Tanong
Ano ang Kinism / Kinismo?
Sagot
Ang Kinism/Kinismo ay isang sangay ng malawak na serye ng kilusang panrelihiyon na nagsusulong ng pagbubukod-bukod ng mga lahi. Ang kilusang ito ay base sa Kristiyanismo at sa mas malaking bahagi ay kinabibilangan ng mga taong marunong sa kasaysayan, mga Calvinist, Orthodox at Reformed sa kanilang mga doktrinang pinaniniwalaan. Gayunman, ang pagkahilig sa paniniwala sa ilang tamang doktrina ay hindi nangangahulugan na ang mga Kinista ay tama sa kanilang paniniwala at pagsasanay. Sa katotohanan, ang pagsang-ayon sa mga tamang doktrina, at ang malawak na kaalaman sa teolohiya ng mga tagasunod ang dahilan sa pagiging mas delikado ng legalistang kultong ito.
Mahirap na makakuha ng direktang sagot tungkol sa Kinismo, dahil ang kilusang ito ay halos bago pa lamang at hindi pa naoorganisa at dahil na rin sa may pagkaiskolar at pagkapribado ang mismong mga Kinista. Ngunit isang mga bagay ang malinaw: Hindi gaya ng mga kilusan na "Christian Identity" o ng bansang Aryan, at mga Anglo-Israelists, hindi nila pinaniniwalaan na ang tunay na lahing pinagmulan ng bansang Israel ay ang mga Briton at mga grupo ng tao sa Amerika.
Ang pagkakaiba ng Kinismo sa iba ay naniniwala sila na nagtalaga ang Diyos ng kaayusan para sa sangkatauhan na bukod pa sa personal at indibidwal na pagsamba. Naniniwala sila na nagtakda ang Diyos ng hangganan para sa mga grupo ng tao at dapat na respetuhin ng mga tao ang mga hangganang ito sa pamamagitan ng pagpapanatili ng tribo ng bawat tao. Ang kahulugan nito ay kung magkakaroon ng isang grupo ng puting kinista, at isang grupo ng itim na kinista, hindi sila dapat na sumambang magkasama. Naniniwala sila na inaagawan ng tao ng awtoridad ang Diyos kung makikisama sila sa ibang mga lahi, samantalang nagtalaga ang Diyos ng mga itinakdang pagkakaiba-iba (sabi nila) ng mga lahi. Sa pananalita ng isang Kinista, "nakakaapekto ang paniniwalang ito sa ating doktrina tungkol sa iglesya dahil maituturing ang iglesya bilang isang grupo ng magkakaibang lahi, at maiingay na malalaking iglesya na "mabaho" sa pangamoy ng Diyos." Bukod sa pagiging matigas ang puso, ang pahayag na ito ay simpleng hindi naaayon sa Bibliya at nagsusulong ng pananaw ng rasismo at isang plataporma para sa pagmamataas at legalismo.
Ipinagpipilitan ng mga Kinista na dapat na magkabukod ang iglesya at komunidad at siyempre, ang mga pamilya ayon sa lahi. Naniniwala sila na dapat na sumunod ang mga Kristiyano sa mga Kautusan sa Lumang Tipan na ipinagbabawal sa mga Hudyo na makipag-asawahan sa ibang tribo/lahi. Sinasabi din nila na "pinagbukod" ng Diyos ang mga lahi sa Tore ng Babel at ang pagsamahin muli ang mga taong iyon ay isang paghamak sa kaayusan ng sangkatauhan na itinakda ng Diyos. Ang parehong paniniwala sa kabila ng mga pangangatwiran ng mga iskolar sa kampo ng mga Kinista, ay madaling basagin at pabulaanan sa pamamagitan ng Kasulatan.
Una, upang matiyak kung mailalapat din para sa iglesya sa Bagong Tipan ang Kautusan sa Lumang Tipan patungkol sa pagbubukod ng lahi ng mga tao, dapat nating alamin kung ano ang dahilan sa pagbubukod na ito sa Lumang Tipan. Ang napakalinaw na dahilan ng Diyos sa paguutos nito ay upang maiwasan ang paghalo at pagpasok ng mga paganong pagsamba sa sosyedad ng mga Hudyo (Malakias 2:11; Deuteronomio 7:3). Sa Bagong Tipan, sa pananahan ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya at sa utos ni Jesus na ipangaral ang Mabuting Balita sa mga Hentil, lumipat tayo mula sa bansang Israel bilang tanging bansa na katanggap-tangap sa Diyos patungo sa "sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa" (Gawa 10:34–35) at bahagi rin ng katawan ni Kristo. Sasang-ayon dito ang isang Kinista at sasabihin na maaaring maging Kristiyano ang sinuman mula sa anumang lahi. Ngunit sasabihin pa rin nila na ipinagbabawal ang pagaasawa sa ibang lahi bagama't walang biblikal na kadahilanan para dito.
Bagama't papanumbalikin ng Diyos ang Israel sa Kanyang biyaya pagkatapos na madala sa Kanya ang kabuuang bilang ng mga Hentil (Roma 11:11–12), ang kautusan na, "Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak" (tingnan ang Deuteronomio 7:3–4), ay hindi na napapanahon sa atin ngayon dahil maaari ng magasawa ang isang Kristiyano ng isang Kristyano mula sa ibang lahi ng hindi na manganganib na madala sa pananampalataya sa mga diyus-diyosan ng ibang bansa. Kaya ang bagong utos ay, "Huwag kayong makisama (magasawa) sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila" (tingnan ang 2 Corinto 6:14). Simpleng hindi na kinakailangan ang pagbukod sa ibang lahi dahil ang iglesya ngayon ay binubuo ng mga Hudyo at mga Hentil na sumasampalataya kay Kristo para sa kanilang kaligtasan. Sa ibang salita, ang lahat ng pinananahanan ng Banal na Espiritu, sa totoong esensya ay "iisang pamilya" (tingnan ang Lukas 8:21; Galacia 3:26–29).
Tungkol sa aksyon ng Diyos sa Tore ng Babel na ipinagpapalagay na pagtatalaga ng Diyos para sa pagbubukod-bukod ng mga lahi, ang kuwento ng Tore ng Babel (Genesis 11:1–9) ay tungkol sa panggugulo ng Diyos sa mga wika ng tao upang hindi sila makagawang magkakasama para magsagawa ng masamang plano laban sa Diyos. Hindi ito tungkol sa paghihiwalay ng mga lahi. Pinatunayan ito ni Pablo sa Galacia 2:11–14, kung saan pinagsabihan ni Pablo si Pedro dahil sa paghiwalay nito sa mga mananampalatayang Hentil sa iglesya. Ang isa pang halimbawa ay ang pagtatalaga ni Pablo kay Timoteo na Griego ang ama bilang isang Kristiyanong pastor (2 Timoteo1:6). Tinawag pa ni Pablo si Timoteo na "tunay kong anak sa pananampalataya" (1 Timoteo 1:2). Ang ina ni Timoteo ay isang Hudyo at isang babae ng pananampalataya. Ipinapahiwatig nito na namuhay at nagministeryo si Timoteo sa isang komunidad na pinaninirahan ng mga Hudyo at mga Hentil. Dumalo ba ang kanyang ina sa iglesya? At kung nais ng Diyos na paghiwalayin ang mga lahi, saan maaring magpastor si Timoteo bilang isang mestisong Hudyo at Griyego? At paano si Pablo mismo na isang "mangangaral, apostol . . . at guro sa mga Hentil? (1 Timoteo 2:7)? Kung totoo ang Kinismo, Bakit hindi nagsugo ang Diyos ng isang Hentil na mangangaral at tagapagturo sa mga Hentil? Bakit si Pablo na isang Hudyo ang Kanyang isinugo para mangaral sa mga Hentil?
Sa maiksing salita, ang Kinismo ay isang simpleng panibagong pagtatangka na mapawalang sala sa pamamagitan ng Kautusan sa halip na sa Ebanghelyo ng biyaya ng Diyos. Sinabi ni Pablo, "Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego" (Roma 1:16, idinagdag ang diin.)
English
Ano ang Kinism / Kinismo?