Tanong
Ano ang “Charismatic movement” o kilusang Karismatiko?
Sagot
Ang Charismatic movement o kilusang karismatiko ay isang kilusan para sa “pagpapanibagong sigla sa pananampalataya” sa lahat ng denominasyon. Ito ang isa sa pinaka-popular at pinakamabilis dumaming grupo sa mundo ng Kristiyanismo sa kasalukuyan. Ang kilusang ito ay nagumpisa noong 1906, sa Azusa street sa Los Angeles, sa isang revival na pinangunahan ng mga Metodista. Sa gawaing ito diumano “nabawtismuhan sa Espiritu Santo” ang mga tao katulad ng nangyari sa Gawa kabanata 2 sa pagdiriwang ng Pista ng Pentecostes. Nagsalita ang mga tao sa iba't ibang wika at nagkagulo ang mga tao dahil sa mga mahimalang pagpapagaling. Ipinakalat ng mga taong dumalo sa pagtitipong ito ang kanilang naranasan sa buong Estados Unidos at dito nagsimula ang kilusang Pentecostal at Karismatiko.
Noong mga unang bahagi ng 1970’s, ang kilusan ay lumaganap sa Europa at noong 1980’s mabilis na lumawak ang kilusan sa buong mundo, at mula sa mga kilusang ito nabuo ang ilang mga bagong denominasyon. Hindi kataka-taka na makita ang impluwensya ng kilusang ito sa maraming denominasyon gaya ng Baptists, Episcopalians, at Lutherans, maging sa mga iglesyang hindi kabilang sa anumang denominasyon.
Kinuha ang pangalan ng kilusang ito mula sa salitang Griyego na “charis” na isinalin sa wikang Tagalog na “grasya” at sa Ingles ay “grace,” at salitang “mata,” na salitang Griyego ay nangangahulugang “kaloob.” Ang charismata kung gayon ay nangangahulugan na “mga kaloob ayon sa biyaya.” Binibigyang diin ng salitang ito ang manipestasyon ng mga kaloob ng Banal na Espiritu bilang tanda ng presensya ng Banal na Espiritu sa tao. Ang mga kaloob na ito ay tinatawag ding mga Biblikal na “charisms” o espiritwal na kaloob na diumano ay nagbibigay ng kapangyarihan o impluwensya sa isang indibidwal at sa isang malaking grupo. Ang isa sa mga pangunahing kaloob na ito ay ang pagsasalita sa ibang wika at panghuhula. Naniniwala ang mga Karismatiko na ang manipestasyon ng Banal na Espiritu na ibinigay sa Iglesya noong unang siglo ay maaari pa ring maranasan at sanayin sa kasalukuyan.
Kilala ang kilusang Karismatiko sa pagsasanay sa pagsasalita ng ibang wika, (kilala rin sa tawag na glossolalia), mahimalang pagpapagaling at panghuhula bilang ebidensya ng pagkakaroon ng Banal na Espiritu. Karamihan sa mga pagtitipon ay may pananalangin, masisiglang awitan, sayawan at hiyawan “sa espiritu,” at pagtataas ng kamay sa pananalangin. Gayundin, ang pananalangin at pagpapahid ng langis sa mga maysakit ay laging bahagi ng pagsamba. Ito ang mga pangunahing dahilan sa popularidad at mabilis na pagdami ng kilusang ito. Habang masasabing maganda ang paglago at popularidad, hindi naman ang mga ito maaaring gamitin upang maging basehan ng katotohanan.
Isang tanong ang naghihintay ng kasagutan: Ang kilusang Karismatiko ba ay naaayon sa Bibliya? Maaari naming sagutin ito sa ganitong paraan: Alam natin na sa simula pa lamang ng kasaysayan ng mundo, ang mapanlinlang na gawain ni Satanas ay ang pandaraya sa sangkatauhan upang hindi makita ang katotohanan ng hindi nagkakamaling Salita ng Diyos. Nagsimula ang pandarayang ito ni Satanas sa hardin ng Eden ng tanungin ng ahas si Eba, “totoo bang sinabi ng Diyos..?” (Genesis 3:1), at sa gayon ay pinapagduda ng ahas si Eba sa kapangyarihan at katotohanan ng sinabi ng Diyos. Mula ng araw na iyon, hanggang sa ngayon, nagpapatuloy si Satanas sa pagatake sa katotohanan at sa kasapatan ng Bibliya sa pagtuturo ng katotohanan. Walang duda na sa pagdaan ng maraming panahon naging eksperto na si Satanas sa kanyang estratehiya ng panlilinlang sa mga tao (1 Pedro 5:8).
Sa kasalukuyan, nasasaksihan natin ang mga dumaraming kaguluhan na nalilikha ng gawain ng demonyo sa pamamagitan ng mga kwestyonableng himala. Dahil hindi magtagumpay si Satanas na agawin ang Bibliya sa tao, ang mga tao na ang buong sikap niyang dinadala papalayo sa Bibliya. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pag-agaw sa atensyon ng mga “Kristiyano” mula sa Bibliya patungo sa mga kakatwang patotoo ng mga babae at lalaki na diumano'y sumasailalim sa mga supernatural na karanasan. Dahil dito, ang mga labis na nagpapahalaga sa mga kakaibang karanasan sa halip na manatili sa katuruan ng Bibliya ay wala ng interes na magaral pa ng nakasulat na Salita ng Diyos upang hanapin doon ang mga katotohanan ng Diyos.
Gumagawa pa rin ng himala ang Diyos sa kasalukuyan. Maaaring ang ilan sa mga himala na nagaganap sa loob ng kilusang Karismatiko ay totoo rin namang gawa ng Banal na Espiritu. Gayunman, ito ang nagdudumilat na katotohanan: hindi na kailangan ng Iglesya ang mga bagong Apostol, o ang mga gumagawa ng himala na itinataas ang kanilang sarili. Ang kailangan ng Iglesya ay bumalik sa Salita ng Diyos at ipahayag ang buong katotohanan nito sa diwa ng pag-ibig at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
English
Ano ang “Charismatic movement” o kilusang Karismatiko?