settings icon
share icon
Tanong

Masama ba para sa mga lalaki na kumilos na gaya ng babae o para sa mga babae na kumilos na gaya ng lalaki?

Sagot


Para masagot ang tanong na ito, kailangan muna nating ipaliwanag ang mga terminolohiya. Magkakaiba ang mga tao. Hindi tayo tinapay na hinati o mga clones na hinati sa kasarian. Ang isang lalaking katamtaman ang taas at laki ng katawan na natural na may maliit na boses ay maaring ituring na bakla ng ilan pero sa totoo, itinuturing ng lalaking iyon ang kanyang sarili bilang isang tunay na lalaki. Ang tindig, taas, at personalidad ng isang lalaki ay natural na kaloob ng Diyos at hindi dapat maging sanhi ng katatawanan o panghuhusga. Totoo rin ito para sa mga babae. May ilang babae na hindi kilos babae kaysa sa ibang babae. Ang kanilang mga pagnanasa at interes ay ayon sa tinatanggap na ideyal para sa isang tunay na babae. Pero ang isang babaeng kilos lalaki ay maaaring magparangal sa Diyos gaya ng isang karaniwang babae kung tinatanggap Niya ang disenyo ng Diyos para sa Kanya at niluluwalhati Niya ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga kaloob.

Kaya para sa layunin ng artikulong ito, papakahuluganan natin ang salitang lalaking kilos babae na “bakla” at kilos lalaki na “tomboy” bilang isang uri ng pamumuhay ng pagtanggi sa kasarian na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. Sa Lumang Tipan, ang salitang “kilos babae” ay ginamit di para sa mga lalaking nagaalok ng panandaliang aliw (Deuteronomio 23:17; 1 Hari 22:46). Sa Bagong Tipan, ang salitang Griyego na isinalin sa salitang “kilos babae” ay nangangahulugan ng “malambot” at “maselan.” Sa 1 Corinto 6:9, ang salitang ito ay inilista ng hiwalay sa pagiging bakla at tomboy na nagpapahiwatig na hindi pareho ang kanilang kahulugan. Ang isang lalaking “kilos babae” sa talatang ito ay isang lalaki na tinanggihan ang kanyang kasarian bilang lalaki at itinuturing ang sarili bilang isang babae. Maaaring aktibo o hindi siya aktibo sa pakikipagtalik pero intensyonal niyang pinili na mamuhay bilang isang malambot at maselang lalaki sa halip na tanggapin ang kanyang pagkakakilanlan na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos bilang lalaki. Ipinamuhay niya ang mga katangian bilang isang babae at nakikipagugnayan sa ibang lalaki na gaya ng mga babae.

Nang likhain ng Diyos ang lalaki at babae (Genesis 5:2), nilikha Niya hindi lamang ang pagkakaiba sa kanilang pisikal na pangangatawan. Nilikha ang lalaki at babae para gumanap ng magkakaibang papel sa sangnilikha at sa ating relasyon sa Panginoon. Ang pagtanggi sa papel na ibinigay ng Diyos ay sintomas ng pagrerebelde sa ating Manlilikha. Tuwing nilalabanan ng mga tao ang Diyos at magdesisyon na mabuhay sa anumang paraan na kanilang magustuhan, hinahayaan sila ng Diyos na sundin ang kanilang makasalanang pita kasama ang mga natural na konsekwensya ng mga iyon. Sinasabi sa Roma 1:26–27, “Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.”

Lumalala ang kasamaan at kabuktutan sa tuwing iniiwanan ng mga lalaki at babae ang kanilang pagkakakilanlan na itinalaga sa kanila ng Diyos at subukang pangatawanan ang mga katangian ng kasalungat na kasarian. Ang mga lalaki ay nagiging babae at ang mga babae ay nagiging lalaki. Ang kasalanan ay dahil sa ating mga desisyon hindi dahil sa ating natural na pagkakaiba. Dapat tayong maging maingat sa pagbibigay ng ilang katangian sa bawat kasarian ayon sa ating sariling kulturang ginagalawan. Sa ilang kultura, ang paghahawak-kamay o paghalik sa pisngi ng lalaki sa kapwa lalaki ay tanda ng pagkakaibigan, hindi indikasyon ng pagiging bakla. Noong panahon ni Jesus, nagsusuot ang mga lalaki ng mahahabang damit at dumadapa habang kumakain at humihilig sa dibdib ng bawat isa (Juan 21:20). Ngunit ang pagkakaiba sa kultura ay hindi nagpapahiwatig ng pagtanggi sa kasarian bilang lalaki o babae.

Ang pagpapalit ng kasarian ay mabilis na sumisikat sa ating panahon ngayon kasabay ng mga operasyon para sa pagpapalit ng ari at paghingi ng pagkilala ng sosyedad na gawing normal ang mga pagpapalit ng kasarian. Iniiwanan ng mga tao ang kanilang natural na pagkakakilanlan at nagpapanggap na babae o lalaki o taglay ang kasarian na hindi nila tunay na kasarian. Nagpapasasa ang sosyedad sa ganitong kabaliwan na nagbubunga sa higit pang kalituhan. Para sa mga nakikipagbaka sa pagkalito sa kasarian, ang kasagutan ay hindi sa pagpapalit ng pisikal na bahagi ng katawan kundi sa pagbabago ng puso na isang gawain ng Banal na Espiritu (1 Pedro 4:2). Kung ipapasakop natin ng buo ang ating sarili sa pagiging Panginoon ni Cristo, ninanais natin na sundin ang disenyo ng Diyos para sa atin sa halip na piliin ang ating sariling disenyo (Galatia 2:20).

Para sa isang tao na tinatanggihan ang kanyang kasarian at itinuturing ang kanyang sarili bilang isang babae, o para sa isang babae na inaayawan ang kanyang sariling kasarian at ipinapakilala ang kanyang sarili bilang isang lalaki, ito ay kasalanan. Ito ay paglaban sa disenyo ng Diyos ng Kanyang likhain ang babae at lalaki. Sinasabi sa Deuteronomio 22:5, “Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos.” Ang utos na ito ay hindi lamang para sa kasuutan kundi para bantayan ang kabanalan ng pagiging isang lalaki at isang babae. Ipinapakita sa Roma 1 na ang pagkalito sa kasarian ay isa lamang sintomas ng mas malaking problema. Sa tuwing tinatanggihan ng mga tao ang awtoridad ng Diyos at ginagawang diyos ang kanilang mga sarili, nagbubunga ito sa kaguluhan. Inilararawan sa talatang 21 hanggang 22 ng Roma 1 ang problemang ito: “Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.”

Ang pagaakala na mas marunong tayo kaysa sa Diyos ay isang pintuan patungo sa kahangalan. Kung tinatanggihan ng isang lalaki o ng isang babae ang kanyang kasarian, ito ay sintomas ng isang mas malalang kasalanan: ang pagtanggi sa ganap na awtoridad ng Diyos. Mas lumalapit tayo sa Diyos, mas matatanggap natin ang ating pagkakakilanlan sa kasarian. Parehong nagpapakita ang dalawang kasarian ng ilang aspeto ng katangian ng Diyos sa natatanging paraan. Kung pipilipitin natin ang Kanyang desisyon para sa atin, nililimitahan natin ang mga oportunidad na Kanyang ipinagkakaloob sa atin para ipakita ang Kanyang kaluwalhatian bilang mga taong nilikha ayon sa Kanyang wangis (Genesis 1:27).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Masama ba para sa mga lalaki na kumilos na gaya ng babae o para sa mga babae na kumilos na gaya ng lalaki?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries