Tanong
Ano ang kondisyonal na pagpili?
Sagot
Maraming hindi pagkakaunawaan tungkol sa batayan ng Diyos sa pagpili, bagaman, malinaw na itinuturo sa Bibliya na pumipili ang Diyos ng mga taong kanyang ililigtas. Ang kondisyonal na pagpili ay isang paniniwala na pumipili ang Diyos ng mga taong ililigtas niya ayon sa kanyang pagkakaalam kung sino ang mga sasampalataya kay Cristo. Sinasabi rin nito na nakikita ng Diyos na marunong sa lahat ang hinaharap at Siya ay nagpasyang pumili ng mga tao batay sa kanilang magiging pasya na sumampalataya kay Cristo sa hinaharap. Ito ay tinatawag na “kondisyonal” na pagpili sapagkat ito ay batay sa kondisyon ng tao upang gawin ang isang bagay ayon sa kanyang malayang pagpapasya. Ayon din sa katuruang ito, pinili ng Diyos upang iligtas ang mga taong alam niya na sasampalataya kay Cristo, at iyon namang alam niya na hindi sasampalataya kay Cristo ay hindi niya pinili.
Ang kondisyonal na pagpili ay isa sa Artikulo ng Remonstrance na tumutukoy sa teolohiyang Arminian at ito ang pinaka sentro ng kanilang paniniwala at sistemang teolohikal, kabaliktaran ito ng katuruan na pinanghahawakan ng teolohiyang Reporma, na naniniwalang ang Bibliya ay nagtuturo ng walang kondisyong pagpili, isang pananaw na ang Diyos ay pumipili ayon sa kanyang soberanong plano at hindi batay sa magiging pagkilos o tugon ng kanyang pinili sa hinaharap.
Karaniwang pinagbabatayan ng mga naniniwala sa kondisyonal na pagpili ay ang mga talata sa 1 Pedro 1:1-2, kung saan sinabi ni Pedro na, “Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa...ang susing parirala dito ay pinili... ayon sa layunin ng Diyos. O isa pang talata na may kaparehong implikasyon sa Roma 8:29-30: “Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian.”
Gayunman, wala namang hindi pagkakaunawaan sa katotohanan na ang Diyos ay marunong sa lahat kaya't alam na niya sa hinaharap kung sino ang maliligtas at kung sino ang hindi. Ang debate sa pagitan ng kondisyonal at hindi-kondisyonal na pagpili ay kung ang mga talatang ito ba ay nagtuturo na ang “malayang pagpapasya sa pagpili” ba ang sanhi ng pagpili ng Diyos o ito'y pagkilala na alam na ng Diyos kung sino ang maliligtas at kung sino ang hindi. Kung ang mga talatang ito lamang ang tumatalakay tungkol sa pagpili, masabi natin na kailangan nga talagang pagdebatehan, kung ang Bibliya ba ay nagtuturo ng kondisyonal na pagpili, Subalit marami pang mga talata sa Bibliya ang tumatalakay kung ano nga ba ang batayan ng Diyos sa pagpili ng kanyang mga ililigtas.
Ang unang talata na makatutulong upang maunawaan natin kung itinuturo nga ba sa Bibliya ang kondisyonal na pagpili ay ang Efeso 1:4-5: “Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban. ”Malinaw na makikita natin sa mga talata na “mayroon talagang itinalaga at pinili ang Diyos ayon sa kanyang layunin at kalooban.” Kung isasa alang-alang natin ang ideya ng pag kupkop, at ang katotohanan na ang Diyos ang siyang pumili sa atin upang tayo ay kupkupin at ito ay ginawa na niya bago pa likhain ang sanlibutan, malinaw nating makikita na ang batayan ng Diyos sa kanyang pagpili at pagtatalaga ay hindi ang magiging pasya natin sa hinaharap kundi ang kanya lamang soberanong pagpapasya na kanyang isinagawa ayon sa Kanyang “pag-ibig.”
Ang isa pang talata na umaayon sa walang kondisyong pagpili ay ang Roma 9:11, kung saan sinasabi ng Diyos na “Sapagka't ang mga anak nang hindi pa ipinanganganak, at hindi pa nagsisigawa ng anomang mabuti o masama, upang ang layon ng Dios ay mamalagi alinsunod sa pagkahirang, na hindi sa mga gawa, kundi doon sa tumatawag.” Bagaman hindi tinatanggap ng ilan ang ganitong paliwanag sa Roma 9:11 sapagkat ito daw ay tumutukoy sa pangmaramihang pagpili at hindi sa indibidwal na pagpili. hindi pa rin natin pwedeng balewalain na lamang ang mga bahagi ng Banal na Kasulatan na malinaw na nagtuturo na ang pagpili ay HINDI batay sa anumang bagay o pasya na maaaring gawin ng tao kundi tanging sa pamamagitan lamang ng pagpapasya ng soberanong Diyos.
Bilang karagdagan, makikita rin natin na itinuturo ang walang kondisyong pagpili sa sa Juan 15:16, “Ako'y hindi ninyo hinirang, nguni't kayo'y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo'y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga. Sinabi ni Jesus sa Juan 10:26-27 na, “Ngunit ayaw nʼyong maniwala sa akin dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin.” Sinasabi ng kondisyonal na pagpili na ang mga taong sumampalataya ay pinili bilang tupa dahil sumampalataya sila, ngunit kabaliktaran ang itinuturo ng Bibliya. Sila ay sumampalataya sapagkat sila ay Kanyang tupa. Ang pagpili ay hindi kondisyonal batay sa pagtanggap ng tao kay Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas kundi ito ang dahilan ng kanyang pagtanggap.
Ang kondisyonal na pagpili ay isang pananaw na ang “malayang pagpapasya” o desisyon ng tao na tanggapin si Cristo bilang tagapagligtas ang batayan ng pagpili sa kanya. Samakatuwid, ang pasya ng tao ang sanhi ng kanyang kaligtasan. Gayunman, mahalaga ang pananaw na ito tungkol sa pagpili dahil sa paniniwalang Arminian na ang tao ang pumipili sa Diyos sa halip na ang Diyos ang pumipili sa tao. Sa kanyang pinakasimpleng anyo,itinuturo ng teolohiyang Arminian na ang kaligtasan ng isang tao ay batay sa kanyang “malayang pagpapasya” lamang at hindi batay sa kalooban ng Diyos. Ito ay nauuwi sa isang konklusyon na ang pagkilos ng Diyos ay nakasalalay sa malayang pagpapasya ng tao. Dahil sa ganitong pananaw tungkol sa pagpili at kaligtasan, ang Diyos ay tila ba napapailalim sa kapritso at desisyon ng tao, at ang kanyang sariling pasya na ang magiging sanhi ng kanyang kaligtasan.
Sa kabilang banda, itinuturo naman ng walang kondisyong pagpili na ang soberanong pagpapasya ng Diyos ang tumutukoy kung sino ang kanyang pinili o hindi. Samakatuwid, tanging ang kapasyahan at biyaya ng Diyos lamang ang responsable sa kaligtasan ng tao. Ibig sabihin, lahat ng pinili ng Diyos upang maligtas ay lalapit at sasampalataya kay Cristo, ngunit hindi makakalapit sa kanya ang mga hindi pinili (Juan 6:37). Sa ganitong senaryo, ang Diyos ang naluluwalhati dahil sa kanyang kagandahang-loob at kahabagan upang iligtas ang mga walang pag-ibig sa kanya, at ang mga walang kakayahang lumapit sa kanya sa pamamagitan ng sarili nilang kakayahan (Efeso 2:1-5).
Hindi magkatugma ang dalawang pananaw na ito tungkol sa pagpili. Tiyak na ang isa ay tama at ang isa ay mali. ang isa ay naniniwala na ang kaligtasan ng tao ay nakasalalay sa kapasyahan ng tao kaya't ang karangalan ay sa kanya mapupunta. samantalang kinikilala naman ng isa na ang pagpili at kaligtasan ay nakasalalay sa soberanong pasya ng Diyos. isang pananaw na ang tao ang may kontrol ng kanyang kaligtasan, at ang isa naman ay nagpapakita na ang Diyos ang nagliligtas sa naligaw, at walang pag asang makasalanan. Isang pananaw na ang tao ang itinataas at ang isa naman ay ang Diyos ang pinararangalan. Ang isa ay nagpapatotoo tungkol sa kakayahan at kabutihan ng tao, samantalang ang isa naman ay isang patunay ng kamangha-manghang biyaya ng Diyos.
English
Ano ang kondisyonal na pagpili?