settings icon
share icon
Tanong

Bakit napakahalaga ng katotohanan tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo?

video
Sagot


Ang pagkabuhay na muli ni Hesus ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan, sapagkat nagbibigay ito ng hindi mapapabulaanang katunayan kung sino si Hesus gaya ng Kanyang sinasabi tungkol sa Kanyang sarili – na Siya ang Anak ng Diyos. Hindi lamang pinakamatibay na patunay ng Kanyang pagka-Diyos ang muli Niyang pagkabuhay; pinatototohanan din nito ang Kasulatan, na una ng nagpahayag ng Kanyang pagparito at muling pagkabuhay. Dagdag pa rito, pinatotohanan nito ang mga pahayag ni Kristo ng Kanyang muling pagkabuhay sa ikatlong araw (Juan 2:19-21; Marcos 8:31; 9:31; 10:34). Kung hindi nabuhay na mag-uli si Kristo, wala tayong pag-asa (1 Corinto 15:13, 16). Ang totoo, kung walang muling pagkabuhay ni Kristo, wala tayong Tagapagligtas, walang kaligtasan, at walang pag-asa sa buhay na walang hanggan. Tulad ng sinabi ni Apostol Pablo, magiging “walang kabuluhan” ang ating pananampalataya at ang kapangyarihan ng Ebanghelyo ay mawawalan ng saysay.



Dahil nakasalig sa makasaysayang katotohanang ito ang ating patutunguhan sa kabilang-buhay, ang muling pagkabuhay ni Hesus ang inaasinta ng mga pagtuligsa ni Satanas laban sa Iglesya. Kaya naman, sinuri at siniyasat ang bawat anggulo at pinag-aralan ito nang walang tigil ng hindi mabilang na mga iskolar, teologo, maestro, at iba pa sa loob ng maraming siglo. At kahit na maraming teorya ang nagpapabulaan sa napakadakilang pangyayaring ito sa kasaysayan, wala alinman sa mga ito ang mabisang magagamit laban sa muling pagkabuhay ni Kristo. Sa kabilang banda, napakaraming malalakas at kapanipaniwalang mga ebidensya na makapagpapatunay sa muling pagkabuhay ni Kristo.

Gayunman, mula sa panahon ng mga Kristyano sa sinaunang Corinto hanggang sa ngayon, nananatili ang mga maling pangunawa kaugnay ng muling pagkabuhay ng Tagapagligtas. Itinatanong ng ilan, bakit mahalaga ang pagkabuhay na mag-uli ni Kristo? Hindi ba't maaari namang ang Kanyang pagkabuhay na muli ay sa espiritu lamang? Bakit at paanong ang muling pagkabuhay ni Hesu-Kristo ay kasiguraduhan ng muling pagkabuhay ng mga mananampalataya? Tulad rin kaya ng anyo ng ating katawang lupa ang anyo ng ating katawan na bubuhaying muli? Kung hindi, ano kaya ang kanilang itsura? Matatagpuan ang mga sagot sa mga tanong na ito sa ikalabinlimang kabanata ng unang sulat ni Pablo sa Corinto, isang Iglesya na naitatag ilang taon bago ang kanyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero.

Bukod sa lumalaking alitan sa bagong Iglesya sa Corinto, mayroon ding lumalaganap na maling pagkaunawa sa ilang mahahalagang doktrina, kasama rito ang muling pagkabuhay ni Hesus. Kahit na marami sa mga taga-Corinto ang tumanggap sa katotohanang nabuhay na muli si Kristo (1 Corinto 15:1, 11), mayroon pa ring kahirapan sa paniniwala na ang iba ay maaari ding mabuhay na muli. Ang impluwensya ng pilosopiya ng mga gnostic na nagtuturo na mabuti ang lahat ng bagay na espiritwal at masama naman ang lahat na pisikal, kabilang ang ating katawan, ang dahilan ng kanilang pagkalito tungkol sa sarili nilang pagkabuhay na muli. Malakas ang pagtutol ng ilan at sinisigurado ng mga pilosopong Griyego ng panahong iyon na kasuklam-suklam ang pagkabuhay na mag-uli ng mga bangkay (Gawa 17:32).

Tangi sa rito, nauunawaan ng karamihan ng mga taga-Corinto na sa pisikal na katawan ang muling pagkabuhay ni Hesus at hindi sa espiritu lamang. Isa pa, “pagkabuhay mula sa mga patay” ang kahulugan ng salitang pagkabuhay. Nauunawaan nila na imortal ang lahat ng kaluluwa at magbabalik kaagad sa Panginoon sa oras ng kamatayan (2 Corinto 5:8). Kaya naman, magiging walang kabuluhan ang muling pagkabuhay sa “espiritu” lamang, dahil hindi namamatay ang espiritu at sa gayon ay hindi na kailangang buhayin muli. Bukod pa rito, nalalaman nila na ang Kasulatan, at si Kristo mismo, ang nagsabi na mabubuhay na muli ang Kanyang katawan sa ikatlong araw. Malinaw ding sinabi ng Kasulatan na hindi makakakita ng kabulukan ang katawan ni Kristo (Awit 16:10; Gawa 2:27), isang pahayag na mawawalan ng kabuluhan kung ang Kanyang katawan ay hindi nabuhay na mag-uli. At panghuli, sinabi ni Kristo sa Kanyang mga disipulo na ang katawan Niya ang nabuhay na mag-uli, “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:39).

Subalit muli, ang kanilang personal na pagkabuhay na mag-uli ang inaalala ng mga taga-Corinto. Kaya, hinikayat ni Pablo ang mga taga-Corinto na dahil nabuhay si Kristo mula sa mga patay, darating din ang araw na muli rin silang mabubuhay mula sa mga patay, at ang dalawang pagkabuhay na mag-uling iyon - kay Kristo at sa atin - ay may kaugnayan sa isa't-isa, sapagkat “Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo” (1 Corinto 15:13).

“Datapuwa't si Cristo nga'y muling binuhay sa mga patay na siya ay naging pangunahing bunga ng nangatutulog. Sapagka't yamang sa pamamagitan ng tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din naman ng tao'y dumating ang pagkabuhay na maguli sa mga patay. Sapagka't kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin” (1 Corinto 15:20-22).

Nang mabuhay na muli si Hesu-Kristo, Siya ang naging “panganay” ng lahat ng mga bubuhaying muli (tingnan sa Colosas 1:18). Hindi inaani ng mga Israelita ang mga bunga ng kanilang paggapas hangga't hindi nila nadadala ang kanilang pinakaunang bunga sa mga saserdote bilang handog nila sa Panginoon (Levitico 23:10). Ito ang sinasabi ni Pablo sa 1 Corinto 15:20-22; Naging “pinakaunang bunga” ng “paggapas ng mga nangatutulog ang muling pagkabuhay ni Hesus. Ginagamit ni Pablo ang pangungusap na “pinakaunang bunga” bilang pahiwatig ng anuman na may kasunod, at ito ang mga taga-sunod ni Kristo - ang lahat ng “inani.” Ganito binigyang kasiguraduhan ng pagkabuhay ni Kristo ang sa atin. Totoo nga, ang kasunod ng Kanyang pagkabuhay nag-uli ay ang ating pagkabuhay na mag-uli.

Nawala ang kanilang mga pag-aalala tungkol sa espiritu at sa itinuturing na masamang katawan ng ipinaliwanag sa kanila ni Pablo ang katangian ng ating mga katawang binuhay na mag-uli, kung ano ang ipinagkaiba nito sa ating katawang panlupa. Inihalintulad ni Pablo ang ating mga namamatay na katawang panlupa sa isang “binhi” at magkakaloob ang Diyos ng panibagong katawan (1 Corinto 15:37-38) na magiging katulad ng maluwalhating katawan ni Kristo na muling binuhay (1 Corinto 15:49; Filipos 4:21). Totoo nga, isang araw, katulad ng sa ating Panginoon, magiging walang kasiraan, may kaluwalhatian, may kapangyarihan, at katawang ukol sa espiritu ang ating mga katawang may kamatayan, kasiraan, kahinaan, at katawang ukol sa laman (1 Corinto 15:42-44). Magiging ganap at handa ang ating mga espiritwal na katawan para sa buhay na walang hanggan sa kalangitan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit napakahalaga ng katotohanan tungkol sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries