Tanong
Ano ang layunin ng Kautusan ni Moises?
Sagot
Ang Kautusan ni Moises ay partikular na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel (Exodo 19; Levitico 26:46; Roma 9:4). Ito ay binubuo ng tatlong bahagi: Ang Sampung Utos, mga ordinansa, at ang sistema ng pagsamba na kinapapalooban ng mga saserdote, ng tabernakulo, ng mga handog, at ng mga kapistahan (Exodo 20—40; Levitico 1—7; 23). Ang layunin ng Kautusan ni Moises ay upang ganapin ang mga sumusunod:
(1) Ipakita ang banal na katangian ng walang hanggang Diyos sa bansang Israel (Levitico 19:2; 20:7–8).
(2) Ibukod ang bansang Israel mula sa ibang mga bansa (Exodo 19:5).
(3) Ipakita ang pagiging makasalanan ng tao (cf. Galacia 3:19). Bagama’t ang Kautusan ay mabuti at banal (Roma 7:12), hindi ito nagkaloob ng kaligtasan para sa bansang Israel. “Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala” (Roma 3:20; cf. Gawa 13:38–39).
(4) Magkaloob ng kapatawaran sa pamamagitan ng paghahandog (Levitico 1—7) para sa mga taong nanalig sa Panginoon mula sa bansang Israel.
(5) Magkaloob ng paraan ng pagsamba para sa komunidad ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga taunang kapistahan (Levitico 23).
(6) Magkaloob ng direksyon para sa pisikal at espiritwal na kalusugan ng bansang Israel (Exodo 21—23; Deuteronomio 6:4–19; Awit 119:97–104).
(7) Para makita ng mga tao, pagkatapos na dumating si Cristo, na hindi nila kayang sundin ang Kautusan kundi kinakailangan nilang tanggapin si Cristo bilang kanilang Tagapaglgitas, dahil ginanap Niya ang Kautusan sa pamamagitan ng Kanyang buhay at binayaran ang parusa ng ating mga pagsuway sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na mag-uli (Galacia 3:24; Roma 10:4). Nagtataglay ang mga mananampalataya kay Cristo ng katuwiran ng Kautusan na Kanyang ginanap habang sumusunod sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa kanya (Roma 8:4).
Magtitiwala ka ba sa iyong sarili para ganapin ang lahat ng Kautusan sa lahat ng panahon (na hindi mo kayang gawin)?” O “Magsisisi ka sa iyong mga kasalanan at tatanggapin si Jesus bilang iyongTagapagligtas, at uunawain na ginanap na Niya ang lahat ng Kautusan upang magbayad para sa iyong pagsuway sa Kautusan?” Nasa iyo ang desisyon.
English
Ano ang layunin ng Kautusan ni Moises?