Tanong
Ano ang Kenosis? Ano ang ibig sabihin na hinubad ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos?
Sagot
Ang salitang “kenosis” ay nagmula sa salitang Griyego para sa doktrina ng paghubad ni Kristo sa Kanyang pagka-Diyos ng Siya'y magkatawang tao. Ang kenosis ay pagtanggi sa sarili, hindi ang pagalis ng Kanyang pagka-Diyos mula sa Kanyang sarili o pagpalit ng Kanyang pagka-Diyos sa pagiging tao. Sinasabi sa atin sa Filipos 2:7, “Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao.” Hindi si Hesus tumigil sa pagiging Diyos noong nagministeryo Siya sa lupa. Ngunit iniwan Niya ang Kanyang kaluwalhatian sa langit at ang Kanyang katayuan kasama ng Diyos Ama. Hindi rin Niya ginamit ang Kanyang kapangyarihan ng hindi humihingi ng pahintulot sa Ama. Sa Kanyang pagmiministeryo sa lupa, lubusang ipinasakop ni Hesus ang Kanyang sarili sa kalooban ng Kanyang Ama.
Bilang bahagi ng Kenosis, maraming mga pagkakataon na nagtaglay si Hesus ng limitasyon ng pagiging isang tunay na tao (Juan 4:6, 19:28). Hindi nauuhaw ni napapagod man ang Diyos ngunit Siya'y napagod at nauhaw. Sinabi rin sa atin sa Mateo 24:36, “Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” Maaaring itanong, kung tunay na Diyos si Hesus, bakit hindi Niya alam ang lahat ng bagay gaya ng Diyos? (Awit 139:1-6)? Makikita na habang narito si Hesus sa lupa, hindi Niya ginamit ang iba Niyang katangian bilang Diyos. Si Hesus ay nanatiling perpektong banal, makatarungan, mahabagin, mapagbiyaya, makatarungan at mapagmahal, ngunit may mga pagkakataong hindi Niya ginamit ang kanyang walang hanggang kaalaman.
Gayunman, pagdating sa Kenosis, lagi nating binibigyang pansin ang mga bagay na isinuko ni Hesus. Ang Kenosis ay tungkol din sa mga bagay na idinagdag ni Hesus sa Kanyang sarili. Idinagdag ni Hesus sa Kanyang sarili ang kalikasan bilang tao sa Kanyang lubos na pagpapakababa. Nagtungo si Hesus sa lupa mula sa kanyang maluwalhating kalagayan sa langit upang maging tao hanggang sa kamatayan sa krus. Sinabi sa Filipos 2:7-8, “Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao: At palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.” Sa Kanyang walang kapantay na pagpapakababa, ang Diyos ng buong sansinukob ay naging tao at namatay para sa Kanyang mga nilikha. Ang Kenosis, kung gayon, ay ang pagkakatawang tao ni Hesus at pag-angkin ng lahat ng limitasyon ng pagiging tao ngunit nanatili ang Kanyang perpektong kabanalan bilang Diyos.
English
Ano ang Kenosis? Ano ang ibig sabihin na hinubad ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos?