settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kolektibong kaligtasan?

Sagot


Ang “kolektibong kaligtasan” ay nangangahulugan na “maliban na maligtas tayong lahat, wala isa man sa atin ang maliligtas” o “tayong lahat, bilang mga indibidwal ay dapat na magtulungan at magpakasakit para sa ikaliligtas ng lahat.” Ang isa pang kahulugan ng kolektibong kaligtasan ay “hindi ako maliligtas sa aking sarili. Kailangan kung gawin ang aking bahagi sa pamamagitan ng pakikiisa sa isang grupo, sa pagsasakripisyo kasama nila, upang matiyak ang kaligtasan ng iba. Sa pamamagitan nito, maliligtas tayong lahat.” Gayunman, malinaw ang katuruan ng kasulatan na ang kaligtasan ay ang proseso kung saan inililigtas ng Diyos ang mga indibidwal sa pamamagitan ng paghahandog ng buhay ni Kristo sa krus. Ang bawat tao ay dapat na lumapit ng indibidwal kay Hesus, hindi bilang isang grupo.

Ang kolektibong kaligtasan ay kahalintulad ng ekumenikal na kilusan sa maraming sekta ng Protestanteng iglesya na yumayakap sa Katolisismo, Islam, Budismo, mga mistikal na relihiyon sa Silangan at mga kulto upang makamit ang kanilang layuning moral at sosyal. Iniisip nila na kung may sapat na dami ng mga taong magsasama-sama, maaari silang magwagi laban sa mga taong walang kinikilalang diyos at sa mga kasamaan sa sosyedad na itinatakwil ang lahat ng uri ng moralidad. Naniniwala sila na kung ang bawat indibidwal ay makikipag kaisa at magpapakasakit para sa kabutihan ng lahat, mapapawi ang lahat ng uri ng kasamaan sa sosyedad. Inaangkin ng mga nagsusulong ng ekumenismo na ang Iglesya ay nasa gitna ng isang banal na labanan upang ingatan ang mga pinahahalagahan ng mga Kristiyano na magkakabahagi sa iisang katuruan ng Bibliya at dapat nating iwasan ang mga hindi pagkakaunawaan sa mga doktrina at magsama sama upang makibaka laban sa bulok na sistema ng mundo.

Laging ginagamit ng mga nagsusulong ng ekumenismo o kolektibong kaligtasan ang Juan 17 upang suportahan ang kanilang paniniwala. Pinaniniwalaan nila na idinadalangin ni Hesus sa talatang ito na dapat na magkaisa ang lahat ng mga Kristiyano at hindi dapat magaway-away sa kanilang sariling grupo. Ngunit sa aktwal, ang panalangin ni Hesus ay para lamang sa Kanyang mga alagad – para sa lahat ng mga sumusunod sa Kanya at hindi para sa lahat ng tao – na magkaroon sila ng iisang layunin, ng pagkakaisa sa Espiritu na nagkaroon ng katuparan sa Araw ng Pentecostes (tingnan ang ikalawang kabanata ng Aklat ng mga Gawa) ng dumating at nanahan sa kanila ang Banal na Espiritu at nabawtismuhan sila ng Espiritu sa katawan ni Kristo . Nilagom ito ni Pablo sa 1 Corinto 6:17 ng kanyang sabihin “Nguni't ang nakikisama sa Panginoon, ay kaisang espiritu niya.”

Ang problema sa konsepto ng kolektibong kaligtasan ay hindi ito matatagpuan kahit saan sa Bibliya. Ang isa sa mga susing sangkap ng kolektibong kaligtasan ay ang mapanlinlang na kaisipan na kailangan ng Iglesya na magkaisa sa isang sama-samang pagkilos upang linisin ang mundo sa lahat ng uri ng imoralidad sa ating sosyedad sa kasalukuyan. Gayunman, wala kahit isang pangyayari sa Bagong Tipan kung saan sinubukan ni Hesus o ng sinuman sa Kanyang mga alagad na ayusin ang mga problema sa sosyedad, maging sa pamahalaan. Ang kanilang itinuro ay hindi ang kolektibong kaligtasan kundi ang indibidwal na kaligtasan ng tao sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Kristo. Binabago ni Hesus ang puso ng mga tao at binibigyan ng kakayahang sumampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng pagkilos at kapangyarihan ng Banal na Espiritu upang makaranas sila ng kaligtasan (1 Corinto 2:12-16; Juan 3:3-6).

Ang isa sa pinakanakakabahalang aspeto ng konsepto ng kolektibong kaligtasan o ekumenismo ay ang pagaangkin nito na layunin ng Diyos para sa mga mananampalataya na makilahok sa isang “digmaang pangkultura,” na tayo ay isang uri ng kapangyarihang pantao na makakaimpluwensya sa pamahalaan sa pamamagitan ng nagkakaisang pagboto o sa pagtatatag ng mga institusyon na makakapagtanggol at makapagsusulong ng moralidad sa ating sosyedad. Ngunit nilinaw ni Pablo na hindi ito ang papel na ginagampanan ng mga Kristiyano: “Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig. Datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya” (2 Timoteo 3:12-13). Ang utos sa atin sa Bibliya ay walang kinalaman sa kolektibong moralidad, kolektibong organisasyon, o kolektibong relihiyon. Ang utos sa atin ay may kinalaman sa Dakilang Utos – ang maging instrumento sa pagtawag ng Diyos sa kaligtasan ng indibidwal sa pamamagitan ng Ebanghelyo ni Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kolektibong kaligtasan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries