Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kawalang katarungan?
Sagot
Maraming mga pahayag sa Bibliya tungkol sa kawalan ng katarungan. Alam natin na pabor ang Diyos sa katarungan at alam natin na salungat Siya sa kawalan ng katarungan, kahit na sa mga pinakasimpleng sitwasyon. Ayon sa manunulat ng Kawikaan: "Ang katarungan ang pundasyon ng trono ng Diyos" (Awit 89:14) at hindi pinahihintulutan ng Diyos ang may pinapanigan, kahit na ang pinag-uusapan ay tungkol sa timbangan o isang hindi makatarungang legal na sistema (Levitico 19:15; Santiago 2:8-9). Maraming iba pang mga pahayag sa Luma at Bagong Tipan ang magbibigay sa atin ng ideya na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang kawalan ng katarungan (2 Cronica 19:7; Job 6:29; 11:14; Kawikaan 16:8; Ezekiel 18:24; Roma 9:14).
Nabuhay si Isaias sa panahon kung kailan nagsusumikap ang Juda sa kabila ng kawalan ng katarungan. "Itinakwil namin ang katarungan at lumayo kami sa katuwiran. Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan, at hindi makapanaig ang katapatan. Hindi matagpuan ang katotohanan, kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan (Isaias 59:14–15). Simple ang mensahe sa kanila ng Diyos, "Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda" (Isaias 1:17). Pagkatapos, sinabi sa kanila ng Diyos, "Palayain ninyo ang mga inaapi" (Isaias 58:6; Awit 82:3), na nagpapahiwatig na ang kawalan ng katarungan ay isang anyo ng pangaalipin at pangaapi.
Sa aklat ni Santiago, mas maiintindihan natin ang nilalaman ng puso ng Diyos tungkol sa kawalan ng katarungan. Hindi makitid ang isip at hindi mapagparusa ang Diyos. Hindi Niya pinahahalagahan ang katarungan para lamang sa kapakanan ng pagkakaroon ng kaayusan. May iba pang mas malalim na paksa na dapat pag-usapan. Sa ikalawang kabanata ng aklat ni Santiago, makikita natin ang mga pahayag ng Diyos sa mga taong may pinapanigan. Nagsalita si Santiago sa isang grupo ng mga mananampalataya na hinahatulan ang mga tao sa kanilang mga pagtitipon ayon sa kanilang antas sa lipunan. Sa puso ng tao, ang kawalan ng katarungan ay tanda ng taong may pinapanigan, pagiging mapanghusga at kawalan ng pag-ibig. Kung magsusumikap tayo na maging matuwid ayon sa ating sariling sukatan, nakakalimutan natin ang sukatan ng Diyos: ang kasakdalan. Para sa Diyos, ang anumang mas mababa sa kasakdalan ay katulad ng isang sirang timbangan.
Dahil sa pagbagsak ng tao sa kasalanan, lahat ng tao ay hindi makatarungan. Gumagawa tayo ng mga hindi kaaya-ayang bagay. Nakakagawa tayo ng kamalian, minsa'y mainit at minsa'y malamig, at may mga bagay tayong ginagawa at sinasabi na ganap na magkasalungat. Ayon kay Santiago, "Tayong lahat ay malimit na magkamali" (Santiago 3:2). Laganap ang kawalan ng katarungan sa ating buhay. Hindi makatarungan ang ating panghuhusga sa iba at ginagamitan natin sila ng isang pamantayan na hindi din naman natin kayang abutin sa ating mga sarili.
Ang tanging paraan upang matakasan ang kawalan ng katarungan ay tanggapin na ganap na makatarungan ang Diyos at likas na hindi makatarungan at hindi perpekto ang tao at tanggapin ang katuwiran ng Diyos (1 Juan 1:5–9). Sa oras lamang na hindi na tayo nagtitiwala sa ating mga sarilig katuwiran saka lamang tayo makakapagtiwala sa Diyos na nagpapawalang-sala sa masasama (Roma 4:5). Pagkatapos, bilang mga anak ng Diyos, malinaw nating makikita kung paano natin lalabanan ang kawalan ng katarungan sa ating paligid ng may mahabaging kalooban (Mikas 6:8; Santiago 1:27).
Ganap na matuwid si Jesus, at ni walang anumang bakas ng anumang kawalan ng katarungan sa Kanya. Dahil sa Kanyang kabanalan, kaya ni Jesus magkaloob ng tunay na katarungan. Sa katotohanan, "Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol (Juan 5:22). Inaabangan natin ang panahon kung kailan ang katuwiran at katarungan ang umiiral at mawawala na ang kawalang katarungan magpakailanman: "Magiging malawak ang kanyang kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian. Itatatag niya ito at pamamahalaan na may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat (Isaias 9:7).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kawalang katarungan?