maling itinuturo ng Simbahang Katoliko, hindi dahil sa mga maling itinuturo nito. Sa iba't ibang antas, itinuturo ng Simbahang Katoliko ang Bibliya at itinuturo din kahit papaano sa mga tao na si Hesus ang Tagapagligtas. Dahil dito, minsan, may mga taong naliligtas sa loob ng Simbahang Katoliko. May bunga ang Salita ng Diyos sa buhay ng tao kahit sa paanong paraan ito ipinapahayag (Isaias 55:11). Nananatili ang mga Kristiyanong Katoliko sa simbahan dahilan minsan sa kanilang kawalan ng malaking kaalaman sa kung ano ba talaga ang itinuturo ng Simbahang Katoliko. Minsan naman ay dahil sa ito ang tradisyon ng pamilya, o kaya nama'y dahil sa impluwensya ng mga kapamilya, kamag anak o kaibigan, o kaya naman ay dahil nais nilang akayin ang ibang mga Romano Katoliko para kay Kristo.

Ngunit isa ang tiyak, ang isang taong nakakaalam ng katotohanan tungkol sa mga maling katuruan ng simbahang Katoliko ay hindi maaaring manatili habambuhay sa loob ng Simbahang Katoliko. Tiyak na darating ang panahon na kailangan niyang magpasya at lisanin ang Simbahan alang-alang sa katotohanan.

Inilalayo ng Simbahang Katoliko ang napakaraming tao sa tunay na pananampalataya kay Kristo. Ang mga gawain at paniniwala na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya ay laging ginagamit ng mga kaaway ni Kristo upang mamusong sa Diyos. Hindi ang Romano Katolisismo ang relihiyong itinayo ni Hesus. Hindi rin ito ang iglesya na ayon sa katuruan ng mga apostol (gaya ng inilarawan sa Aklat ng mga Gawa at ng mga sulat ng mga apostol sa Bagong Tipan). Habang ang mga Salita ni Hesus sa Markos 7:9 ay sinabi para sa mga Pariseo, angkop na angkop ang mga pananalitang ito para sa Simbahang Katoliko, "Sinabi pa ni Hesus, "Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamang ninyo ang mga turong minana ninyo!"

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang Romano Katolisismo ba ay isang huwad na relihiyon? Ang mga Romano Katoliko ba ay ligtas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries