Tanong
Ano ang ibig sabihin ng makilala si Jesus?
Sagot
Kapag ang mga tao ay nagsasalita ng "pagkakilala" kay Jesus, ang ibig nilang sabihin nito ay ang pagkakaroon ng kaugnayan sa Kanya. Ang pagiging Kristiyano ay higit pa sa pagkakilala o kalaaman tungkol kay Jesus, dahil ito ay nangangahulugan ng pagkakilala ng personal kay Jesus. Sinasabi Niya sa kanyang panalangin ang kahalagahan ng pagkakilala sa Tagapagligtas, "Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo" (Juan 17:3).
Ang pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa isang bayaning manlalaro ay hindi kasing kahulugan ng pagiging kaibigan niya. Maaari kang makabasa ng lahat nang artikulo tungkol sa hinahangaan mong manlalaro, maaari mong maisaulo ang lahat ng istatistika at makapangolekta ng mga alaala tungkol sa kanya ngunit hindi mo naman talaga siya nakikilala ng personal. Kaya't upang makilala mo ng lubusan ang iyong hinahangaang atleta, hindi sapat na panoorin mo lamang siya habang naglalaro kundi kinakailangang magkaroon ka talaga ng personal na kaugnayan sa kanya sa pamamagitan ng paglalaan ng panahon na makasama at makausap siya. Ibig sabihin, kapag sinabing kilala ng isang tao si Cristo, ito ay nakabatay sa kanyang personal na kaugnayan, Sila marahil ay may regular na komunikasyon at naglalaan ng panahon sa isat-isa. At makikilala natin ang Diyos kapag kilala na natin si Jesus. "At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos..." (1Juan 5:20).
Paano mo nga ba makikilala si Jesus? Sinasabi sa Roma 10:9 na, "Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka." Kinakailangan mong sumampalataya na si Jesus ay Panginoon at Siya ay bumangon mula sa mga patay. At ang dahilan kung bakit siya namatay ay upang bayaran ang iyong mga kasalanan (1 Pedro 2:24).
Sa sandaling magtiwala ka kay Cristo, nangangahulugan itong tinanggap mo na Siya at ikaw ay magiging bahagi na ng Kanyang pamilya (Juan 1:12). Bilang karagdagan, sinasabi din sa Juan 3:16 na ikaw ay binigyan ng buhay na walang hanggan: "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Kasama sa buhay na tinutukoy dito ang buhay sa piling ni Cristo magpakailanman sa langit at iyon ay nakalaan para sa iyo at sa mga sasampalataya sa Kanya.
Ipinapaliwanag din ng Efeso 2:8-9 na ang kaligtasan ay dahil sa kabutihan ng Diyos: "Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman." Ang pagkakilala o pananampalataya kay Jesus upang maligtas ay hindi nakabatay sa kung anuman ang ating magagawa kundi ito ay nagmumula sa pananampalataya at ang nagpapatuloy na kaugnayan sa kanya ay naguugat sa pananampalataya.
Hindi mo na kailangan ang espesyal na panalangin upang makilala si Jesus. Ngunit maaaring makatulong sa iyo ng tama ang panalanging ito ngayon upang ipahayag ang iyong pananampalataya kay Jesu-Cristo:
"O Diyos, napagtanto ko po na ako ay makasalanan at hindi ko kayang makarating sa langit sa pamamagitan ng aking sariling mabubuting gawa. Kaya naman, magmula po ngayon ay sumasampalataya ako kay Jesu-Cristo bilang Anak ng Diyos na nabuhay na mag-uli upang bigyan ako ng buhay na walang hanggan. Patawarin mo po ako sa aking mga kasalanan at tulungan ninyo akong mamuhay pa sa Iyo. Salamat po sa pagtanggap at pagkakaloob ng buhay na walang hanggan sa akin."
Nagpasya ka ba ngayon para kay Cristo dahil nabasa mo ang artikulong ito? Kung ganoon, iklik ang link na "Tinanggap ko si Cristo ngayon” sa ibaba
English
Ano ang ibig sabihin ng makilala si Jesus?