settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagkakaiba sa kautusang pangseremonya, kautusang moral, at panghudikatura/kautusang sibil sa Lumang Tipan?

Sagot


Ang kautusang ibinigay ng Diyos kay Moises ay isang komprehensibong talaan ng pamantayan para tiyakin na ang pamumuhay ng mga Israelita ay sumasalamin sa kanilang kalagayan bilang isang bayang hinirang ng Diyos. Nasasaklaw nito ang pamantayan sa moralidad ng tao, ang kanilang posisyon bilang makadiyos na halimbawa sa ibang bansa, at ang sistematikong proseso para sa pagkilala sa kabanalan ng Diyos at sa pagiging makasalanan ng sangkatauhan. Sa pagtatangka na mas maunawaan ang layunin ng mga kautusang ito, binigyan ito ng kategorya ng mga Judio at ng mga Kristiyano. Nagbunga ito sa pagkakaiba sa pagitan ng kautusang pangseremonya, kautusang moral at kautusang panghudikatura/kautusang sibil.

Kautusang Moral
Ang kautusang moral o mishpatim ay may kaugnayan sa hustisya at hatol ng Diyos at laging isinasalin sa salitang "mga ordinansa." Sinasabing ang mga Mishpatim ay dapat na naaayon sa banal na kalikasan ng Diyos. Dahil dito, ang mga ordinansa ay banal, makatarungan, at hindi nagbabago. Ang kanilang layunin ay para sa pagsusulong ng kapakanan ng mga sumusunod dito. Ang kahalagahan ng mga kautusan ay itinuturing na maliwanag gamit ang katwiran at sentido komon. Saklaw ng moral na kautusan ang mga alituntunin sa hustisya, paggalang, at paguugaling sekswal, at kasama sa mga ito ang Sampung Utos ng Diyos. Saklaw din nito ang mga kaparusahan para sa pagsuway sa mga alituntunin. Hindi itinuturo ng kautusang moral ang mga tao kay Cristo; sa halip, ipinaliliwanag lamang nito ang makasalanang kalagayan ng buong sangkatauhan.

Nahahati ang mga makabagong Protestante sa paglalapat ng mishpatim sa panahon ng iglesya. May ilang naniniwala na ang paggigiit ni Jesus na mananatiling may bisa ang kautusan hanggang sa "maglaho ang langit at ang lupa" (Mateo 5:18) ay nangangahulugan na nakatali pa rin dito ang mga mananampalataya. Gayunman, may iba namang ang pangunawa ay ginanap na ni Jesus ang mga hinihinging kundisyon ng kautusan (Mateo 5:17), at nasa ilalim na tayo ng kautusan ni Cristo (Galatia 6:2), na ipinapalagay na "ibigin ang Diyos at ibigin ang kapwa" (Mateo 22:36-40). Bagama't marami sa mga kautusang moral sa Lumang Tipan ay nagbibigay ng napakahusay na halimbawa kung paano iibigin ang Diyos at ang kapwa, at ang kalayaan mula sa kautusan ay hindi isang lisensya para magkasala (Roma 6:15), hindi na tayo partikular na nakatali sa mishpatim.

Kautusang Pangseremonya
Ang mga kautusang pangseremonya ay tinatawag na hukkim o chuqqah sa Hebreo, na literal na nangangahulugang "kaugalian ng bansa"; at ang mga salita ay laging isinasalin sa salitang "mga batas." Ang mga kautusang ito ay nakatuon sa atensyon ng tao sa Diyos. Isinasama nila ang mga alituntunin sa pagpapanumbalik sa tamang katayuan sa harap ng Diyos (halimbawa: mga handog na susunugin at iba pang mga seremonya patungkol sa karumihan), sa pag-alala sa mga ginawa ng Diyos sa Israel (halimbawa: mga kapistahan), mga regulasyon para malaman ang pagkakaiba ng mga Israelita sa mga paganong bansa sa kanilang palibot (halimbawa: mga bawal na pagkain at pananamit), at mga tanda na nagtuturo sa tao sa paparating na tagapagligtas o Mesiyas (halimbawa: Sabbath, pagtutuli, Paskuwa, at ang pagtubos sa panganay). May mga Judio na hindi naniniwala na permanente ang mga kautusang pangseremonya. Pinaniniwalaan nila na habang nagbabago ang mga sosyedad, nagbabago din ang inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod kung paano sila makikipagrelasyon sa Kanya. Ang pananaw na ito ay hindi ipinapahiwatig sa Bibliya.

Ang mga Kristiyano ay hindi nakatali sa kautusang pangseremonya. Dahil ang iglesya ay hindi bansang Israel, ang mga kapistahan gaya ng Pista ng mga Linggo at Pista ng Paskuwa ay hindi naaangkop para sa iglesya. Ipinapaliwanag sa Galatia 3:23-25 na mula ng dumating si Jesus, hindi na kinakailangan para sa mga Kristiyano na magpatuli o maghandog ng mga hayop na susunugin. May pagtatalo pa rin sa mga Protestanteng iglesya patungkol sa Sabbath (pagsamba tuwing araw ng Sabado). May nagsasabi na ang pagsamba sa araw ng Sabbath ay kasali sa Sampung Utos ng Diyos kaya ito ay isang kautusang moral. May iba naman na ginagamit ang Colosas 2:16-17 at Roma 14:5 para ipaliwanag na ginanap na ni Jesus ang Sabbath at Siya na ang ating Sabbath ng kapahingahan. Gaya ng sinasabi sa Roma 14:5, "Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito." Ang pagiging naangkop ng utos sa Lumang Tipan sa buhay ng mga Kristiyano ay laging may kaugnayan sa pagiging kagamit-gamit nito para sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa. Kung nadarama ng sinuman na ang pagdiriwang ng Sabbath ay nakatutulong sa kanya para magampanan ito, malaya siyang gawin iyon.

Kautusang Panghudikatura/Kautusang Sibil
Idinagdag ng The Westminster Confession ang kategorya ng kautusang panghudikatura o kautusang sibil. Ang mga kautusang ito ay partikular na ibinigay para sa kultura at panahon ng mga Israelita at nasasaklaw ang lahat ng kautusang moral maliban sa Sampung Utos. Kasama sa kautusang ito ang lahat ng kautusan mula sa pagpatay hanggang sa pagbabayad ng may-ari para sa sinuwag ng kanyang baka at sa pananagutan ng isang tao na iligtas ang asno ng kapitbahay na nahulog sa hukay (Exodo 21:12-36). Dahil hindi nakikita ng mga Judio ang pagkakaiba sa kanilang moralidad na ibinigay ng Diyos at sa kanilang responsibilidad sa kultura, higit na ginagamit ang kategoryang ito ng mga Kristiyano kaysa ng mga iskolar na Judio.

Ang paghahati sa kautusan ng mga Judio sa iba't ibang kategorya ay ginawa ng tao at idinisenyo para mas maunawaan ang kalikasan ng Diyos at matukoy kung aling mga kautusan ang dapat pa ring sundin ng mga Kristiyano sa panahon ng iglesya. Marami ang naniniwala na hindi na naaangkop para sa mga Krsitiyano ang mga kautusang pangseremonya, ngunit nakatali pa rin tayo sa Sampung Utos ng Diyos. Ang lahat ng kautusan ay kagamit-gamit para sa pagtuturo (2 Timoteo 3:16), at walang anumang pahiwatig sa Bibliya na intensyon ng Diyos na magkaroon ng distinksyon o kategorya sa Kanyang kautusan. Wala na sa ilalim ng kautusan ang mga Kristiyano (Roma 10:4). Ginanap ni Jesus ang kautusan, kaya nga pinawalang bisa na niya ang pagkakaiba sa pagitan ng mga Judio at mga Hentil, "Pinawalang-bisa niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan" (Efeso 2:15-16).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagkakaiba sa kautusang pangseremonya, kautusang moral, at panghudikatura/kautusang sibil sa Lumang Tipan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries