Tanong
Ano ang Korderong pampaskuwa? Paanong si Jesus ang ating Korderong Pampaskuwa?
Sagot
Ang korderong pampaskuwa ay isang hayop na iniutos ng Diyos sa mga Israelita para ihandog noong gabi bago patayin ng Diyos ang mga panganay na anak na lalaki sa bawat bahay ng mga Ehipsyo (Exodo 12:29). Ito ang huling salot na ipinaranas ng Diyos laban sa Faraon, at ito ang nagtulak sa kanya para palayain ang mga Israelita sa pagkaalipin (Exodo 11:1). Pagkatapos ng gabing iyon, inutusan ng Diyos ang mga Israelita na idaos ang Pista ng Paskuwa bilang isang permanenteng pagalaala (Exodo 12:14).
Iniutos ng Diyos na pumili ang mga Israelita sa bawat tahanan ng isang taong gulang na lalaking tupa na walang kapintasan (Exodo 12:5; cf. Levitico 22:20-21). Papatayin ng puno ng sambahayan ang tupa sa madaling araw at iingatan na walang anumang mababali sa mga buto nito at ipapahid ang dugo nito sa itaas na bahagi at gilid ng hamba ng kanilang pinto. Ang tupa ay kanilang iihawin at kakainin (Exodo 12:7-8). Ibinigay din ng Diyos ang tagubilin kung paano kakainin ng mga Israelita ang tupa, "Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskuwa ni Yahweh" (Exodo 12:11). Sa ibang salita, kailangan na nilang maghanda sa paglalakbay.
Sinabi ng Diyos na kung makikita Niya ang dugo sa hamba ng mga bahay ng mga Israelita, lalampasan Niya ang bahay na iyon at hindi pahihintulutan ang anghel na "mamumuksa" na pumasok doon (Exodo 12:23). Ang bahay na walang dugo ng tupa ay papasukin ng anghel at papatayin ang panganay na anak na lalaki sa loob (Exodo 12:12-13).
Itinatag sa Bagong Tipan ang relasyon sa pagitan ng Korderong Pampaskuwa sa Lumang Tipan at ang Korderong Pampaskuwa sa Bagong Tipan, ang Panginoong Jesu Cristo (1 Corinto 5:7). Kinilala ng propetang si Juan Bautista ang Panginoong Jesus bilang ang "Kordero ng Diyos" (Juan 1:29), at iniugnay ni apostol Pedro ang korderong walang kapintasan kay Jesus (Exodo 12:5) na tinatawag niyang "isang kordero na walang bahid dungis o kapintasan" (1 Pedro 1:19). Si Jesus ay karapatdapat na tawaging "walang kapintasan" dahil ang Kanyang buhay ay ganap na malaya sa kasalanan (Hebreo 4:15). Sa aklat ng Pahayag, kinilala ni apostol Juan si Jesus bilang "isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na" (Pahayag 5:6). Ipinako si Jesus sa araw na ipinagdiriwang ng mga Israelita ang araw ng Paskuwa (Mark 14:12).
Sinasabi ng Biblia na simbolikong inilapat sa puso ng mga mananampalataya ang dugong inihandog ni Cristo at dahil doon, nakatakas sila mula sa walang hanggang kamatayan (Hebreo 9:12, 14). Gaya ng kung paanong inilapat ang dugo ni Jesus para lampasan ng anghel na mamumuksa ang bahay ng mga Israelita, gayundin naman, inilapat ni Jesus ang Kanyang dugo upang lampasan ng Diyos ang mga mananampalataya at hindi na sila hatulan pa (Roma 6:23).
Habang ang unang Paskuwa ang okasyon kung kailan pinalaya ang mga Hebreo sa kanilang pagkakabihag sa Egipto, ang kamatayan naman ni Cristo ang nagpalaya sa atin sa pagkaalipin sa kasalanan (Roma 8:2). Habang ang unang Paskuwa ay inaalala taun-taon bilang isang kapistahan, dapat ding alalahanin ng mga Kristiyano ang kamatayan ng Panginoon sa pamamagitan ng komunyon hanggang sa Siya ay bumalik (1 Corinto 11:26).
Bagama't ang korderong pampaskuwa sa Lumang Tipan ay realidad sa kanilang panahon, ito ay anino lamang ng mas mabuti at huling korderong pampaskuwa, ang Panginoong Jesu Cristo. Sa pamamagitan ng Kanyang walang kasalanang buhay at handog na kamatayan, si Jesus ang nag-iisa at tanging may kakayahan na iligtas ang mga tao sa kamatayang walang hanggan at Siya ang tiyak na pag-asa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos (1 Pedro 1:20-21).
English
Ano ang Korderong pampaskuwa? Paanong si Jesus ang ating Korderong Pampaskuwa?