Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang mga katuruan ng kilusang tinatawag na Word of Faith?
Sagot
Ang katuruan ng Word of Faith ay hindi naaayon sa Bibliya. Hindi ito isang denominasyon at wala itong pormal na organisasyon o pamunuan. Sa halip, ito ay isang kilusan na lubhang naimpluwensyahan ng ilang mga kilalang pastor at tagapagturo gaya nina Kenneth Hagin, Benny Hinn, Kenneth Copeland, Paul at Jan Crouch, at Fred Price.
Ang Word of Faith movement ay lumago mula sa Pentecostalism noong huling bahagi ng ika-20 siglo. Ang tagapagtatag nito ay si E. W. Kenyon na nag-aral ng katuruan ng “Metaphysical New Thought” ni Phineas Quimby na isang modernong albularyo. Inihalo ni E.W. Kenyon ang katuruan ng Mind Science (kung saan galing ang salitang “name it and claim it”) sa Pentecostalism, at nagresulta ito sa isang kakaibang kumbinasyon ng mga pangkaraniwang paniniwalang Kristiyano at mistisismo (mysticism). Pagkatapos na magaral ni Kenneth Hagin sa ilalim ng pagtuturo ni E. W. Kenyon, hinubog niya ang Word of Faith movement sa kung ano ito sa kasalukuyan. Bagamat ang saklaw ng indibidwal na katuruan ng mga grupong naniniwala sa Word of Faith ay mula sa talagang heretikal hanggang sa katawa-tawa, ang mga sumusunod ang mga pangunahing katuruan ng nakararami sa mga tagapagturo ng Word of Faith movement:
Sa kaibuturan ng kilusang Word of Faith ay ang paniniwala sa “kapangyarihan ng pananampalataya.” Pinaniniwalaan nila na ang mga salita ay maaaring gamitin upang manipulahin ang kapangyarihan ng pananampalataya o “faith-force,” at ang mga salitang ito ay aktwal na lumilikha ng mga pangako sa Bibliya na pinaniniwalaan ng nagsasalita (kalusugan at kayamanan). Ang mga batas na ipinagpapalagay na sumasakop sa kapangyarihan ng pananampalataya ay sinasabing kumikilos na hindi nakadepende sa kapamahalaan ng Diyos at ang Diyos mismo ay sumusunod sa mga batas na ito. Ang paniniwalang ito ay isang pagsamba sa diyus diyusan, at pagturing sa ating sariling pananampalataya bilang ekstensyon ng ating sarili – bilang isang diyos.
Mula rito, tuluyan ng lumayo ang Word of Faith mula sa katuruan ng Banal na Kasulatan. Inaangkin ng Word of Faith na nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang literal at pisikal na wangis bilang maliliit na diyos. Bago ang pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan, may kakayahan ang tao na lumikha ng mga bagay sa pamamagitan ng paggamit sa kapangyarihan ng pananampalataya o “faith-force.” Nang bumagsak si Adan sa kasalanan, nagkaroon ang tao ng kalikasan ni Satanas at nawala ang kanyang kakayahan na lumikha ng mga bagay sa pamamagitan ng kanyang salita. Upang iwasto ang sitwasyong ito, isinuko ni Hesus ang Kanyang pagka-Diyos at naging tao, namatay sa espiritu, kinuha ang kalikasan ni Satanas sa Kanyang sarili, pumunta sa impiyerno, isinilang na muli at nabuhay na mag-uli mula sa mga patay taglay ang kalikasan ng Diyos. Pagkatapos nito, ipinadala ni Hesus ang Banal na Espiritu upang gumawa ng eksaktong kopya o replika ng pagkakatawang tao ni Hesus sa mga mananampalataya upang sila’y maging maliliit na Diyos na siyang orihinal na plano ng Diyos sa sangkatauhan.
Ayon sa natural na progreso ng katuruang ito, bilang maliliit na diyos, nagkaroon muli ang tao ng kakayahan na manipulahin ang kapangyarihan ng pananampalataya (faith –force) at maging masagana sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay. Ang sakit, kasalanan at kabiguan ay resulta ng kawalan ng pananampalataya at mabibigyang solusyon sa pamamagitan ng pagpapahayag – o pagsasalita para matupad ang mga pangako ng Diyos para sa sarili. Sa simpleng sailta, itinataas ng Word of Faith movement ang tao sa estado ng pagiging Diyos at pinapababa naman ang Diyos sa estado ng tao. Ang katuruang ito ay isang maling representasyon ng Kristiyanismo. Malinaw na winawalang halaga ng Word of Faith ang tunay na katuruan ng Bibliya. Ang personal na rebelasyon, hindi ang Bibliya ang kanilang pinagtitiwalaang ganap upang makabuo ng mga ganitong kakatwang paniniwala na isa lamang sa mga katibayan ng kamalian ng kilusang ito.
Madaling mapapabulaanan ang mga katuruan ng Word of Faith sa pamamagitan ng simpleng pagbabasa ng Bibliya at pagbubukas ng isip sa katotohanan. Ang Diyos lamang ang makapangyarihang Manilikha ng lahat sa sansinukob (Genesis 1:3; 1 Timoteo 6:15) at hindi Siya nangangailangan ng pananampalataya dahil Siya ang pinaguukulan nito (Markos 11:22; Hebreo 11:3). Ang Diyos ay espiritu at wala Siyang pisikal na katawan (Juan 4:24). Ang tao ay nilikha sa wangis ng Diyos (Genesis 1:26, 27; 9:6), ngunit hindi siya ginawa bilang isang maliit na diyos. Ang Diyos lamang ang may banal na kalikasan (Galacia 4:8;Isaias 1:6-11, 43:10, 44:6; Ezekiel 28:2; Awit 8:6-8). Si Kristo ay ang walang hanggan, at bugtong na Anak ng Diyos, at ang nagiisa at tanging pagkakatawang tao ng Diyos (Juan 1:1, 2, 14, 15, 18; 3:16; 1 Juan 4:1). Sa Kanyang katawan lamang nananahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos (Colosas 2:9). Sa Kanyang pagkakatawang tao, isinuko ni Hesus ang kaluwalhatian ng langit ngunit hindi ang Kanyang pagka-Diyos (Filipos 2:6-7), bagamat pinili Niyang hindi gamitin ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos habang naririto sa mundo bilang tao.
Nakakapandaya ang Word of Faith movement ng napakaraming tao at ang mga katuruan nito ang nagtutulak sa kanila upang panghawakan ang isang uri ng pamumuhay na hindi naaayon sa Bibliya. Sa kaibuturan ng paniniwalang ito ay ang parehong kasinungalingan ni Satanas na malaon na niyang ginagamit noon pa man sa hardin ng Eden ng Kanyang tuksuhin si Eba: “kayo'y magiging parang Dios” (Genesis 3:5). Nakalulungkot na ang mga nakikinig at naniniwala sa mga katuruan ng Word of Faith ay patuloy na nakikinig sa kasinungalingan ni Satanas. Ang ating pag-asa ay sa Panginoon, hindi sa ating mga sariling salita (Awit 33:20-22). Mula sa umpisa pa lamang, ang ating pananampalataya ay nanggaling na sa Diyos (Efeso 2:8; Hebreo12:2) at hindi isang bagay na ating nilikha sa ating sarili. Kaya nga dapat tayong magingat at lumayo sa mga katuruan ng Word of Faith movement at sa alinmang Iglesya na naniniwala at nakikibahagi sa kilusang ito sa loob ng Kristiyanismo.
English
Naaayon ba sa Bibliya ang mga katuruan ng kilusang tinatawag na Word of Faith?