Tanong
Ano ang katuwiran?
Sagot
Pinakahuluganan ng mga diksyunaryo ang katuwiran na “paguugali na masasabing moral o tama.” Ang ganitong paguugali ay nakikilala sa pamamagitan ng mga tinatanggap na pamantayan sa moralidad, katarungan, kabutihan, o katapatan. Ang pamantayan ng Bibliya sa katuwiran ng tao ay ang sariling kabanalan ng Diyos sa kanyang bawat katangian, bawat saloobin, bawat gawa, at bawat salita. Kaya nga ang mga Kautusan ng Diyos ay ibinigay sa Bibliya na parehong naglalarawan sa Kanyang sariling karakter at binubuo ng Kanyang pamantayan kung saan Niya sinusukat ang katuwiran ng tao.
Ang salitang ginamit sa Bagong Tipan sa saling Griego para sa salitang “katuwiran” ay pangunahing naglalarawan sa asal ng isang tao sa kanyang pakikipagrelasyon sa iba lalo’t higit sa kanyang pagkilala sa karapatan ng ibang tao sa negosyo, sa mga legal na usapin, na naguugat sa kanyang relasyon sa Diyos. Ito ay ikinukumpara sa kasamaan, asal ng isang taong dahilan sa pagiging makasarali ay hindi gumagalang sa Diyos o nirerespeto ang kapwa tao. Inilalarawan sa Bibliya ang isang matuwid na tao bilang matuwid at nananangan sa Diyos at nagtitiwala sa Kanya (Awit 33:18–22).
Ang masamang balita ay ang tunay at perpektong katuwiran ay hindi posibleng makamtan ng tao sa kanyang sariling gawa; ang pamantayan ng Diyos ay napakataas. Ang mabuting balita ay ang tunay na katuwiran ay posible para sa sangkatuhan, ngunit tanging sa paglilinis ng Kasalanan sa pamamagitan ng Panginoong Jesu Cristo at sa pananahan ng Banal na Espiritu. Wala tayong kakayahan na magkamit ng katuwiran sa ating sarili. Ngunit nagtataglay ang mga Kristiyano ng katuwiran ni Cristo, “Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos” (2 Corinto 5:21). Ito ay isang kahanga-hangang katotohanan. Doon sa krus, pinalitan ni Jesus ang ating kasalanan ng Kanyang perpektong katuwiran upang makatayo tayo isang araw sa harapan ng Diyos at hindi Niya makikita sa atin ang ating kasalanan kundi ang banal na katuwiran ng panginoong Jesus.
Nangangahulugan ito na tayo ay ginawang matuwid sa harapan ng Diyos; na ang ibig sabihin ay tinatanggap tayo bilang banal at itinuturing tayong matuwid ng Diyos dahil sa ginawa ng Panginoong Jesus. Ginawa Siyang kasalanan; ginawa tayong katuwiran. Doon sa krus, itinuring si Jesus na parang Siya ay isang makasalanan, bagama’t Siya ay perpektong banal at dalisay samantalang tayo naman ay itinuring na matuwid, bagamat tayo ay marumi at masama. Dahil sa pagtitiis ni Jesus para sa atin, tayo ay itinuturing na nakasunod sa lahat ng kautusan ng Diyos at hindi kailanman nagkasala o napailalaim sa kaparusahan. Tumanggap tayo ng napakahalagang kaloob ng katuwiran mula sa Diyos ng lahat ng habag at biyaya. Sa kanya ang Kapurihan!
English
Ano ang katuwiran?