Tanong
Dapat ba na sarado o bukas para sa ibang mananampalataya ang komunyon?
Sagot
Ang pagkakaiba sa pagitan ng “sarado” at “bukas” na komunyon ay nakasalalay sa pananaw ng isang iglesya sa layunin ng komunyon at awtoridad ng iglesya. Pinahihintulutan ng mga iglesyang nagsasanay ng bukas na kumunyon ang mga nagpapakilalang mananampalataya ni Kristo kahit na hindi sila miyembro ng kanilang iglesya na makilahok sa kanila sa ordinansa ng Huling Hapunan ng Panginoon o komunyon. Ang mga iglesya naman na nagsasanay ng “saradong komunyon” ay nililimitahan ang pakikilahok sa ordinansa ng Huling Hapunan para lamang sa kanilang mga opisyal na miyembro na may maayos na katayuan sa iglesya. May ilang iglesya naman na nagsasanay ng ikatlong uri ng komunyon na tinatawag nilang saradong komunyon kung saan pinapayagan ang mga iglesya na kabilang sa parehong denominasyon na makilahok sa ordinansa ng komunyon sa isang lokal na iglesya.
Ang katuruan ng Bibliya tungkol sa Hapunan ng Panginoon ay makikita sa 1 Corinto 11:17-34 at isinusulong ang bukas na partisipasyon para sa lahat na mananampalataya. Ang lahat na mga tunay na anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang personal na pananampalataya kay Hesu Kristo na Kanyang Anak ay karapatdapat na makilahok sa Huling Hapunan dahilan sa katotohanan na tinanggap nila ang kamatayan ni Kristo bilang kabayaran para sa kanilang mga kasalanan (tingnan din ang Efeso 1:6-7).
Ang pangangatwiran sa likod ng pananaw ng ilang iglesya na saradong komunyon ay dahilan sa nais nilang makasiguro na ang lahat ng makikilahok sa Huling Hapunan ay mga totong mananampalataya. Ang katwirang ito ay katangap tangap; gayunman, inilalagay ng pananaw na ito ang mga tagapanguna ng Iglesya sa isang katayuan na tila sila na ang may kakayahang kumilala kung sino ang karapatdapat na makibahagi o hindi. Maaaring ipagpalagay ng iglesyang ganito ang paniniwala na ang lahat ng kanilang opisyal na miyembro ay mga tunay na mananampalataya. Ngunit ang ganitong pagpapalagay ay maaaring tama at maaari din namang mali.
Ang pagsasanay ng “saradong komunyon” – o ang paglilimita sa ibang miyembro sa pakikibahagi sa hapunan ng Panginoon – ay isa ring pagtatangka na siguruhin na ang isang miyembro ay hindi makikibahagi sa isang hindi “katanggap-tanggap na paraan” (1 Corinto 11:27). Itinuturing ng mga iglesyang ito na kaya nilang alamin kung katanggap-tanggap o hindi ang kanilang miyembro at wala silang kakayahan upang malaman ang espiritwal na kundisyon ng mga mananampalataya na kabilang sa ibang iglesya. Gayunman, tinutukoy sa 1 Corinto 11:27 ang paraan kung paano nakikibahagi ang mananampalataya sa pagkain ng tinapay at sa paginom ng alak, hindi sa personal na kalagayan ng kanyang puso. Wala talagang sinuman ang katanggap tanggap sa Diyos. Dahil lamang sa nabuhos na dugo ni Kristo kaya tayo pinaging dapat ng Diyos. Ang maling paraan ng pakikibahagi sa Huling Hapunan ay kung may ibang mananampalataya na ibinubukod sa pagkain (talata 21), kung ang mga nakikilahok ay hindi nagbabahagi ng kanilang pagkain sa iba (talata 21), kung may naglalasing (talata 21), kung hinihiya ang mahihirap (talata 22), kung isinusulong ang pagiging makasarili (talata 33), o kung ang pagtitipon ay itinuturing na isa lamang simpleng kainan upang pawiin ang gutom (talata 34).
Ayon sa Bibliya, ang ordinansa ng komunyon o hapunan ng Panginoon ay dapat na bukas para sa lahat na mananampalataya, hindi lamang para sa isang partikular na iglesya o denominasyon. Ang mahalaga ay isinilang na muli ang mga nakikilahok at lumalakad ng may pakikisama sa Panginoong Hesu Kristo at sa bawat isa. Bago makibahagi sa hapunan ng Panginoon ang isang mananampalaya, dapat na personal muna niyang siyasatin ang kanyang motibo (1 Corinto 11:28). Kahit pa anong iglesya ang kinabibilangan ng isang mananampalataya, walang puwang ang kawalan ng galang, pagiging makasarili, kasakiman at maling pagpapalagay sa iba sa hapag ng Panginoon.
English
Dapat ba na sarado o bukas para sa ibang mananampalataya ang komunyon?