settings icon
share icon
Tanong

Paano ko makikilala ng mabuti ang Diyos?

Sagot


Nalalaman ng lahat na mayroong Diyos. "Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa" (Roma 1:19-20). Ikinukubli ng iba ang kaalaman tungkol sa Diyos; at ang karamihan naman ay dinaragdagan ito. Subalit ang mga Kristiyano ay mayroong malalim na pagnanais na makilala ng mabuti ang Diyos (Mga Awit 25:4).

Mababasa natin sa ikatlong kabanata ng Juan ang tungkol sa isang taong nagnanais na makilala ng mabuti ang Diyos kaya't higit na marami syang natutunan sa mga bagay tungkol sa Diyos. Siya ay si Nicodemo, isang pariseo at pinuno ng mga hudyo. Alam niyang si Jesus ay nagmula sa Diyos at nais niyang matutunan ang tungkol sa Kanya. kaya't matiyagang ipinaliwanag ni Jesus kay Nicodemo kung paano siya maipapanganak na muli (Juan 3:3-15). Tamang tao ang nilapitan ni Nicodemo upang makilala niya ng mabuti ang Diyos --"Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao" (Colosas 2:9). Totoong si Jesus ang Salita ng Diyos na nagkatawang tao (Juan 1:14). Ipinakilala niya ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga salita at gawa. Sinabi pa nga niya na walang makaparoroon sa Ama maliban sa kanya (Juan 14:6). Kaya kung gusto mong malaman kung sino ba ang Diyos, lumapit ka kay Jesus.

Kailangan nating simulan ang pagkilala sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang unang hakbang upang makilala nang mabuti ang Diyos ay ang pagkakilala kay Jesu Cristo, ang isinugo ng Diyos (Juan 6:38). Makikilala natin ng mabuti ang Diyos at ang kanyang kalooban kapag tayo ay ipinanganak ng muli. "...sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos" (1 Corinto2:10). Ngunit sa kabaliktaran, "ang taong di pinapanahanan ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal" (1 Corinto 2:14). Makikita natin dito ang pagkakaiba ng "taong karnal" at "taong espiritwal."

Sinasabi sa Roma 10:17, "...ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo." Marahil ay hindi nabibigyang diin kung gaano kahalaga ang Salita ng Diyos, ang Biblia bilang kasangkapan upang makilala natin ng mabuti ang Diyos. Sinabi ni Pedro, "Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan, sapagkat sinasabi sa kasulatan, "Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon" (1 Pedro 2:2-3). Ang Salita ng Diyos ang ating "kaaliwan" (Mga Awit 119:16, 24).

Yaong mga sumusunod sa utos upang mapuspos ng Banal na Espiritu ang higit na makakakilala sa Diyos. Ngunit bagama't ang mga taong ipinanganak na muli ay pinananahanan na ng Banal na Espiritu, Itinururo pa rin sa atin ng Efeso 5:15:21 na kailangan nating mamuhay ayon sa Espiritu, at sumunod sa kanyang kalooban.

Ang pananalangin ay mahalagang bahagi ng ating pagkakakilala ng mabuti sa Diyos. Dahil dito ay natututunan nating purihin ang Diyos dahil sa kanyang katangian at kanyang mga ginawa. Naglalaan tayo ng panahon sa Kanya, umaaasa sa kanyang kapangyarihan, at hinahayaan ang Banal na Espiritu na manalangin para sa atin "sa paraang hindi natin kayang sambitin" (Roma 8:26).

Malaking bagay din ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga mananampalataya, dahil paraan din ito upang makilala natin ng mabuti ang Diyos. Ang buhay Kristiyano ay hindi nangangahulugan ng pamumuhay mag isa. Marami tayong natututunan tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng Kanyang Salita at sa pamamagitan ng maka-diyos na payo ng mga taong lumalakad sa kalooban ng Diyos. Palaguin mo ang iyong karanasan sa iglesya, makilahok, bumuo ng grupo ng pag aaral ng Biblia, sumama sa paghayo. Dahil katulad ng panggatong na kahoy na nagniningas sa ating puso na ating inalis, ganun din ang ating init sa Diyos. Ito'y mawawala kapag hindi tayo nakikipag-ugnayan sa kapwa natin mananampalataya. Ngunit kapag sinubukan mong ibalik ang kahoy na isinama mo sa iba pang nagniningas na panggatong, ito'y muling magliliwanag.

Bilang pagbubuod kung papaano nga ba natin makikilala ng mabuti ang Diyos: 1)Tanggapin mo si Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas. 2) Basahin mo ang kanyang Salita. Ito'y buhay (Hebreo 4:12). 3) Nasain mo ang patuloy na kapuspusan ng Banal na Espiritu. 4) Lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin. 5) Iukol ang buhay sa pakikipag-ugnayan sa mga banal (Hebreo 10:25).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko makikilala ng mabuti ang Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries